14. SINO ANG BABAE?

126 14 0
                                    


NASA sala si Coby, nakaupo sa sopa na malapit sa Christmas tree.

"Ito ang pinakamasayang Pasko ko, Lola. Tatandaan ko ang araw na 'to," sabi ni Coby.

"Oo naman," sagot ng lola niya habang inaayos ang nahulog na dekorasyon mula sa Christmas tree.

"Ano'ng oras ba darating si Daddy?"

"Baka darating na 'yon," sagot ng lola niya.

Hindi mapigilan ni Coby ang kaligayahan niya habang hinihintay niya ang kanyang Daddy. Alam kasi niya, ano mang oras ay magri-ring ang doorbell at tiyak, iyon na ang kanyang Daddy. Sa may Christmas tree, naroon si Angelica, nakatayo at nakangiti rin—natutuwa para kay Coby. Napakindat pa si Coby sa kanya na parang nagyayabang ito at bumulong—"Nandiyan na ang Daddy ko!"

Sa kanilang paghihintay, natigilan silang lahat sa pagtunog ng doorbell.

"Nandiyan na si Daddy!" Hindi naiwasan ni Coby ang mapabulalas.

"Anak," nakangiting sabi ng kanyang mommy. "Excited ka na ba?"

Tumango lamang si Coby.

"Ako na ang magbubukas ng gate, ha?" sabi ng kanyang mommy. "Diyan muna kayo ni Lola."

Tumango uli si Coby.

"Sandali lang, darating na ang daddy mo. Sasalubungin ko muna," pahabol na sabi ng mommy niya habang palabas ito ng bahay.

Patuloy na naghintay si Coby kasama ang kanyang lola. Pati si Angelica na nanatiling nasa tabi ng Christmas Tree ay waring naghihintay sa pagdating ng daddy ni Coby.

Pero ang ilang sandali na ipinangako ng mommy niya ay tumagal ng ilang minuto.

At tumagal pa ng ilang minuto...

Hindi nakatiis si Coby. Bigla siyang tumakbo sa pintuan—binuksan binuksan ang pinto. Nakita niya ang mommy niya na may kausap na isang babae. Nakita rin niyang nagulat ang mommy niya pagkakita sa kanya.

Natigilan bigla si Coby nang makita ang babae. May kakaibang tingin ito sa kanya na hindi niya maipaliwanag—may pagtataka sa mukha ng babae. Pagkatapos ng ilang saglit ay nginitian ito.

"Ikaw ba si Coby?" tanong ng babae.

Bumaling ang tingin ni Coby sa Mommy niya. "Mommy?"

"Coby, anak," dagling sabi ng Mommy niya. "Pasok... Pasok ka muna... Usapang matatanda ito, eh."

Sumunod si Coby sa mommy niya. Marahan siyang pumasok ng bahay at marahan ding isinara ang pinto.

ANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon