ARKHE
HINANG-HINA PA ako habang palabas dito sa emergency room ng ospital. Tangina hindi ko naisip na mangyayari sa 'min ito ni Baron ngayon.
Napaaway kami habang pauwi galing sa Bulacan.
Si Grant, 'yung dating binugbog ni Baron sa Batangas, lumitaw dito para gantihan siya. Nagsama pa ng mga kakampi kaya hindi kami nakalaban nang matino ni Baron. Dehadong-dehado kami. Akala ko nga mapupuruhan kami kanina. Si Baron, binasagan pa ni Grant ng bote sa ulo. Duguan si Medel.
Buti naisugod ko agad siya sa emergency room. Ewan ko nga kung saan pa ako nakakuha ng lakas para gawin 'yon samantalang bugbog-sarado rin ako kanina, tapos hindi ko pa maidilat nang maayos itong isang mata ko dahil sa pasa. Ang bilis ng lahat ng nangyari.
Pagkalabas ko ngayon sa E.R, umupo muna ako dito sa pahabang upuan.
Kinuha ko agad ang cellphone ko para tawagan na si Sab. Kanina ko pa siya iniisip. Alam kong alalang-alala na 'yon kasi ang dami niya ng missed call at texts kanina nung tiningnan ko.
Saglit lang namang nag-ring at sinagot niya na rin agad itong tawag ko. "Arkhe! Oh my god, where are you? I'm so worried!"
Napapikit ako sabay sandal ng ulo ko rito sa dingding. Marinig ko lang ang boses niya, parang nawala na rin itong sakit ng katawan ko.
"Sorry," nanghihinang sabi ko sa kanya. "Nandito pa ako sa Bulacan."
"Ha? B-bakit? Sabi mo saglit lang kayo diyan."
Hindi ako nakasagot.
"Ark? May nangyari ba? Please mag-sabi ka sa 'kin, kanina pa ako nag-aalala dito, eh."
Napabuntong-hininga ako. "Napaaway kami ni Baron. Nandito kami ngayon sa ospital."
"What!" Nataranta na ang boses niya. "Sinong nakaaway niyo? Anong nangyari?"
"Mamaya ko na lang iki-kwento sa 'yo lahat. Nanghihina pa ako. Gusto ko lang talagang marinig ang boses mo tsaka ipaalam sa 'yo kung nasaan ako kaya kita tinawagan."
"Nasaang ospital ka ba? Pupuntahan kita ngayon."
"Wag na, malayo ito."
"It's okay. Magpapa-drive naman ako."
"Wag na, Sab. Mapapagod ka pa."
"Arkhe naman." Naiiyak na 'yung boses niya. "Magpapadala na lang ako ng mga bodyguards ko diyan para tulungan kayo. Baka hindi mo na kayang umuwi eh."
"Kaya ko pa. Nagamot na rin naman itong mga sugat ko. Hinihintay ko na lang si Baron, nasa emergency room pa siya. Matulog ka na diyan, 'wag ka nang masyadong mag-alala sa 'kin."
"Hindi ko kayang matulog at hindi mag-alala sa 'yo. You're hurt! And I'm not at home right now. Nandito ako sa bahay mo."
Bigla akong napaayos sa pagkakaupo. "Anong ginagawa mo diyan?"
"Pumunta ako kanina kasi hindi mo sinasagot ang mga tawag at texts ko. Buti na lang binigyan mo ako ng duplicate key nitong bahay. I was right, something bad happened to you!"
Napasuklay ako pataas sa buhok ko. "Hindi ka na dapat nagpunta diyan. Anong oras na. Sinong kasama mo?"
"Si Lukas."
Bumuntong-hininga ako. "Umuwi na muna kayong dalawa."
"Ayoko. Hihintayin kita rito."
"Maiinip kang maghintay diyan. Baka hindi pa ako makauwi agad, hindi pa tapos gamutin si Baron."
"Okay lang. I'll wait here for you. Kahit umagahin ka pa ng uwi, maghihintay ako dito."
Hindi na ako lumaban. Mukhang hindi talaga siya susunod, lalo na't ganito ang nangyari sa 'kin.
BINABASA MO ANG
Everything I Want [Book 1]
Romance[PUBLISHED UNDER POP FICTION] Handa si Isabela Rose Santiaguel na isakripisyo ang lahat-her wealth, her influence, and her advantageous betrothal to billionaire Morris Reverente-para kay Arkhe Alvarez, isang club DJ and infamous playboy. That's how...
![Everything I Want [Book 1]](https://img.wattpad.com/cover/165118100-64-k265786.jpg)