17. MAY IPINAGTAPAT KAY COBY

135 17 0
                                    


BAGONG ligo si Coby. Mag-isa siyang nagbibihis sa kanyang kuwarto. Nang bihis na bihis na ito, pumasok ang kanyang lola.

"Wow, Coby," sabi ng kanyang lola na maaliwalas na nakangiti. "Talagang marunong ka nang mag-isang magbihis, ah."

"Oo naman, 'La," nakangiti ring sabi ni Coby. Kinuha ang suklay at hinagod ang buhok. Hinawi pa iyon.

"Alam na alam mo pa ang turo ko, ah," pagpapatuloy ng kanyang lola.

"Opo," sagot ni Coby. "Sabi n'yo, sa kanan ang mas maraming buhok," pagmumuwestra niya kung paano susuklayan (susuklayin?) nang tama ang kanyang buhok.

"Very good!" Niyakap siya ng kanyang lola mula sa likuran. "Ang guwapo-guwapo ng apo ko."

"Lola?" nagsimulang magtanong si Coby. "Sino ba ang kamukha ko?"

"Ang daddy mo."

Hindi nakuhang sumagot ng lola niya. Ang mommy niya ang sumagot niyon na kapapasok lang sa kanyang kuwarto.

Naghari ang katahimikan.

Tuluyan nang pumasok ang mommy ni Coby.

"Talaga, Mommy. Eh, kailan ba siya talaga darating?"

"May sasabihin ako sa 'yo, anak. Halika."

Umupo ang mommy ni Coby sa kama at ang lola naman ay nagtungo sa bintana at pinagmasdan silang dalawa.

"May sasabihin ako sa 'yo—may ipagtatapat ako," sabi ng mommy niya.

"Ano po 'yon?"

"Tungkol sa daddy mo."

Nanatiling nakinig (nakikinig?) si Coby sa mommy niya.

"Naalala mo 'yong babaeng dumating no'ng Pasko na hinihintay natin ang daddy mo?"

"Opo. 'Yong babaeng nginitian ako? 'Yong nagtanong kung ano raw ang pangalan ko?"

"Oo, Coby."

"Bakit po? Sabi n'yo po, kaibigan n'yo iyon. Sabi n'yo, siya ang nagbalita na 'di makakarating ang daddy dahil marami siyang trabaho."

"Oo, nagpunta siya nang personal dito para kausapin ko. Na-delay kasi ang dating ng daddy mo dahil sa trabaho. May mahalaga kaming pinag-usapan noong gabing iyon."

Napakunot ang noo ni Coby. "Ano 'yon, Mommy? Naguguluhan ako."

Huminga nang malalim ang mommy ni Coby. "Huwag kang mabibigla. Ang babaeng nakita mo noong gabing iyon, iyon ay ang tunay na asawa ng daddy mo, hindi ako."

Napanganga si Coby.

"Kaya siya nagpunta rito at hindi ang daddy mo," pagpapatuloy ng mommy niya, "dahil gusto raw niya akong makita at makausap. Matagal na niya akong gustong makausap, eh. Pero tumatanggi ako, kaya naisip niyang pumunta rito."

Hindi maiwasan ng mommy niya ang di mapaiyak.

"Mommy?"

"Coby..."

Lalo pang umiyak ang mommy niya.

Marahang pumunta ang lola niya sa kanya—umupo sa tabi niya at inakbayan siya. "Coby, apo, kahit naman hindi ikaw ang unang anak ng daddy mo, nandito naman kami para mahalin ka. Kaya ka naming palakihin ng mommy mo. Kaya tayo lumipat dito, iniiwasan talaga namin iyong asawa ng daddy mo, eh. Ayaw namin ng mommy mo ng gulo."

Hindi lubos na maintindihan ni Coby ang sinasabi ng mommy at lola niya.

"Balang-araw," pagpapatuloy ng lola niya, "maiintindihan mo rin ang lahat."

Naramdaman niya ang pagyakap nang mahigpit ng kanyang mommy—ramdam ni Coby na malungkot ito—patuloy itong umiiyak. "Mahal na mahal kita Coby... Kahit na hindi tayo balikan ng daddy mo, okay lang sa akin, basta lumaki kang maging mabuting bata... Mahal na mahal kita... Mahal na mahal kita..."

Nakita ni Coby na patuloy na umiiyak ang kanyang mommy. May itatanong pa sana siya, pero hindi na iyon itinuloy. Naisip niya na baka lalo pang umiyak ang kanyang mommy.

"Sorry, anak," pagpapatuloy ng mommy niya. "Sorry, kung lagi kong sinasabi na balang-araw, darating ang daddy mo. Na, balang-araw, isasakay ka niya sa eroplano at magsasama-sama din tayo. Gusto ko kasi, maging masaya ka, eh. Ayokong lumaki ka na hahanap-hanapin mo sa akin ang daddy mo. Alam ko kasi, baka tanungin ka ng mga kaklase mo kung nasaan ang daddy mo. Gusto ko, anak, may isasagot ka sa kanila tungkol sa daddy mo. Dahil totoo naman na may daddy ka talaga."

Hindi na ako sasakay sa eroplano? Hindi naiwasan ang itanong ito ni Coby sa kanyang isip.

Pero biglang nawala ang tanong na iyon sa isip ni Coby nang makitang muli ang mommy niya na umiiyak. Nangibabaw ang pagkaawa niya sa kanyang mommy.

Sa tabi nina Coby, ang kanyang mommy at kanyang lola, naroon si Angelica, kasama ang kanyang nanay at tatay—kanina pa sila nakatayo—nakikinig at pinagmamasdan si Coby. Piniling, huwag na lang silang magpakita kay Coby. Pati sila'y nalulungkot sa kanilang narinig.

"Kaya pala hindi nakatira ang daddy niya rito, eh," sabi ng nanay ni Angelica.

"Naku, mabait naman sa kanya ang mommy at lola niya—kaya sigurado akong lalaking mabuting bata itong si Coby," sabi ng tatay ni Angelica.

"Tama ang sinabi mo," sabi ng nanay ni Angelica sa kanyang tatay. Bumaling siya kay Angelica. "Hindi ba anak? Mahal na mahal si Coby ng mommy at ng lola niya, kaya hindi siya mapapabayaan."

Tumango si Angelica. Nananatili itong nakatingin kay Coby. Hindi ka dapat malungkot, Coby...

Ang totoo'y kanina pa awang-awa si Angelica kay Coby kaya hindi niya nagawang magpakita sa kanya.

ANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon