23. ANG PAGLILITIS

151 14 0
                                    


NAKAHARAP na nakatayo si Angelica sa konseho. Pinagmamasdan siya ng lahat ng naroon sa bulwagan ng mansiyon ng White Lady. Sa entablado, sa mas mataas na bahagi nito kaysa sa kinaroroonan ng konseho ay naroroon ang White Lady, nakaupo sa marangya nitong silya.

"Siya si Angelica."

May awtoridad ang tinig na iyon ng White Lady nang sabihin iyon upang ipakilala sa lahat si Angelica.

Sa di-kalayuan ay nakatayo ang nanay at tatay ni Angelica, nanonood sa kasalukuyang paglilitis ng kanilang kinikilalang anak.

Tumayo ang punong konseho. "Ngayong gabi, gaganapin ang paglilitis ni Angelica. Na di-umano'y nagtapat sa lahat sa atin, na lumabag siya sa batas nating mga abay—na nagpapakita siya sa isang batang nagmamay-ari ng kanilang tinitirhan sa Villa Carmen."

May nagharing katahimikan. (Naghari ang katahimikan.)

"Narito! Narito!" Itinaas ng punong konseho ang isang papel. "Narito ang hatol ng buong konseho."

Nagbulungan ang lahat ng multo sa bulwagan.

"Ibig naming ipagbigay-alam sa lahat na kami lamang ang tagapaghatol at dahil riyan, ang ating White Lady na kinilala nating pinuno ay ang higit na may kapangyarihan kung gusto niyang baguhin ang aming hatol bilang konseho ng ating nasasakupan—ang komunidad ng Balete Drive," maliwanag na sabi ng pinuno ng konseho. "Nasa White Lady ang kahuli-hulihang hatol."

Nagpunta ang punong konseho sa kinauupuan ng White Lady. Marahang iniabot rito ang papel na kinasusulatan ng kanilang hatol.

Tiningnan ng White Lady ang tagahatol at pagkatapos ay ang papel na iniabot nito sa kanya. Marahan niya itong kinuha. Pero bago buksan at basahin ang papel—

"Mga mamamayang abay ng Balete Drive. Kung sakaling mahatulan si Angelica dahil sa paglabag sa paulit-ulit na pagpapakita sa isang batang nakatira sa Villa Carmen na nagngangalang Coby, siya ay posibleng mahatulang makulong sa isa sa mga kuwadrong itim na nasa dingding ng bulwagang ito!"

Kasabay ng pagsasalita ng White Lady ay itinuro ang isang kuwadrong itim.

Lalo pang nagbulungan ang lahat. Ang nanay at tatay naman ni Angelica ay malungkot na malungkot. Iniisip na sana'y hindi makulong ang kanilang anak.

Si Angelica...

Ang totoo'y kinakabahan siya. Ang totoo'y naiisip na sa sana'y hindi totoo ang nangyayari sa mga sandaling iyon. Ang totoo'y nalulungkot siya dahil sinasabi ng isip niyang kabutihan naman ang dahilan niya kung bakit siya patuloy na nagpakita kay Coby.

Nagulat ang lahat nang marinig ang isang boses.

"Huwag po!"

Ang boses ay nanggagaling sa gitna ng bulwagang iyon na natatabunan ng maraming multong naroroon.

Nagtinginan ang lahat sa kinaroroonan ng nagmamay-ari ng boses. Nagulat ang lahat nang makita nila ang bata na nagsimulang magtatanggal ng maraming pulbos sa kanyang mukha.

Napatayo ang White Lady nang makita niya ang pinanggalingan ng boses.

"Coby!" bulalas ni Angelica. Nagulat siya pagkakita nito sa kanya.

"Angelica!"

Biglang tumakbo si Coby sa kinaroroonan ni Angelica.

"Hindi puwede!"

ANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon