NAPAHINGA si Coby. Hindi niya alam ang nararamdaman. Basta ang alam niya, malungkot siya. Basta ang alam niya, para siyang nabigo: unang-una sa hindi pagdating ng daddy niya noong Pasko at ngayon naman—nalaman niyang hindi pala tunay na asawa ng daddy niya ang mommy niya.
May mga gusto talaga siyang malaman, pero hindi na niya tinanong uli ang mommy niya:
· Hindi na ba titira ang daddy niya sa kanilang bahay?
· Bakit hindi siya kagaya ng ibang mga bata na hindi iniiwan ng kanilang mga daddy?
· Bakit may ibang bahay ang daddy niya?
· Bakit hindi nagpapakita ang daddy niya?
· Bakit sa tuwing Pasko, kompleto ang pamilya ng mga batang kakilala niya?
· Bakit ang mommy at ang lola lang niya ang kasa-kasama niya palagi sa lahat ng lakad nila? Kailan ba niya makakasama ang daddy niya?
· Ano iyong ibig sabihin ng "asawa" daw ng daddy niya ang babaeng nakilala niya? Kung gayon, ano ba ang tawag ng daddy niya sa mommy niya?
· Matutuloy pa kaya ang sabi ng mommy at lola niya noong bata pa siya na isasakay siya sa plane (eroplano) ng daddy niya? Na aalis sila at magsasama-sama?
Marami pang mga tanong si Coby. Pero ang iba, hindi niya maisip kung ano. Basta ang alam niya, marami. At iyon ang gumugulo at nagpapalungkot sa kanya.
Hindi ikinagulat ni Coby ang pagdampi sa kanyang balikat. Alam niya kung kanino galing iyon.
"Angelica..."
"Coby..."
Hindi kaagad nakasagot si Coby. Napayuko lang siya. "Akala ko makikita ko na ang daddy ko."
"Huwag ka nang malungkot," marahang sabi ni Angelica.
Napakunot-noo si Coby. Tinanong ang sarili kung bakit nasabi iyon sa kanya ni Angelica gayong alam naman nitong noon pa man ay hinihintay na niya ang daddy niya—na wala silang ibang pinag-usapan kundi ang pagmamayabang niya na isang araw ay darating ang daddy niya at magsasama-sama na sila kasama ng kanyang mommy. Na magiging kompleto na sila bilang isang pamilya.
"Ako rin naman, wala naman talaga akong nanay at tatay, eh," sabi ni Angelica.
Bahagyang ikinagulat ni Coby ang sinabi ni Angelica.
Pagkaraan ng ilang saglit, nakita ni Coby ang nanay at tatay ni Angelica, nakangiting nakatayo sa kanyang harap.
"Ang nanay at tatay ko, kakausapin ka raw," nakangiting sabi ni Angelica.
"Coby," maaliwalas na nakangiti ang nanay ni Angelica. "Isa akong sikat na bodabil star, kaya magaling akong sumayaw. Alam mo ba kung ano 'yon, Coby? Sa entablado ako noon sumasayaw. Pinapalakpakan ang husay at galing ko!"
Sumayaw pang muli ang nanay ni Angelica sa harap ni Coby.
Pagkaraan ng ilang saglit, ang tatay naman ni Angelica ang nagpakilala sa kanya.
"Isa akong katipunero. Lumaban ako sa mga Kastila para sa kalayaan ng bansang Pilipinas. Matapang ako at walang inuurungan," pagmamayabang ng tatay ni Angelica.
"Pero, pero!" bulalas ng nanay ni Angelica. "Alam mo bang hindi lang basta-basta sundalo iyang tatay ni Angelica? Tinuruan ko siyang sumayaw. 'Di ba, nakita mo sa mansiyon ng White Lady kung paano kami nagpakitang-gilas?!"
"'Sayaw naman kayo uli. Para mapasaya natin si Coby!" mungkahi ni Angelica.
Naghawakan ng kamay ang nanay at tatay ni Angelica at nagsimulang sumayaw sa harap ni Coby.
Sa ilang sandali lang, napangiti si Coby dahil sa husay sa pagsayaw ng nanay at tatay ni Angelica.
Sa harap ni Coby, patuloy na sumayaw ang nanay at tatay ni Angelica. Mayamaya ay sumayaw silang dalawa sa dingding. Hanggang sa kisame. Hanggang sa kabilang dingding.
Nagpasirko-sirko ang nanay at tatay ni Angelica sa pagsasayaw. Naroong inikot-ikot ng nanay ni Angelica ang katawan habang hawak ito ng tatay ni Angelica. Naroong pasirkong sasayaw at pagkatapos ay biglang haharap kay Coby ang nanay ni Angelica.
Hanggang sa ang ngiti ni Coby ay nahalinhan ng pagtawa dahil sa masaya at kaaya-ayang pagsayaw ng nanay at tatay ni Angelica.
Habang patuloy na nagsasayaw ang nanay at tatay ni Angelica ay natigilan si Coby nang—
"Coby, may ipagtatapat ako sa 'yo," sabi ni Angelica kay Coby. "Hindi ko naman sila tunay na nanay at tatay.
Napaisip si Coby sa sinabing iyon ni Angelica. "Ano'ng... ano'ng ibig mong sabihin—hindi mo sila tunay na nanay at tatay? Puwede ba 'yon?"
"Nakilala ko sila dito sa bahay ninyo noon. Natagpuan nila akong mag-isa. Una kong nakita ang nanay ko. Sabi ko sa kanya, gusto kong magkaroon ng tatay. Sabi niya, madali lang daw iyon. Nakilala namin ang tatay ko. Isang araw, nakita namin siya sa labas ng bahay na nakatayo sa lilim ng puno. Tinanong niya kung puwede siyang makitira dito. Pumayag kami ng nanay ko. Mula noon, sila na ang tumayong nanay at tatay ko."
Patuloy na nakikinig si Coby. Pinipilit intindihin ang sinasabi ni Angelica.
"Ganoon kaming mga multo." Narinig niya ang boses (na) iyon ng nanay ni Angelica. Huminto na ito sa pagsasayaw. "Naghahanap kami ng makakasama para 'di kami malungkot."
Ang tatay ni Angelica ang sumunod na nagsalita. "Naiintindihan mo ba, iho?" Inilapit niya ang mukha niya kay Coby. "Hindi kami ang totoong nanay at tatay ni Angelica. Kami lang ang tumatayong magulang niya sa mundo namin bilang mga multo. "Coby, dumarating kami sa mundo namin na nag-iisa lang, kaya kami naghahanap ng makakasama."
"Nandiyan naman ang mommy mo," sabi ng nanay ni Angelica kay Coby. "At iyon, totoo mong mommy, kaya 'di ka na dapat malungkot, dahil kitang-kita namin kung gaano ka niya kamahal. Ganoon din naman ang lola mo. Mahal na mahal ka niya. Huwag ka nang malungkot, Coby. Tingnan mo nga si Angelica, kahit hindi kami ang totoong nanay at tatay, masaya naman siya." Bumaling siya kay Angelica. "Hindi ba, anak?"
"Siyempre, masaya ako kahit na hindi naman talaga kayo ang totoong nanay at tatay ko, kasi mahal n'yo ako." Niyakap ni Angelica ang kinikilala niyang nanay at tatay.
Napaisip saglit si Coby habang nakatingin kay Angelica kasama ang kinikilalang nanay at tatay. Napayuko siya. Napaisip.
"At alam mo," dagdag ng nanay ni Angelica. "Makinig kang mabuti. Darating ang araw, magkikita rin kayo ng daddy mo. Alam mo, kung bakit? Kasi ikaw ay tunay niyang anak. Hindi ka niya pababayaan."
"Talaga?"
"Totoo 'yon!" mabilis na sagot ni Angelica. "Darating ang araw, isasakay ka rin niya sa totoong eroplano—dahil anak ka naman niya talaga."
"Kaya, Coby," sabi ng tatay ni Angelica, "ngiti na diyan. Huwag ka nang malungkot."
Pinilit na ngumiti ni Coby.
BINABASA MO ANG
ANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive (COMPLETED)
ParanormalANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive Kuwento ni Segundo Matias, Jr. Guhit ni Jamie Bauza