"TOTOONG eroplano na 'yan, ah," natutuwang sabi ni Angelica habang pinapanood si Coby na nilalaro nito ang eroplanong bigay ng Daddy niya habang nasa playroom sila.
"Ang ganda, 'di ba?" natutuwang sabi ni Coby kay Angelica.
"Oo! Napakaganda!"
Matamang pinapanood ni Angelica si Coby sa paglalaro ng eroplano—naroong paliparin niya iyon sa kanyang kamay ng paitaas, paibaba, at paitaas na muli.
"Coby, eh, di dapat masaya ka na? Narinig kong sabi nila na bahagi ka na raw ng pamilya nila. Eh, di masaya." Masayang nagsasalita si Angelica nang sinabi niya ang mga salitang iyon.
Napahinto si Coby sa paglalaro. "Narinig mo iyon?"
"Oo, magkapamilya raw kayo. Ibig sabihin, hindi ka naman pababayaan ng Daddy mo. 'Tapos sinabi pa nila, dalawa raw ang magiging mommy mo (Hindi po. Tita lang ang nais ipatawag ni Mia sa kanya ni Coby). 'Tapos, may kapatid ka pa. Mas nakatatanda sa 'yo. Kuya mo na rin daw iyon. 'Yong kamukhang-kamukha mo."
Matagal na tumingin si Coby kay Angelica at pagkatapos ay nagsalita ito. "Oo nga."
"Ano ba?" sabi ni Angelica. "Dapat maging masaya ka."
"Masaya naman ako, eh."
"Talaga?"
"Oo, masayang-masaya. Kasi sabi ni Daddy, magiging madalas na raw siya sa bahay. Nag-usap na raw sila nina Tita Mia. Pati 'yong kuya ko—magkikita-kita na raw kami. Kasama na raw kami ni Mommy at pati na si Lola bilang kapamilya nila."
"'Kita mo na," sabi ni Angelica. "Sabi ko na sa 'yo, hindi ka naman nila pababayaan. Kasi mabait ka, kaya mabait din sila sa 'yo."
Tumango si Coby kay Angelica.
"Coby..."
Natigilan si Coby sa pagsambit na iyon ni Angelica sa kanyang pangalan.
"Ano 'yon?" tanong ni Coby sa kanya.
"Natatandaan mo pa ba noong naglalaro tayo ng hide and seek?"
"Oo," sagot ni Coby.
"Kaya matagal akong nawala noong hinahanap mo 'ko, may kumausap sa akin," pagpapatuloy ni Angelica.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" Napakunot-noo si Coby. Iniisip na may gustong ipagtapat si Angelica sa kanya. Nakita kasi niyang naging seryoso ang mukha at ang tinig nito.
"Kasi, sabi ng nanay at tatay ko, tinatawag daw ako ng espiritista," sagot ni Angelica sa kanya sa malumanay niyang boses.
"Espiritista?"
Ikinagulat ni Coby ang narinig niya kay Angelica.
Isinalaysay ni Angelica ang pangyayari noon...
SA ilalim ng kama, pinuntahan si Angelica ng nanay at tatay niya.
"Angelica! Angelica!" tawag ng nanay niya sa kanya.
"Naku, anak, may tumatawag sa 'yo. Halika, tingnan mo," sabi naman ng tatay niya.
Sa komedor, sa pabilog na mesa, nakita ni Angelica na nakaupo ang mommy at lola ni Coby, kasama ng isang babae na mas matanda kaysa lola ni Coby. Nakapikit at magkahawak ang mga kamay nilang lahat. Sa gitna ng mesa ay may nakasinding kandila.
BINABASA MO ANG
ANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive (COMPLETED)
ParanormálníANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive Kuwento ni Segundo Matias, Jr. Guhit ni Jamie Bauza