ARKHE
TUMULOY KAMI NI Koko sa pag-alis.
Mabuti na lang umayos ang pakiramdam niya. Nakumbinsi ko siya kanina na kalimutan na lang muna ang pagkikita nila ni Desa sa bahay. Gusto ko sanang maging masaya lang kami ngayon.
Natupad naman nga. Kanina pumasyal kami at kumain sa restaurant. Masaya ako na kasama siya, parang nakakalimutan ko lahat ng mga iniisip ko. Ngayon gabi, nandito na kami sa isang maliit na bar sa Makati, malapit sa tinitirhan niya. Naisipan lang namin bigla na uminom. Ayaw pa rin kasi naming umuwi.
Hindi naman ito ang unang beses na nakainuman ko siya. Nagawa na namin ito dati nung magkaka-ayos pa sila nila Desa at Baron. Madaling yayain 'tong si Koko pagdating sa mga ganito, e.
"Arkhe, baka napaparami na 'yang inom mo, ha," biglang sabi niya sa 'kin. "Magda-drive ka pa pauwi."
Napangiti ako. "Kaya ko, wag kang mag-alala." sabay tungga ko ulit rito sa bote ko ng alak. "Ikaw, yan lang talaga ang iinumin mo?" Tinuro ko ang binili niyang alcohol mix kanina. "Parang ang konti yata niyan."
Napakagat siya ng ibabang labi. "Bakit, naka-ilang bote ba ako noong huling beses tayong uminom?"
"Ewan ko, hindi ko na maalala."
"Konti lang ako ngayon. May pasok pa ako bukas, e. Ikaw ang swerte mo, wala kang trabaho mamaya sa Third Base."
"Wala nga. Didiretso na ako nag uwi pagka-hatid ko sa 'yo."
"Hmm...ihahatid mo pa ba talaga ako? Medyo malapit na ang bahay ko rito, kaya ko nang i-jeep."
"Sus. Sayang pa pamasahe mo. Ihahatid na kita, malapit ka lang naman. Tapos patambay muna ako sa inyo saglit. Ayos lang ba?"
"Okay lang." Sumubo siya ng pulutan. "Wala naman na akong ibang kasama ro'n. Umalis na si Desa e. Kaso baka bigla ka na namang magkaroon ng emergency mamaya, ah? Iwanan mo ulit ako."
Hindi na ako sumagot. Napangiti na lang ako tapos tumungga ulit ng alak.
Siya naman, biglang tumayo. "Teka, magsi-C.R lang ako." Dumiretso siya papasok ro'n sa loob ng bar. Nandito kasi kami nakapwesto sa labas.
Habang wala siya, nilabas ko muna ulit ang cellphone ko.
Wala pa ring text si Baron. Kanina tinawagan ko 'yon, kukumustahin ko lang sana si Desa kasi nga nagkita sila ni Koko sa bahay. Kaso hindi ako sinasagot, pinapatayan nga ako ng tawag. Tsk, baka mamaya nagka-tampuhan na naman 'yung dalawang 'yon.
Ibubulsa ko na sana ulit itong cellphone ko, pero bigla namang nag-ring. Tiningnan ko agad kung sinong tumatawag — number lang.
Napabuntong hininga ako. Parang kilala ko na 'to.
Dapat hindi ko sasagutin, pero nagtu-tuloy tuloy sa pagtawag, kaya pinagbigyan ko na. Bumuntonghininga ulit ako bago nagsalita. "Hello."
Wala namang sumagot sa kabilang linya.
Sinilip ko tuloy 'tong screen ng phone kung nasagot ko ba talaga ang tawag. Nasagot ko naman. Tinapat ko ulit sa tenga ko. "Hello?"
"A-Ark. . ."
Boses ni Isabela. Parang umiiyak.
Napayuko ako sabay hinga na naman nang malalim. "Bakit?"
Hindi naman ulit siya sumagot. Umiiyak lang siya nang mahina sa kabilang linya. Ewan ko kung hindi niya ba alam na naririnig ko siyang umiiyak, o pinaririnig niya lang talaga.
"Bakit ka tumawag?" tanong ko. "May sasabihan ka ba?"
Hindi pa rin sumagot. Tuloy-tuloy lang siya sa pag-iyak.
BINABASA MO ANG
Everything I Want [Book 1]
Fiksi Umum[PUBLISHED UNDER POP FICTION] Handa si Isabela Rose Santiaguel na isakripisyo ang lahat-her wealth, her influence, and her advantageous betrothal to billionaire Morris Reverente-para kay Arkhe Alvarez, isang club DJ and infamous playboy. That's how...
![Everything I Want [Book 1]](https://img.wattpad.com/cover/165118100-64-k265786.jpg)