Makalipas ang maraming taon...
Kay Coby ipinamana ng kanyang mommy at lola ang Villa Carmen. Nang magkaroon na ito ng asawa, umalis ang mommy at lola niya at piniling mamuhay na lang sa probinsiya, kaya si Coby na lang, ang kanyang asawa, at ang anak niya ang tumira sa bahay.
Pero, dumating ang panahon na nagpasya si Coby na lumipat na lang sa ibang bahay kasama ang kanyang asawa at anak. Naisip kasi niya na mas gusto niyang mamuhay sa probinsiya. Mas gusto kasi niya at ng kanyang asawa na lumaki ang anak nila sa malinis at preskong hangin.
Nakapag-empake na si Coby, kasama ang asawa at ang kanyang anak.
Isang kahon na nakapatong sa mesa ni Coby ang kinuha ng kanyang anak.
"Daddy!" tawag ng anak ni Coby sa kanya. "Ano ba ang nakalagay sa kahon na 'yan? Siguro, dadalhin natin 'yan sa paglipat natin, ano?"
Natawa si Coby. "Oo, dadalhin natin. Bakit mo alam na dadalhin ko?"
"Eh, kasi," sagot ng anak niya. "Nakita ko, iniingat-ingatan mo 'yan. Kapag umaalis tayo nang matagal dito sa bahay, itinatago mong mabuti 'yan. Sabi mo dati, hindi dapat mawala ang kahon na 'yan. Ano ba ang laman niyan?"
"Gusto mong makita?"
Tumango ang kanyang anak.
Marahan ay binuksan ni Coby ang kahon at ipinakita ang nasa loob niyon.
"Eroplano?" Napanganga ang anak niya.
"Oo. Eroplanong papel."
"Iyan lang pala ang laman niyan sa loob?"
"Naku, anak, mahalaga ito sa akin."
Hinawakan lang ng kanyang anak ang papel at tiningnan.
Kinuha ni Coby ang eroplanong papel at pagkatapos ay iniladlad niya iyon.
"May nakasulat?" Nanlaki ang mga mata ng kanyang anak.
"Kaya ito mahalaga sa akin. Dahil sa sulat."
Napaisip ang anak ni Coby. Piniling ipagpatuloy ang pag-eempake.
Iniladlad ni Coby ang eroplanong papel at sinimulang basahin ang nakasulat doon.
Mahal kong Coby,
Coby, maraming salamat talaga. Nang makita kita, gumaan ang pakiramdam ko. Naisip ko kasi, parang di ka lang kita magiging kalaro kundi isang kaibigan. Isang matalik na kaibigan. Basta naisip ko, gusto kitang makasama. Kahit na noong hindi pa ako nagpapakita sa 'yo, hinahanap-hanap kita 'pag wala ka. Lagi kitang hinihintay sa pagdating mo galing sa school. Di mo alam, nasa gate ako, inaabangan ko ang pagdating mo.
Nang makilala ko ang sinasabi mong daddy, alam mo ba, nagulat ako, eh. Hindi ko alam kung sasabihin ko sa iyo kaagad ang totoo. Pero baka magulat ka kapag nalaman mo ang tungkol sa akin.
Nang isumbong ako ng punong tagapagbantay sa White Lady, akala ko talaga makukulong na ako sa kuwadrong itim. Paano kapag nakulong ako? Eh, di lalo kang malulungkot kung nalaman mong iisa lang ang daddy natin. Kaya sabi ko sa sarili ko, hindi ko sasabihin.
Malungkot mawalan ng kapatid. Kasi nang nawala ako kina Daddy at Mommy, at kay kuya, ang lungkot-lungkot nila. Hindi sila nakakatulog. Iyak sila nang iyak. Ayokong maranasan mo iyon, Coby.
Masayang-masaya ako nang maging maayos ang lahat. Sana huwag mong kalimutan ang paglalaro natin—ang pinagsamahan natin.
Nagmamahal,
Angelica
PS
Sshh... Nabanggit na sa akin ni Daddy noon na may kapatid daw ako sa ibang mommy. Di ko alam na ikaw iyon. Masayang-masaya ako, nakilala kita. Ang bait-bait mo kasi.
Same (?)
Natigilan si Coby nang—
"Daddy, Angelica rin ang pangalan ng sumulat sa inyo?" tanong ng anak ni Coby nang makita ang pangalang "Angelica" sa sulat.
"Oo, anak," sagot ni Coby.
"Sino siya?"
"Kapatid ko. Isinunod ko ang pangalan mo sa pangalan niya," sagot ni Coby sa kanyang anak.
Natigilan sila nang marinig ang boses ng pagtawag ng asawa ni Coby.
"Ready na ang sasakyan. Halina kayo," sabi ng asawa ni Coby.
"Daddy, bakit ba tayo lilipat ng bahay?" tanong ng anak ni Coby na si Angelica.
"Mas gusto kasi namin ng mommy mo na lumaki ka sa probinsiya, doon mas sariwa ang hangin," sagot ni Coby.
Gusto pa sanang ituloy ni Coby ang sinasabi, pero hindi na sinabi sa anak ang ganito...
Para rin sa gayon, masosolo ni Angelica, at ang nakilalang nanay at tatay niya ang bahay na ito...
"Pero paminsan-minsan," salo ng asawa ni Coby, "pupunta pa rin tayo rito. Mahal na mahal kaya ng Daddy mo ang bahay na 'to."
"Oo naman," sabi ni Coby. "Hinding-hindi ko ipagbibili ang Villa Carmen. Dito ako lumaki, eh."
Paglabas ng anak niyang si Angelica at ng kanyang asawa sa kuwarto, inilibot ni Coby ang paningin sa kuwarto. Sa kanyang isip, parang may matamis na musika siyang narinig.
"Angelica...?"
Huminga nang malalim si Coby, pinakawalan ang hangin sa dibdib.
"Angelica, kung naririnig mo man ako ngayon, mahal na mahal kita, kapatid ko. Darating din ako rito at dadalaw kaming magpapamilya (Dadalaw rin kaming magpapamilya rito). Maghahanap ako ng panahon para makapunta rito. Alam mo, isa na rin akong piloto ngayon, gaya ni Daddy." Tiningnan niya ang sulat na papel at muling ibinalik iyon sa dating porma at anyo—isang eroplanong papel.
Marahang inilagay ni Coby ang eroplanong papel sa kahon at masinop na inilagay sa kanyang maleta.
Sa kanilang pag-alis, naroon si Angelica sa hardin, kasama ang kanyang kinikilalang nanay at tatay.
"Naku," sabi ng nanay ni Angelica, "ang cute din ng anak ni Coby. Kamukha mo, Angelica."
Nakangiti si Angelica. Hindi maialis iyon sa kanyang mga labi. Pinagmamasdan niya ang pagsakay sa kotse nina Coby, ang kanyang asawa, at ang anak nitong si Angelica.
"Gusto ni Coby na masolo natin ang bahay. Para daw walang istorbo," sabi ni Angelica.
"Ang bait talaga ng kapatid mo," sabi ng tatay ni Angelica.
Natigilan sila sa pagdating ni Spotty.
"Gutom na ata itong si Spotty, eh," sabi ng nanay niya.
Tumahol si Spotty sa umaalis na si Coby.
"Hindi, Inay," sabi ni Angelica. "Gusto lang niyang makita si Coby."
Hindi nila inalis ang kanilang paningin hanggang sa pag-andar ng kotse ni Coby, sakay ang kanyang pamilya. Hanggang sa ito ay lumayo na sa kanilang paningin.
Sa hardin, nagsimulang maglaro si Angelica kasama si Spotty. Ang nanay at tatay naman ni Angelica ay nagsimulang magsayaw.
BINABASA MO ANG
ANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive (COMPLETED)
ParanormálníANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive Kuwento ni Segundo Matias, Jr. Guhit ni Jamie Bauza