5. MGA TUNAY NA MAY-ARI NG BAHAY

285 18 0
                                    


NANG hapon ding iyon, napansin ni Angelica sa hardin ang nanay at tatay niya na seryosong nag-uusap. Nilapitan niya ang mga ito.

"Bakit, 'Nay, 'Tay? May problema ba?"

"Anak," sagot ng nanay niya. "Sina Coby, ang mommy at lola niya, sila ang tunay na may-ari ng Villa Carmen—ang bahay na tinitirhan natin. Kailangan nating sumangguni kahit na sa mga tagabantay ng Balete Drive kung ano ang gagawin."

"Sa madaling salita," salo ng tatay niya, "dahil hindi na natin solo ang bahay, kailangang malaman kung saan na tayo titira o 'di kaya'y kung papayagan pa tayong tumira dito."

Tumango ang nanay niya.

"Pumunta tayo sa punong tagabantay," dugtong ng nanay ni Angelica. "Alam nila ang patakaran."

"Mabuti pa," sagot ng tatay niya.

Ngayon lang napagtanto ni Angelica na ang mga lalaking multo na nakatayo sa bawat puno sa Balate Drive ay pawang mga tagabantay. Napansin ni Angelica na nagmamasid ang mga ito, binabantayan ang buong kalye.

"Sila ang tinatawag na tagabantay," sabi ng nanay ni Angelica sa kanya. "Tinitingnan rin nila kung may mga arak na dumadayo rito. Kung meron man silang makitang umaali-aligid, itinataboy nila."

"Pero minsan," dagdag ng tatay niya, "may mga arak na nakakarating na 'di nila namamalayan. Dapat listo ka. Tumakbo ka, ha?"

Napatango si Angelica.

Sa pinakamalaking puno, sa gitna ng Balete Drive, napansin ni Angelica ang isang kakaibang tagabantay. Kakaiba dahil higit na malaki ang katawan nito kaysa sa iba. Ang kanyang suot sa unang tingin pa lang ay alam na isa itong sundalo. Pero kahit na malaki ang pangangatawan ng punong tagabantay, napansin kaaagad ni Angelica na maamo ang kanyang mukha.

Parang mabait na higante, puna ni Angelica sa punong tagabantay.

"Siya ang punong tagabantay," pagbibigay-alam ng tatay ni Angelica. "Siya ang pinakamahusay na sundalo dito sa Balete. Noong panahon ng mga Hapon, siya ay sikat (sikat siya) dahil isa siyang matapang na sundalo."

Napakunot-noo si Angelica. "Talaga? Isa kayong magaling na sundalo? Pero bakit wala po kayong medalya?"

Natigilan ang punong tagabantay. "Bakit mo alam, ang bagay na 'yan?"

"Kasi po," sagot ni Angelica, "nababasa ko sa mga libro. Ang magagaling na sundalo ay binibigyan ng medalya."

Napayuko ang punong tagabantay. Nalungkot. "Oo nga. Kinuha kasi ng mga arak."

"Arak?" Nagulat si Angelica sa kanyang narinig.

"Oo, may dalawang arak na nakapasok dito sa atin. Nang pinipilit kong paalisin, sinugod nila ako. Hinablot ang medalya ko," nalulungkot na sabi ng punong tagabantay.

"Kawawa naman po kayo," sabi ni Angelica. "Hayaan ninyo, kapag nakita ko ang medalya n'yo, ibibigay ko sa inyo."

Biglang inilapit ng punong tagabantay ang mukha niya kay Angelica. "Naku, ineng, huwag na huwag kang magkakamaling lumapit sa mga arak. Pero kung sakaling makakita ka at gusto kang saktan, walis tingting. Walis tingting ang mabisang panlaban sa mga arak."

"Walis tingting?" tanong ni Angelica.

"Oo!" bulalas na sagot ng punong tagabantay. "Takot ang mga multong arak sa walis tingting."

Walis tigting? Panlaban sa mga arak?

Nanatiling naging magiliw ang pakikiharap sa kanila ng punong tagabantay. Isinangguni nila ang kanilang problema: Ano ang kanilang gagawin ngayong tumira na ang tunay na nagmamay-ari ng kanilang tinitirhang bahay?

"Dahil wala naman kayong malilipatan," sagot ng punong tagabantay, "ayon sa batas na pinamumunuan (inaprubahan) ng White Lady, maaari kayong tumira muna sa tinitirhan n'yo sa kasalukuyan."

"Talaga?" natutuwang sabi ng nanay ni Angelica.

Natuwa rin si Angelica. "Mabuti naman. Makakalaro ko si Coby!"

"Ano 'kamo?" Inilapit ng punong tagabantay ang mukha niya kay Angelica. Sinisigurong tama ang kanyang narinig. "Makikipaglaro ka 'kamo kay Coby. Iyong anak ng may-ari ng bahay na tinitirhan n'yo?"

Hindi nakaimik si Angelica. Nabatid niyang siya man ay nabigla rin sa sinabi—na makikipaglaro siya kay Coby.

"Alam mo namang bawal na magpakita sa mga tao," babala ng punong tagapagbantay. At pinanlakihan pa ng mga mata si Angelica.

Bahagyang tumango si Angelica—natakot sa kaharap.

"Alam mo bang kapag nalaman ng White Lady na tinatakot mo ang mga tao—alam mo ba kung ano ang kaparusahan? (Alam mo ba ang mangyayari kapag nalaman ng White Lady na tinatakot mo ang mga tao? Alam mo ba kung ano ang kaparusahan?)"

Ngayon lang niya napansin na hindi lang pala pangagatawan ng punong tagabantay ang malaki kundi pati ang boses niya.

"Alam mo ba?" muling tanong sa kanya ng punong tagabantay.

"Hindi po..."

"Sa unang pagkakasala, lalagyan ng zipper ang bibig mo kaya hindi ka makapagsasalita."

Nanatiling nakanganga at nanlalaki ang mga mata ni Angelica dahil sa narinig.

"Ibig sabihin, puwedeng mangyari sa akin ang gano'n? 'P-pag nagpakita ako sa tao?"

"Oo," mabilis na sagot ng punong tagabantay. "Kapag matigas ang ulo mo."

Lalo pang inilapit ng punong tagabantay ang mukha kay Angelica, pinanlakihan muli ng mga mata—sinisigurong maiintindihan ang susunod niyang sasabihin sa kanya. "At huwag na huwag kang magsama ng tao sa mansiyon ng White Lady. Isa iyong lihim na hindi dapat makita ng mga tao."

"Ano ang ibig mong sabihin?" Ang tanong na iyon ay nanggaling sa nanay ni Angelica.

"Alam n'yo ba?" sagot ng punong tagabantay. "Na kapag pumasok ang kahit na sinong tao sa mansiyon sa kabilugan ng buwan, makikita niya tayong mga multo. Makikita niya ang tunay na hitsura ng mansiyon."

"Ganoon ba?" tanong na muli ng nanay niya.

Tumango ang punong tagabantay.

"Ang selebrasyon tuwing kabilugan ng buwan sa mansiyon (Ang selebrasyon sa mansiyon tuwing kabilugan ng buwan) ay isang mabigat (malaking) na lihim," sabing muli ng punong tagabantay na nananatiling seryoso.

"Ay, sigurado ako," nagyayabang na sabi ng tatay ni Angelica. "Hindi iyan gagawin ng anak ko. Hindi matigas ang ulo ni Angelica. Kapag sinabi namin, sumusunod siya sa amin. Mabait na anak itong si Angelica. 'Di ba, anak?"

Tumango si Angelica.

ANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon