Part 33

18.7K 534 18
                                    


SA MGA SUMUNOD na araw nagawang iwasan ni Maki si Shannon. Suwerte rin na mukhang busy ang babae sa trabaho nito at hindi na uli araw-araw na umuuwi sa mansiyon ng mga Angeles. Iyon lang, hindi na rin niya nakikita ang foster father niya na palaging dumederetso sa ospital pagkatapos ng duty para samahan ang asawa. Gusto niya itong makausap sa lalong madaling panahon kasi gusto niyang ipaalam agad na wala siyang intensiyon manatili sa pamilya nito hanggang maka-graduate siya.

Kaya nang lumipas ang isang linggo na hindi pa rin sila nagkikita ay nagdesisyon siyang bumisita sa ospital pagkagaling niya sa school. Tama siya na doon nga niya ito makikita kasi palapit pa lang siya sa psychiatric ward ay nakita na niya itong naglalakad naman palapit sa direksiyon niya. Kaso may problema. Kasunod nito si Shannon. Magkasama pala ang mga itong bumisita kay Debbie Angeles. Huminto siya sa paglalakad at sandaling naisip na tumalikod na lang. Pero huli na ang lahat. Nakita na siya ng mag-ama.

"Maki. Anong ginagawa mo rito?" gulat na tanong ng foster father niya nang makalapit sa kaniya. "Walang rason para dalawin mo ang asawa ko. Hindi ka na niya nakikita na anak niya. You are a stranger to her."

Tumango siya at pinanatiling walang emosyon ang mukha. "Gusto kitang makausap. Importante."

"Kung ano man ang sasabihin mo kay Papa, gusto ko rin marinig," singit ni Shannon. Sinulyapan niya ang babae. Nakita niya sa kislap ng mga mata nito na hindi nito nakakalimutan ang ginawa niyang pagtakas dito noong huling sumulpot ito sa university nila. Sigurado siya sisirain ng babae ang diskarte niya kapag sumali ito sa usapan nila ng foster father niya.

"I want it to be just the two of us," sabi ni Maki kay Joey Angeles.

Naningkit ang mga mata ng matandang lalaki at tumango. "Mag-uusap tayo pag-uwi sa bahay. Let's go."

Na-tense siya nang biglang kumapit sa braso niya si Shannon. "Kung hindi niyo ako isasali sa usapan, sa akin na lang siya sasabay pauwi, papa."

"Do what you want," balewalang sagot ng ama nito at nauna nang maglakad.

Mariing tumiim ang mga labi ni Maki nang hilahin siya ng babae hanggang halos magdikit na ang mga mukha nila. "What are you planning? Bakit gusto mo kausapin si papa? May kinalaman ba ang babaeng dahilan kaya mo ako ipinahiya sa labas ng university niyo?" mahina pero galit na tanong nito.

"Hindi mo na kailangan malaman, Shannon," malamig na sagot niya. Umatras siya palayo at magaspang na hinila ang braso para makawala sa pagkakakapit nito. "Hindi ako sasabay sa'yo. Kaya ko umuwi mag-isa." Napasinghap ito, halatang nagulat at nainsulto. Pero wala na siyang pakielam. Tinalikuran niya ito at mabilis na naglakad palayo.

SA STUDY room sa mansiyon ng mga Angeles, sinabi ni Maki sa foster father niya ang naging desisyon niya. Silang dalawa lang ang naroon sa kabila ng pamimilit ni Shannon na makisali sa usapan. Seryoso ang mukha nito, tahimik lang na nakatitig sa mukha niya habang nagsasalita siya.

Nang matapos siya magsalita ay namagitan ang mahaba at tensiyonadong katahimikan. Pagkatapos marahan itong tumayo at humakbang palapit sa kaniya. Tumingala siya, hindi alam kung ano ang gagawin kasi hindi niya mabasa ang ekspresyon nito. Kaya nagulat siya at hindi nakaiwas nang malakas siya nitong sampalin. Bumiling ang ulo niya sa puwersa ng sampal na iyon. Nabingi siya. Ang pisngi niya sobrang hapdi.

Pero hindi ang sakit at ang katotohanang pinagbuhatan siya nito ng kamay ang dahilan kaya nanlaki ang mga mata at hindi nakagalaw si Maki. Ang dahilan kaya biglang sumikip ang dibdib niya at hindi makahinga ay ang mga imahe na biglang dumaan sa utak niya. Images from a time he could not even remember. Nakasiksik siya sa isang sulok, nakatingala sa mga lalaking sinisipa at sinasampal siya. Nagagalit ang mga ito kasi iyak siya ng iyak kahit na paos na siya. Sa di kalayuan, natatakpan ng mga lalaki ay isang babae na hinahayaan siyang masaktan. Mukhang ito pa nga ang nag-uutos sa mga lalaki na patahimikin siya. In his hazy memory, he had a feeling that she was his mother.

"Ibinigay ko sa'yo ang lahat pero ito ang igaganti mo sa akin?" galit na sabi ni Joey Angeles. Nawala ang mga imahe sa utak niya at tiningala ito. Matalim ang tingin nito sa kaniya. "Wala kang utang na loob. That's why I hate orphans like you. Wala kayong mga modo. Walang pagpapahalaga sa dignidad. Wala kang pakielam kung masisira ang reputasyon ko kapag bigla kang umalis sa poder ko, ano? They will think I failed as a foster father if you get out of our house. And what I hate the most is people thinking I can't do a job well done. Hindi kita basta papayagan na kumawala sa pamilya na 'to, Maki Frias."

Parang nilamutak ang sikmura niya at nanlamig ang buo niyang katawan. Kung dati baka yumuko siya at tinanggap ang pagkatalo sa usapan. Pero mas determinado na siya ngayon. May mas purpose. Kaya kahit nararamdaman pa rin niya ang epekto ng sampal nito ay pinilit niyang tumayo hanggang magkapantay na ang mga mukha nila. "I'm thankful for everything you've given me. Pero hindi ba may kapalit naman lahat ng 'yon? Naging stand-in ako ng namatay mong anak. Ngayon hindi na ako kailangan dito. Hindi mo na kailangan maging responsable sa akin. Kaya kong maging responsable para sa sarili ko."

Namula ang mukha ni Joey Angeles at gumalaw ang katawan na parang gusto na naman siya saktan. Pero hindi pinutol ni Maki ang eye contact nila kaya hindi nito natuloy ang balak gawin. Naningkit ang mga mata nito. "You want out? Fine. Pero kailangan mo patunayan sa akin na kaya mo nga buhayin ang sarili mo. Patunayan mo na hindi ako maakusahang pabaya at walang awa. I don't want anyone to think I threw you out."

"How?" tanong ni Maki.

"Ang tuition fee na binayad ko sa University at ang magiging tuition fee mo para sa susunod na semester, bayaran mo. Gusto ko rin makitang may pambayad ka ng matitirhan. Gusto kong ipakita mo sa akin na talagang kaya mo maging independent."

Tumiim ang bagang niya. "Pera. Gusto mong maipakita ko sa'yo na may pera ako. Money is all you care for, huh."

"Money is everything, Maki. The fact that you don't realize that shows how immature and helpless you are. That's the deal. Kung hindi mo kayang ipakita sa akin na kaya mo buhayin ang sarili mo, mananatili kang nakatali sa pamilya na 'to."

Bago siya makasagot ay naglakad na ito palabas ng study room. Naiwan siyang nakatayo roon, mariing nakakuyom ang mga kamao at gustong mapasigaw sa frustration.

"Akala mo magiging madali lang, 'no?"

Na-tense si Maki. Lumingon. Nakatayo sa bukana ng pinto si Shannon at may malupit na ngiti sa mga labi. "Ma-pride si papa at gusto niya siya ang nasusunod. Hindi niya hahayaan na basta may sumira sa mga plano niya. Mas lalong hindi siya papayag na mapahiya sa kahit na sino. So he gave you an impossible task. You will be stuck with us, Maki. So why don't you just give in and let me have a good time?"

Bachelor's Pad series book 13: THE MYSTERIOUS HEIRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon