22. PAGDATING NG WHITE LADY

129 13 0
                                    


            "Angelica!"

May awtoridad ang boses na iyon ng White Lady.

Napanganga silang lahat dahil sa galit na mukha ng White Lady.

"B-bakit, White Lady?" tanong ng nanay ni Angelica.

"Malaki ang pagkakasala ninyo! Lalo na ikaw, Angelica. Nagpapakita ka raw sa batang si Coby—ang batang nakatira sa bahay na 'to. Bakit? Alam mo ang patakaran nating mga abay!" galit na sabi ng White Lady.

Nagulat si Angelica, at pati na rin ang nanay at tatay niya nang makitang kasama ng White Lady ang punong tagabantay. Ang ibig sabihin ay isinumbong siya sa White Lady?

Nakayuko at nahihiyang nagsalita ang punong tagabantay. "Pasensiya na, Angelica, hindi kasi kaya ng konsiyensiya ko na hindi sabihin sa White Lady na nagpapakita ka palagi kay Coby, eh. Kahit na nakita mo itong medalya ko, 'di ko talaga puwedeng ipagpalit ang sinumpaan ko bilang tagabantay. Tungkulin ko sa ating pinuno, ang kagalang-galang na White Lady at sa buong konseho, na magbigay-alam sa kanila kung sino man ang hindi tumutupad sa batas."

Hindi na kaagad nakapagpaliwanag si Angelica at ang nanay at tatay niya dahil biglang nagsalita ang White Lady.

"Bukas ng gabi ay kabilugan ng buwan. Harapin ninyo ang inyong pagkakasala sa buong komunidad ng Balete sa harap ng konseho!"

Pagkasabing-pagkasabi niyon ng White Lady ay bigla siyang lumipad at umalis.

Naiwan ang punong tagapagbantay. Nanlulumo ito at akmang magsasalita sana pero natigilan nang makitang biglang tumayo at lumipad ang nanay ni Angelica.

Galit na hinarap ng nanay ni Angelica ang punong tagapagbantay. "Walanghiya ka! Walanghiya ka! Akala ko ba ayos na? Akala namin mapagkakatiwalaan ka. Paano 'yan? Paano kapag nakulong si Angelica sa kuwadrong itim?! Naku, 'pag nagkataon, bubutasin ko ang tiyan mong 'yan! Lalapirutin ko pa ang mga tainga mo!"

"Bakit mo ginawa iyon?" Humarap din ang tatay ni Angelica sa punong tagabantay. "Hindi ba, kapalit ng hindi mo pagsumbong ay iyong medalya mo na nakita ni Angelica?"

"Pasensiya na. Kung gusto n'yo, isasauli ko na lang itong medalya," nanlulumo pa ring sagot ng punong tagabantay.

"At aanhin naman namin ang medalyang 'yan?!" galit pa ring sabi ng nanay ni Angelica.

"Punong tagabantay." Umiling si Angelica. "Hindi po. Kayo po ang talagang may-ari niyan, kaya dapat, sa inyo 'yan. Huwag n'yo na pong isauli."

"Pasensiya na talaga, Angelica." Tiningnan ng punong tagabantay ang nanay at tatay ni Angelica. "Pasensiya na rin sa inyo."

Napayuko si Angelica. Sa isip niya, may katotohanan naman ang sinabi ng punong tagabantay—na may nilabag siyang batas. At isa pa'y napagtanto niyang hindi dapat na gawing suhol o kapalit ang medalya para hindi niya gampanan ang kanyang trabaho bilang punong tagabantay.

"Anak," nanlulumong sabi ng nanay ni Angelica. "Wala tayong magagawa, kailangan nating harapin ang kasalanan natin..."

Tumango si Angelica.

ANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon