SA ISANG abandonadong mansiyon sa gitnang bahagi ng Balate Drive, sa isang maaliwalas na lupain, naroon ang lahat ng mga multo ng Balete Drive at ibang karatig-kalye. Iba't iba ang kasuotan nila. Makukulay ang kanilang mga damit. Pero isang bagay ang namumukod-tangi sa kanila—lahat ay kulay puti ang kanilang balat (puti ang kulay ng balat nilang lahat).
Suot-suot pa rin ni Angelica ang kulay-puting damit na may laso sa likod. May laso rin ang kanyang ulo na nagsilbing headband para maging maayos ang buhok. Ang nanay naman niya ay suot ang isang magarang damit na pang-bodabil. Mahaba ang kumikinang na suot na damit. May makulay na balahibo ng paboreal na naksuksok sa kumukinang ding telang nakatali sa kanyang ulo.
Ang tatay naman ni Angelica ay suot pa rin ang damit niya bilang isang katipunero. Suot niya ang polo na may mahabang manggas at pantalon na kulay-abo. Prominente sa kanyang kasuotan ang malaking sombrero na may nakasulat na mga letrang "KKK' sa harap.
Bahagya pang napatigil si Angelica, kasama ang nanay at tatay niya pagkakitang-pagkakita sa napakalumang karatula. Nakasulat sa nakapaarkong yari sa bakal ang "Villa Corazon." Kaya lamang, di ito kaagad mababasa dahil lumalambi-labitin ang letrang "V." Halatang walang taong nakatira at hindi naaasikaso ang villa.
Masayang pumasok si Angelica kasama ang kanyang tatay at nanay sa hardin sa malaking mansiyon. Deretso lang silang pumasok. Ni hindi na pinansin ang kabuuan ng mansiyon—ang kalumaan nito—ang kulay-kalawang na likido na tumutulo sa buong pader ng mansiyon. May mga lumot at ilang maliliit na halaman ang tumutubo pa sa lahat ng pader nito. At kapansin-pansin din ang mga gargoyl na nakapatong na nakapalibot sa bubong. Isa itong palatandaan na napakaluma na talaga ng mansiyon.
Sa isang napakalaking bulwagan ng mansiyon na nagsilbing tanggapan o lobby, naroon ang malaki at mahabang hagdanan patungo sa pangalawang palapag. Mula doo'y bumaba ang isang babaeng multo. Sa unang tingin pa lang ay mapapansin kaagad ang angking kagandahan ng babaeng multo. Matangkad, maputi at nagniningning ang suot na damit na mahaba na bahagyang sumasayad sa mga baytang ng hagdanan. Marahan siyang bumaba sa grandiyosong hagdanang iyon at pagkatapos ay pinagmasdan ang mga bisita.
Sa kanyang pagbaba sa hagdanan, awtomatikong huminto nang sabay-sabay ang lahat ng mga multong nasa bulwagan—lahat ay tumingin sa babaeng multo. Huminto ang mga naroroon sa pagsasalita at tumigil sa kung ano man ang kanilang ginagawa. Ganoon na lamang ang paggalang nila sa babaeng multong bumaba sa malaking hagdanang iyon.
"Magandang gabi sa inyong lahat," anang babaeng multo. "Maligayang pagdating sa Dakilang Pagpupulong!"
Pagtaas ng kamay ng babae, biglang nag-iba ang kapaligiran. Ang dating mansiyon na sa tingin ay abondonado at lumang-luma ay naging mistulang bagong-bago, maringal, at nagniningning sa kagandahan.
Ang paligid at ang disenyo ng mansiyon ay bumalik sa dati nitong anyo—ang bulaklaking inukit na nakapaikot sa dingding na kulay-ginto, ang mga klasiko at makukulay na larawan na nasa kisame, ang mga muwebles na halatang gawa ng magagaling na mga iskultor. Ang mga larawan sa dingding na napakaklasiko ay halatang gawa ng mga sikat na pintor ng Pilipinas kundi pati mga banyaga.
Ang malaking hagdanan na kinaroroonan ng babaeng multo na nakabungad sa mismong pasukan ng mansiyon na parang bumabati sa sino mang darating ay lalo pang naging napakaringal.
Nanatiling nakatayo ang babaeng multo sa hagdanan. Nginitian ang lahat ng mga kapwa multong naroroon na naghihintay sa kanyang pagdating. Ang babae ay walang iba kundi ang tinaguriang White Lady ng Balete o sa mas simpleng tawag na White Lady. Kung ano man ang tunay niyang pangalan ay ayaw niya iyong ipaalam—nananatiling lihim na hindi niya nais na ibunyag, kaya walang ibang tawag sa kanya ang mga multo ng Balete Drive kundi White Lady o White Lady ng Balete.
BINABASA MO ANG
ANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive (COMPLETED)
ParanormalANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive Kuwento ni Segundo Matias, Jr. Guhit ni Jamie Bauza