ARKHE
| Kamusta ka na, 'tol? Buhay ka pa ba? Baka pinaglalamayan ka na diyan |
Napangisi na lang ako pagkabasa ko sa text ni Baron.
Mukhang magaling na yata ang gago. Ganito na ulit mag-text e. Ako pa itong tinanong niya kung buhay pa, samantalang siya nga ang muntik nang mapuruhan nila Grant sa Bulacan.
Nireplyan ko lang siya saglit habang nagmamaneho ako ngayon. Sabi ko lang sa kanya, nagpapagaling pa ako. Mag-iisang linggo na rin kasi simula nung napaaway kami.
Panay nga ang text nitong sila Baron at Desa sa 'kin nitong mga nakaraang araw. Nangungumusta tsaka pinag-iingat ako kasi baka raw bigla akong balikan nila Grant.
Inaasahan ko naman na talaga 'yon. Hinihintay ko na ngang sugurin ako ng mga tauhan ni Grant. Pero sa ngayon, wala pa naman silang paramdam.
Ayos na rin. Para makapag-pagaling muna ako nang tuluyan. Medyo maayos naman na ako ngayon. Natutuyo na ang ibang mga sugat ko tsaka kaya ko na ring lumabas-labas ng bahay. Inalagaan ako ni Sab nung mga araw na sobrang hinang-hina ako.
Nakakatuwa nga. No'ng umuwi ako sa kanya galing sa pakikipag-away, hindi talaga siya umalis sa tabi ko. Alam kong may ibang lakad dapat siya nung umagang 'yon, pero hindi niya na pinuntahan kasi mas gusto niya raw na gamutin ako pati bantayan. Kaya siguro ang bilis ding gumaling ng pakiramdam ko.
Ngayon, magkikita ulit kami ni Sab.
Pupuntahan ko siya sa park kung saan kami nagkita dating-dati pa. Ewan ko nga kung bakit gusto niya ro'n. Ayoko na sanang bumalik do'n kasi doon niya inamin sa 'kin dati na naka-arrange marriage pala siya. Pero ayos na rin. Ang importante naman, magkita kami.
Busy na ulit kasi 'yon si Sab. Umuwi yung Ate niya galing Australia. Sinundo nila kahapon.
Akala ko nga hindi niya ako yayayain na lumabas ngayon kasi dumating ang kapatid niya. Pero kaninang tanghali, tinawagan niya ako na magkita nga raw kami saglit ngayong hapon sa park. Siguro bigla niyang naalala na balikan yung lugar na 'yon.
Dire-diretso lang ako ngayon sa pagmamaneho nang bigla na namang tumunog ang cellphone ko na nasa harapan.
Tumatawag si Jewel. Bakit kaya. Ang tagal na nitong walang paramdam, ah.
Hininaan ko na lang muna itong music ko sa sasakyan, tsaka ko sinagot ang tawag niya at ni-loudspeaker. "Oy. Balita?"
"Arkhe! Kasama mo ba si Isabela ngayon?"
"Hindi. Pupuntahan ko pa lang siya. Bakit?"
"Ah. Is she okay?"
Napakunot ako ng noo. Parang biglaan yata 'yung pangangamusta niya nang ganito. "Oo, okay lang naman siya. Bakit mo natanong?"
Huminga siya nang malalim. "Nakasalubong ko siya kaninang umaga sa ospital nung dinala ko 'yung anak ko sa pedia e."
"Ha? Sa ospital?"
"Oo. Nag-alala nga ako. Sobrang putla niya kasi nung nakita ko siya. Tinanong ko kung anong nangyari pero hindi siya sumagot nang maayos. Nagmadali pa ngang umalis. Tapos ngayon, tinatawagan ko siya at tinetext para mangamusta, pero hindi siya nagrereply."
Hindi agad ako nakasagot. Napaisip pa muna ako sa sinabi niya. "Baka naman hindi si Sab 'yung nakita mo."
"Siya 'yon! Nakausap ko nga, 'di ba? Ang weird lang kasi parang nataranta at umiwas siya sa 'kin kanina. Nag-aalala talaga ako. Kaya naisip na kitang tawagan."
Napangisi na lang ako sabay umiling-iling. "Jewel, lasing ka yata. Imposible 'yang sinasabi mo. Wala si Isabela kanina sa ospital. Ka-text ko siya buong umaga, sabi niya nasa bahay lang siya kasi inaasikaso niya ang kapatid niya na kauuwi lang kahapon. Tsaka okay lang siya. Niyaya niya pa nga akong makipagkita ngayon."
BINABASA MO ANG
Everything I Want [Book 1]
General Fiction[PUBLISHED UNDER POP FICTION] Handa si Isabela Rose Santiaguel na isakripisyo ang lahat-her wealth, her influence, and her advantageous betrothal to billionaire Morris Reverente-para kay Arkhe Alvarez, isang club DJ and infamous playboy. That's how...
![Everything I Want [Book 1]](https://img.wattpad.com/cover/165118100-64-k265786.jpg)