Part 6

24.2K 707 19
                                    


KABALIGTARAN ng inaasahan ni Allen, natuwa ang nanay niya nang sabihin niya ang tungkol sa review session nilang magkakaklase para sa weekend. Kasi raw sa unang pagkakataon ay makikita raw siya nitong mag review.

"Palagi na lang taekwondo ang nasa isip mo palibhasa pinalaki ka ng tatay mo na parang lalaki. Pero dalagita ka na, Allen at mas gusto ko na may iba ka naman pinagkakaabalahan maliban sa martial arts. Maganda na gusto mo na mag-aral para sa exams ngayon at sabi mo pupunta rin dito ang class muse niyo 'di ba? Maganda rin 'yon para mahawa ka sa pagiging babaeng babae niya," litanya ng nanay niya pagsapit ng sabado ng umaga.

Nagising siya na nasa kusina na ito at naghahanda ng ilulutong merienda at tanghalian. Ang papa niya mukhang tulog pa. Naalipungatan kasi siya kaninang madaling araw nang marinig ang owner nito kaya alam niyang umaga na ito nakauwi. Hindi bale, bukas pa naman ng hapon babalik sa maynila ang tatay niya kaya makakapagbonding pa sila mamayang gabi.

"Pandesal at gatas na lang muna ang almusal mo ha?" sabi ng mama niya na naglapag ng mug sa lamesa.

Naghikab si Allen, hindi masyadong pinagtuunan ng pansin ang sinabi nito at nagkamot pa ng buhok na magulo at hindi pa sinuklay. Umupo siya, kumuha ng pandesal at nagsimulang kumain. "Hindi naman kami sobrang close, mama. Kaya ko lang siya hinayaan sumama sa review kasi crush siya ni Potpot."

Nilingon siya ng kanyang ina at kumunot ang noo nang pasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. "Malapit na dumating ang mga kaklase mo 'di ba? Maligo ka man lang o kaya maghilamos. Pagkatapos magsuklay ka at mag polbo. At 'yang t-shirt mo, palitan mo kasi maraming butas. Gagawin ko na ngang basahan 'yan sinuot mo pa."

"Eh... mag re-review lang naman kami eh," reklamo niya, tinatamad gawin ang mga sinabi nito.

Bumuntong hininga ang mama niya at humarap sa kaniya. "Allen Magsanoc, kailan ko ba mararamdaman na may anak akong babae ha?"

Ngumisi siya. "Kapag lumabas na si baby."

Hinaplos ng kanyang ina ang nakaumbok nitong tiyan. Alam niya na matagal nang gusto ng mga magulang niya na masundan siya pero makalipas ang lampas sampung taon, ngayon lang uli nabuntis ang mama niya. Three months na ang baby sa tiyan nito ngayon. "Mas gusto kong lalaki ang kapatid mo. Para hindi ka na tratuhin na parang lalaki ng papa mo at hindi ka na turuan ng kung anu-anong pang lalaki."

"Wala naman problema sa akin ang mga tinuturo ni papa. Nag e-enjoy nga po ako eh."

"Ah basta. Babae ka at hindi lalaki. Magbihis ka na nga."

Umiling si Allen pero tumalima naman. Mabilis siyang naligo at nagpalit ng mas maayos na shorts at t-shirt. Pagkatapos kinuha niya lahat ng notebooks at textbooks niya at dinala sa sala. Kalalapag pa lang niya ng mga iyon sa center table nang makarinig siya ng boses mula sa labas ng bahay. "Tao po! Allen!"

Tumakbo siya at binuksan ang pinto. Ngumisi siya nang makita sa tabi ng gate nila sina Potpot, Rose Amory at Maki. Binati niya ang mga ito at pinagbuksan ng gate. "Tulog pa si papa pero si mama nasa kusina. Nilagay ko na sa sala ang notebooks at textbooks ko. Pasok kayo."

Nauna sina Potpot at Rose Amory habang napansin naman niyang mabagal ang paglalakad ni Maki at iginagala ang tingin sa bahay nila. Napahinto siya sa nakabukas na pinto at napatitig sa binatilyo. Para kasing may malalim itong iniisip, parang may naalala na hindi niya maintindihan. At ewan ba niya pero habang nakatingin siya sa mukha nito ay may naramdaman siyang kirot sa dibdib niya at uminit ang mga mata niya. Weird.

Tumikhim si Allen. "Maki," tawag niya sa kaklase na kumurap at lumingon sa kaniya. "Ano pang ginagawa mo? Nasa loob na sila."

Tumikhim ito, tumango at mabilis na lumapit sa kaniya pero hindi naman makapasok sa loob ng bahay nila. Kumunot na ang noo niya. "Bakit parang kabado ka? First time mo ba pumunta sa bahay ng kaklase mo?" Ngumisi siya at tinapik-tapik ang likod nito. "Relax ka lang. Mabait ang nanay at tatay ko." At nang hindi pa rin kumilos si Maki ay kumapit siya sa braso nito at hinila na ito papasok ng bahay.

Mababa ang lamesa sa sala kaya sumalampak sila ng upo paikot doon. Nakaupo na sina Potpot at Rose Amory kaya naging magkatabi sila ni Maki. Nakabukas na ang mga notebook at textbooks nila at nagsimula na nila i-discuss ang mga naging lessons nila nang may marinig siyang yabag mula sa second floor ng bahay nila. Napaderetso ng upo si Allen at biglang natuwa. "Gising na si papa!"

Napalingon din tuloy sa hagdan ang mga kaklase niya. Sumulpot ang kanyang ama na mukhang inaantok pa. Hindi na siya nakatiis. Tumayo na siya at tumakbo payakap sa ama. Nagulat ito at natatawang gumanti ng yakap. "Na-miss mo ako masyado?"

"Siyempre naman po. Limang araw kita hindi nakita eh." Isinubsob niya ang mukha sa dibdib nito at papisil itong niyakap. Ginulo nito ang buhok niya bago sila naghiwalay. Saka lang napunta ang atensiyon ng kanyang papa sa mga kaklase niya. "Aba, dati itong si Francis lang ang palaging nandito sa bahay ngayon may nadagdag na dalawa."

"Hi, tito Jovit," nakangiting bati ni Potpot. Pagkatapos ipinakilala nila sa kanyang ama sina Rose Amory at Maki. Nginitian ng matandang lalaki ang class muse nila pero mas tumagal ang atensiyon nito sa binatilyo. Sumeryoso ang mukha ng papa niya, pagkatapos nanlaki ang mga mata at halatang gulat na gulat na humakbang palapit.

"T-teka lang... pamilyar sa akin ang batang ito. Ikaw ba 'yan? Tama ba ako ng pagkakatanda?"

Nagtaka si Allen sa biglang panginginig ng boses ng kanyang ama. Ang nakakamangha pa ay tumayo si Maki, humarap sa papa niya at tumango. Pagkatapos lumambot ang ekspresyon nito at ngumiti.

"Tisoy! Ikaw nga si Tisoy," sigaw ng papa niya at biglang niyakap si Maki na parang anak nito ang binatilyo na matagal nang hindi nakita. Gumanti rin ng yakap si Maki at namasa ang mga mata.

"I missed you, Jovit."

Gulat na suminghap ang kanyang ama, ikinulong sa mga palad nito ang mukha ng binatilyo at bumulong, "At nakakapagsalita ka na."

Ngumiti si Maki. "Yes."

"Papa, anong nangyayari? Kilala mo si Maki?" litong lito na singit ni Allen.

"Ano bang sinasabi mo, anak? Hindi mo ba siya natatandaan? Ito si Tisoy! Tumira siya rito sa atin noong five years old kayo."

"Ah! Ako natatandaan ko, tito," sabi ni Potpot. "Kaya pala pamilyar siya sa akin noong unang araw pa lang niya sa klase namin. Siya 'yung batang lalaki na palaging nakabuntot kay Allen noon."

Tumawa ang papa niya at inakbayan si Maki. "Oo siya nga. Nakakatuwa na nandito ka na uli at kaklase ka pala ni Allen. At Maki pala ang pangalan mo ngayon. Kamusta ka na? Mayroon ka na bang pamilya na nag-aalaga sa'yo ngayon?"

May dumaang emosyon sa mukha ni Maki, kapareho nang nakita niya noong tinanong niya ito kung istrikto ba ang parents nito. "Yes. They are good to me."

"Mabuti naman kung ganoon," nakangiting sabi ng kanyang ama. Pagkatapos tumingin uli ito sa kaniya at tumaas ang mga kilay nang matitigan ang mukha niya. "Hindi mo pa rin ba siya natatandaan, Allen? Ilang linggo ka pa nga umiyak at nagwala noong umalis siya. Siya si Tisoy, ang batang lalaki na mahal na mahal mo noong five years old ka."

Uminit ang mukha ni Allen, napapahiya sa mga sinasabi ng kanyang ama. Pero kasabay niyon ay bumaha ang mga alaala sa isip niya. Mga araw na naglalaro siya sa labas habang nakatingin sa tumatawang mukha ng isang batang lalaki. Mga gabi na magkatabi silang natutulog at magkahawak ang mga kamay. Bigla niyang naalala ang huling beses na nakita niya ito, nang umalis ito kasama ang papa niya, at ang pangakong babalik ito.

Si Tisoy si Maki Frias. Ang batang lalaki na ubod ng payat, mahiyain at hindi makapagsalita dahil sa trauma ay normal nang nakikipag-usap sa kaniya ngayon. May laman na rin ito, matangkad at isa nang malusog na binatilyo.

Nanlabo ang paningin ni Allen pero nakita niyang nawala ang ngiti sa mukha ng mga ito at nagmukhang worried habang nakatitig sa kaniya.

Si Maki ang unang nakakilos, humakbang palapit sa kaniya. "Hey. Allen..."

"Ano?"

"Bakit ka umiiyak?"

Nagulat siya at kumurap. Saka lang niya naramdaman na tumutulo na pala ang mga luha niya.

Bachelor's Pad series book 13: THE MYSTERIOUS HEIRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon