9. BAKIT GUSTO KONG KALARO SI COBY?

146 14 0
                                    


NAGPAIKOT-IKOT sa dingding at kisame ang nanay ni Angelica habang pinagagalitan ito. Inis na inis ito sa kanya. Ganito ang nanay niya—kapag nakakaramdam ng galit, saya, o ano mang matinding emsoyon, dinadaan niya ang lahat sa pagsasayaw o ano mang galaw ng katawan.

"Ano ka ba naman, anak?! Alam mo namang bawal magpakita ang isa sa atin sa mga tao! Baka magalit ang kagalang-galang na White Lady sa atin!"

"Alam mong sundalo ako noon, anak. Hindi puwede sa akin ang matigas ang ulo. Parurusahan kita. Hindi puwede ang face the wall, masyadong madali!" sabi ng tatay niya.

"Hindi ka naman puwedeng paluin para parusahan. Wala ka namang mararamdaman," sabi ng nanay niya.

Sinubukan noon ng nanay ni Angelica na paluin siya sa puwit, pero lumusot lang ang ipinangpalong walis tambo.

Lumipad na lumapit ang nanay niya sa kanya at hinarap niya ang mukha kay Angelica. "Kapag nalaman ng White Lady ito, naku, bahala ka."

"Huwag n'yo po akong isumbong, Inay, Itay," pakiusap ni Angelica.

"Puwes," sabi ng tatay niya. "Huwag matigas ang ulo mo."

Hindi nakasagot si Angelica. Ang totoo'y hindi niya maiwasan ang hindi makipagkaibigan kay Coby. Kasi'y bukod sa sabik na sabik siyang may makalaro sa malaking bahay ng Villa Carmen, dama niyang talagang mabait si Coby.

"Ang masaklap niyan, anak," dagdag ng nanay ni Angelica, "baka kapag nalaman ng White Lady na nagpapakita ka sa tao, baka paalisin tayo rito at ibang multo ang patitirahin dito. 'Pag nagkataon, saan tayo titira?"

Napayuko si Angelica.

Kumalma ang nanay ni Angelica. Naramdamang malungkot ito. "Anak, alam ko naman na sabik kang may kalaro. Baka nga naiinip ka, pero itigil mo na sana 'yan."

Hindi nakapagsalita si Angelica. Sa isip na lang niya sinabi ang gusto niyang sabihin sana. Kung hindi naman kasi ako nagpakita noon, 'di ko matutulungan si Coby. 'Tapos, mabait pa siya. Gusto ko talaga siyang nakakalaro.

"Angelica? Narinig mo ba ang sabi namin sa 'yo?"

Natigilan siya sa boses na iyon ng tatay niya. Pagkaraan ng ilang saglit ay tumango lamang siya.

ANGELICA: Ang Multo ng Balete Drive (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon