20. SA BAHAY NG DADDY NI COBY

145 15 0
                                    


KARARATING lang ni Coby sa bahay na iyon kasama ang mommy niya. Ibang-iba ang bahay na pinasok niya kaysa sa kanilang bahay sa Villa Carmen ng Balete Drive.

Kanina, pagdating nila sa bahay na iyon, isang kasambahay ang nagbukas ng pinto. Nakangiting binati silang dalawa ng mommy niya:

"Good morning," sabi ng kasambahay sa kanila ng mommy niya.

"Good morning," sagot ng mommy niya na nakangiti rin sa nagbukas ng pinto.

"Kayo po siguro iyong hinihintay ni Ma'am," pagpapatuloy na sabi kasambahay sa mommy ni Coby. "At ito naman ang anak n'yo?" Magiliw niyang tiningnan si Coby.

"Coby ang pangalan niya," salo ng nanay ni Coby.

"Ang cute naman ng pangalan mo," sabi ng kasambahay. "Pasok. Pasok kayo."

Umupo si Coby sa sopa kasama ang mommy niya. Wala pang ilang minuto, ikinagulat niya ang pagdating ng isang babae—ang babaeng dumating noong Pasko habang hinihintay niya ang kanyang daddy.

Nakangiting lumapit kay Coby at sa kanyang mommy ang babae. "Hello, sa inyo. Hello, Coby."

Hindi alam ni Coby ang gagawin pagkakita sa babae. Mayroon siyang hindi maintindihan sa nararamaman sa kanyang sarili. Natandaan niya ang sabi ng mommy niya bago sila magpunta sa bahay na iyon:

"Pupunta tayo sa bahay ng daddy mo. Mami-meet mo rin 'yong babaeng nagpunta rito noong Pasko. Mabait naman siya. Makikilala mo rin ang kapatid mo."

"Kapatid? May kapatid ako?" tanong ni Coby.

"Oo," salo ng lola niya. "Apo ko, kailangan mo silang makilala. Kailangan."

Isang binatilyo ang nakita niyang lumapit sa kanila. Nakangiti ito. Pero nagulat si Coby sa isang bagay—nakita niyang kamukhang-kamukha niya ang binatilyo!

"Coby, ikaw si Coby, right?" sabi kaagad ng binatilyo na nakangiti sa kanya.

Tumango si Coby.

"Coby," sabi ng babae. "Ako nga pala si Mia. Ang Tita Mia mo."

Tita Mia. 'Yon pala ang pangalan niya?

"Siya naman," pagpapatuloy ni Mia. "Kapatid mo. Kapatid mo sa daddy mo."

Kumabog ang dibdib ni Coby. Iniisip niya kaagad na may mga sikreto sa buhay niya na ngayon lang niya malalaman.

Nagulat siya nang makita ang isang pamilyar na mukha na dumating—isang lalaki—nakapako ang tingin sa kanya. Sigurado siya. Sigurado siya na ang mukhang nakikita niya sa kasalukuyan ay walang iba kundi ang nasa larawang bigay sa kanyang ng mommy niya—ang kanyang Daddy.

Patuloy na napapanganga si Coby. May naramdaman siyang kaligayahan, pero may naramdaman din siyang pagkabigla. Patuloy na nagsusulputan ang maraming mga tanong sa kanyang isip.

"Coby," sabi ng lalaki na sigurado siyang ito nga ang daddy niya. Hindi nawawala ang ngiti nito sa kanya. "Ako ang daddy mo. Ang huli nating pagkikita ay noong tatlong gulang ka pa lang. Natatandaan mo pa ba 'yon?"

Bahagyang tumango si Coby. Totoong natatandaan niya iyon—na may isang lalaking kumandong sa kanya noong kaarawan niya noong maliit pa lang siya. At iyon din ang kuwento ng mommy niya palagi na ang huling pagkikita (nila?) ng daddy niya ay noong birthday nga niya noong tatlong taong gulang siya.

"'Tagal ko kasing nasa Amerika, eh. Maraming trabaho," nakangiti pa ring sabi ng daddy niya.

Naramdaman ni Coby ang pag-upo ng Daddy ni Coby sa kanya. Naramdaman din niya ang kamay nito na nakaakbay sa kanya.

"Kumusta ka na, anak?" sabi ng Daddy niya.

Hindi nakasagot si Coby.

"Nahihiya siya sa 'yo," narinig na sabi ng Mommy ni Coby.

"Huwag kang mahiya sa akin," sabi ng daddy niya sa kanya. "Ako ang daddy mo."

Bahagyang tumango si Coby.

"Pasensiya ka na at 'di ako nakapunta noong Pasko. Na-delay kasi ang pagdating ng eroplano. At itong Tita Mia mo ang nagpunta para ipaliwanag sa Mommy mo. Nagpunta siya dahil gusto ka rin niyang makita."

"Kung ano man ang naging gulo noon, kalimutan na natin." Narinig at nakita ni Coby na nagsalita ang babaeng nagpakilala sa kanya na Tita Mia. Nakita rin niyang nakatingin ito sa kanyang mommy at ito ang kinakausap. "At hindi dapat madamay si Coby sa mga problema natin."

Ang mga salitang iyon na nagmumula sa nagpakilala sa kanyang Tita Mia ay malinaw niyang narinig. Naramdaman niya ang paghawak nito sa kanyang balikat at narinig ang sinabing, "Mula ngayon, bahagi ka ng pamilya ng daddy mo."

Umupo ang daddy niya sa kanyang tabi at pagkatapos ay malugod siyang inakbayan. (nakaakbay na po ang daddy ni Coby sa kanya.)

"Heto nga pala." Nakita niyang inilabas ng daddy niya ang isang kahon. "Regalo ko, para sa 'yo."

Inilabas ng daddy niya ang kahon. (Nakalabas na po ang kahon kanina kasi nakita na iyon ni Coby) May makulay pa itong pambalot.

Sa gift tag ng regalo, naroon ang pangalan ni Coby. Nakasulat ang:

Coby,

Paasensiya na, anak, kung matagal tayong di nagkita. Kung alam mo lang, araw-araw habang nasa malayo ako, iniisip kita. Mahal na mahal kita.

Daddy

"Buksan mo na," nakangiting sabi ng Daddy niya.

Binuksan ni Coby ang regalo. Nanlaki ang mga mata niya sa kaligayahan. Isang eroplano ang kanyang nakita. Marahan niya iyong kinuha. Lalo pa siyang nagulat nang mula sa eroplano ay lumabas ang mukha ni Angelica.

"Coby!" bulalas ni Angelica habang palabas sa loob ng maliit na eroplano. "Huwag kang maingay, kanina pa ako narito."

Lalo pang natuwa si Coby pagkakita kay Angelica.

"Coby," sabi ng Daddy niya. "Iyan ang eroplanong sinasakyan ko palagi. Piloto ang daddy mo."

Hindi maalis ang tuwa ni Coby sa kanyang mga labi. Totoo nga ang sabi ni Mommy. Piloto nga si Daddy!

At nagngitian sina Coby at Angelica.

ANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon