PINAGLALAGAY ni Angelica ang maraming pulbos sa mukha ni Coby. Halos ubusin niya ang buong laman ng lalagyan. Ipinahid niya iyon sa kanyang mukha at sa balat.
Pagtingin ni Coby sa kanyang sarili, bahagya pa itong natakot. "Mukha na nga akong multo!"
"Oo!" bulalas ni Angelica. "Mukha ka nang multo. At hindi ka na mahahalata."
"Pero paano 'yan, hindi naman ako makalilipad?"
"Eh, di huwag kang lilipad. Ako rin, kung hindi kailangan, hindi ako lilipad," sagot ni Angelica.
Gabing-gabi na. Tahimik ang paligid. Dahan-dahang bumaba ng bahay si Coby kasama si Angelica. Nakasunod si Spotty sa kanila.
Nang nasa main door na sila ng bahay, bago lumabas, pabulong na kinausap ni Coby si Spotty. "Dito ka lang, ha? Huwag mong ipahalata kina Mommy at Lola na umalis ako. Dito ka lang... Babalik ako kaagad."
Naiintindihan ni Spotty ang sinasabi sa kanya ni Coby—sa tahimik na paraan, naglakad siya nang dahan-dahan at nagpunta sa isang sulok malapit sa pinto at humarap kay Coby—na parang sinasabing hihintayin niya ito.
BAHAGYANG natakot si Coby pagkakita niya sa Villa Corazon. Ito ang itinuturing na pinakamalaking bahay ng Balete Drive na kinaroroonan ng mansiyon ng tinatawag na White Lady ng mga multo.
"Huwag kang matakot," kaaagad na sabi ni Angelica sa kanya. "Ganyan lang 'yan sa harap. Kayong mga tao, nakikita n'yong ganyan tuwing kabilugan ng buawan, pero magugulat ka pagdating mo sa loob. Ang ganda."
Napatingin siya kay Angelica. Napakunot-noo.
"Halika na," pamimilit ni Angelica sa kanya.
Hinawakan ni Angelica sa kamay si Coby para pumasok na sa mansiyon.
Naramdaman ni Coby—sa paghawak, sa ngiti, at sa presensiya ni Angelica—na itinururing na nga niya itong matalik na kaibigan kaya buo ang tiwala niya rito. Kahit na sa tingin niya sa kasalukuyan—na lumang-luma at kulay-kalawang na ang kabuuan ng bahay dahil sa natatakpan na ito ng tuyong lumot at waring natuluan ng natuyo ring likido na kulay-kalawang, at waring nananakot ang mga gargoyle ay hindi na lang niya iyon pinansin. Ilang ulit na sinabi ni Coby sa sarili ang ganito: Nandito naman si Angelica. Hindi ako dapat na matakot. Ipagtatanggol niya ako, lalo na sa mga arak.
Nanlaki ang mga mata ni Coby pagkapasok na pagkapasok niya sa loob ng mansiyon ng Villa Corazon, at napahinto na nang tuluyan dahil sa kanyang mga nakikita.
"O, 'di ba? Sabi sa 'yo, eh. Ibang-iba," natutuwang sabi ni Angelica sa kanya.
"'Ganda nga," natutuwa ring sabi ni Coby.
"Hindi alam ng mga tao na sa tuwing kabilugan ng buwan, ganito ito kaganda sa loob, dahil sa kapangyarihan ng White Lady," nakangiting sabi ni Angelica kay Coby.
Lalo pang namangha si Coby nang makita niya ang mga nagaganap—ang pagdating ng White Lady, ang pagsasayaw ng lahat, lalong-lalo na ang paboritong mananayaw ng lahat ng naroroon sa selebrasyon—ang nanay at tatay ni Angelica.
Nakita ni Coby kung paano nagkakasiyahan ang lahat—ang iba-ibang kasuotan ng lahat, kung paano sila kumain, at ang pamumuno ng White Lady.
Maging ang pagbibigay niya ng talumpati sa bulwagan kung saan naroroon ang mga kuwadrong itim ay namangha siya (ikinamangha niya).
Samantala, habang nagsasalita ang White Lady at ang konseho, napansin (sila?) ng nanay at tatay ni Angelica. Nakita nila na kasama nito si Coby. Dahan-dahan ay lumapit ang mga ito kay Angelica.
BINABASA MO ANG
ANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive (COMPLETED)
FantastiqueANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive Kuwento ni Segundo Matias, Jr. Guhit ni Jamie Bauza