Part 19

19.9K 576 10
                                    


MABILIS na nagsisi si Maki sa mga nasabi niya nang makitang nalukot ang mukha ni Allen. At nang bigla itong umiyak, nataranta na siya. Parang nilamutak ang puso niya at nahirapan siya huminga. Mabilis na natanggal ang maskara ng indifference na pilit niyang ipinakita rito kanina para lang huwag na itong lumapit sa kaniya. Bukod sa bigla niyang naalala si Shannon nang marinig niya ang sentence na, Hindi mo ba ako na-miss? Nanariwa ang nangyari kagabi kaya bigla siyang nakaramdam ng galit. Mali na naibunton niya rito ang galit niya.

Nagpatuloy sa pag-iyak si Allen. Bakas ang vulnerability sa maganda nitong mukha. Nahirapan siya huminga at humapdi rin ang kanyang mga mata. Shit. Mga bata pa lang sila, kahinaan na ni Maki ang mga luha nito. "I'm sorry," garalgal na usal niya. Yumuko ito, humikbi at paulit-ulit na pinahid ng braso ang basang pisngi pero hindi humihinto ang pagluha nito. Ilang segundo na helpless siyang napatitig sa babae bago hinayaan ang sarili na gawin ang gusto niyang gawin noong unang beses pa lang niya itong nakita sa campus. He wrapped his arms around her and hugged her close.

Sumubsob sa balikat niya ang mukha nito, umiiyak pa rin. Pumaikot din ang mga braso nito sa katawan niya at bigla siyang sinuntok sa likod. Napa-ugh siya sa gulat at sakit pero hindi niluwagan ang yakap. "How dare you say that you've forgotten me, you jerk!"

"I'm sorry. Nagsinungaling ako. Hindi kita nakalimutan. Nakilala nga kita agad noong nakita kita sa gabi ng freshmen orientation, remember? I'm sorry I lied," tapat na sagot niya. Napangiwi si Maki kasi nanginig ang boses niya. Shit, nagiging emosyonal na rin siya.

Paulit-ulit siya nitong sinuntok at hinayaan niya ito. He deserves it, after all. Kung tutuusin, kayang baliin ni Allen ang mga buto niya kung gugustuhin nito pero hindi nito ginagawa. Patunay na higit sa galit, mas nasaktan talaga ito sa naging pakitungo niya rito.

"I'm sorry," sinserong ulit niya.

Humina ang suntok ng dalaga hanggang tuluyang huminto. Mahigpit itong kumapit sa damit niya. Isinubsob ni Maki ang mukha sa buhok nito at mariing pumikit. Huminga siya ng malalim at nanuot sa ilong niya ang mabangong amoy ng shampoo na gamit ni Allen. It was a nostalgic scent that made his heart ache. Kapareho ng amoy ng buhok nito noong eleven years old sila. "Hindi ka nagpalit ng shampoo," bulong niya bago pa niya narealize.

Natigilan si Allen, kinuskos ang mukha sa jacket niya bago mahinang tumawa. "Hindi mo nga ako nakalimutan kung pati amoy ng shampoo na gamit ko naalala mo."

Huminga ng malalim si Maki at hinigpitan ang yakap dito. "I can remember everything about you since we were five, Allen. Ang tanging paraan lang para makalimutan kita ay kung magkaka-amnesia ako."

Inangat nito ang mukha at kahit namumula pa rin ang mga mata ay nginitian siya. "Dapat pala siguruhin ko na hindi ka magkakaroon ng amnesia."

Napatitig siya sa ngiti nito. Umangat ang kamay niya at hinaplos ang gilid ng mga labi ni Allen. "Natatandaan ko rin ang ngiting 'to. I can see it inside my head everyday."

Naging masuyo ang facial expression nito. "Kung hindi mo ako nakalimutan, bakit iniiwasan mo ako? Bakit gusto mong kalimutan kita?"

Hindi siya sumagot agad. Sa halip pinahid niya ng hinlalaki ang luha sa mga pisngi nito. "Mahabang panahon ang four years, Allen. Masyado nang maraming nangyari. Hindi na ako ang Maki na kilala mo. I am no longer someone you should associate with. I will just bring you pain. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyari sa'yo na hindi maganda dahil sa akin. Magagalit na talaga ako sa sarili ko kapag ako na naman ang naging dahilan kaya ka masasaktan."

Kumunot ang noo ni Allen, halatang hindi naiintindihan ang sinasabi niya. Mapait siyang ngumiti. Pagkatapos napilitan siyang humakbang paatras at isinuksok ang mga kamay sa bulsa ng jacket niya. Kapag hindi kasi niya iyon ginawa, hindi na siya titigil na hawakan ang dalaga.

Kumurap ito, huminga ng malalim at biglang naging determinado ang mga mata. "Tama ka. Hindi na ikaw ang Maki na kilala ko noon. So what? Kikilalanin ko na lang ang bagong Maki."

Umiling siya, nagsisimula na ma-frustrate. "Don't get involve with me, Allen. I don't want to ruin our childhood memories." After all, it was only in his memories of their childhood that he will ever be pure and unbroken.

Bumuka ang bibig nito. Halatang makikipag-argumento pa. Pero umiling siya uli at binuksan na ang pinto ng classroom kung nasaan sila. "Let's go. Ilalabas kita rito."

"Maki, hindi pa tayo tapos mag-usap," sabi ni Allen, hindi tumitinag sa pagkakatayo.

Kinontrol niya ang kanyang emosyon. Itinaas niya ang hood ng jacket niya hanggang matakpan na uli ang ulo at mukha niya. Pagkatapos nilingon niya ito. He did his best to look cold as he stares at her. "Tapos na ang usapan na 'to."

Mariing tumikom ang bibig ng dalaga at naningkit ang mga mata. Alam kaagad niya na may balak itong gawin. Pero kahit na rumehistro iyon sa isip niya hindi pa rin niya natalo ang mabilis na reflexes ni Allen. Sa isang hakbang nakalapit na ito sa kaniya. Nahigit niya ang kanyang hininga kasi biglang isang dipa na lang ang layo ng mga mukha nila. Deretso ang tingin nito sa mga mata niya. Ang mga labi nila, kaunting kilos lang puwedeng magdikit. Maki was surprised when he felt his body reacting to her nearness. Bumagal tuloy ang thought process niya. Kaya hindi siya nakakilos nang biglang isuksok ng dalaga ang mga kamay sa bulsa ng jacket niya, may dinukot mula roon.

Natauhan lang siya nang bigla itong dumistansiya sa kaniya at naputol ang eye contact nila. Kasi busy na ito sa cellphone niya na hawak na pala nito. "Hindi ka naglalagay ng pin code sa cellphone mo? That's not good, Maki," kaswal na sabi pa ni Allen habang tumitipa sa gadget.

"What are you do –"

Biglang may nag ring na cellphone. Galing sa bulsa nito. Nag-angat ito ng tingin, iniharap sa kaniya ang screen ng gadget at matamis na ngumiti. "Ito ang number ko ha." Saka ibinalik sa kaniya ang kanyang cellphone.

Frustrated na ibinulsa niya uli iyon. "I will delete it," inis na sabi niya.

"Okay lang. Tingnan mo lang tapos burahin mo na kung gusto mo. Alam ko naman na kahit gawin mo 'yon hindi mo na makakalimutan ang number ko," kaswal na sagot ni Allen na humakbang na palabas ng classroom.

Susunod na sana siya rito pero bigla itong lumingon at confident na ngumiti. "Huwag mo na ako ihatid. Kaya ko ang sarili ko. Hindi na lang taekwondo ang kaya kong gawin ngayon, Maki. Katulad mo, hindi na rin ako ang Allen na nakilala mo noon. It's okay. Puwede naman nating kilalanin uli ang isa't isa. See yah!"

Pagkatapos mabilis na itong naglakad palayo. Sa sobrang pagkagulat niya sa ginawa at sinabi nito, matagal bago siya nakakilos. Sumunod siya pero dumistansiya. Ni hindi ito lumilingon. Hindi niya tuloy alam kung aware ba itong nakasunod siya o hindi.

Gusto lang ni Maki siguruhin na makakarating ito sa bahagi ng campus na maraming tao. Pero narealize na lang niya nasundan na niya ito hanggang makarating ito sa building ng College of Social Sciences and Development. Kumunot ang noo niya kasi inaasahan niyang related sa Physical Education ang course na kukunin ng dalaga.

Papasok na sa isang classroom si Allen kaya tatalikod na sana siya nang bigla itong lumingon. Deretso ang tingin sa mukha niya. Ibig sabihin kanina pa nito alam na nakasunod siya. Ngumiti ito at kumaway. Nainis si Maki kasi pakiramdam niya pinapaikot siya nito sa palad nito. He hates it when he doesn't have control over his own emotions. Kaya imbes na gumanti ng kaway o kahit tumango man lang, tumalikod siya at naglakad palayo.

Bachelor's Pad series book 13: THE MYSTERIOUS HEIRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon