Part 56

20.6K 633 49
                                    


"Ano 'yon?"

Lumapit ito sa kaniya. "Alam ko wala kang facebook at hindi ka nagbababad sa internet kung hindi kailangan kaya siguradong hindi mo pa 'to nakikita." Inabot nito sa kaniya ang cellphone na noon lang niya napansing hawak pala nito ang tumakbo papunta sa opisina ni Mr. Kim.

Kumunot ang noo niya at curious na tiningnan ang screen ng gadget. Natigilan siya at nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang stolen shot iyon ni Maki. Nakasuot ito ng itim na business suit at maayos na naka-style ang hanggang batok nitong buhok. Malayo sa normal na porma nito kapag nagkikita sila pero hindi siya puwedeng magkamali. Si Maki talaga iyon.

"Basahin mo ang article. My God, bakit hindi mo sinabi sa amin, Allen? Akala ko talaga all this time na ubod ng guwapong bum lang talaga siya katulad ng tawag sa kaniya ng mga bata. Big time pala siya!" excited na sabi pa ni Donna.

Binasa niya ang headline at nanuyo ang lalamunan niya; First Public Appearance Of A St.Clair Heir Caused Commotion In High Society.

Napanganga si Allen habang binabasa naman ang artikulo. Ayon doon matandang dalaga raw si Matilda St.Clair na siyang may-ari ng maraming kompanya na inisa-isa ng nagsulat ng article. Kahit siya pamilyar sa mga kompanya na iyon. Matandang dalaga raw si Matilda pero mula pa raw noon ay pinaghandaan na raw nito ang retirement sa pamamagitan ng pagampon ng mga batang magiging tagapagmana nito. Isa raw si Maki sa mga legally adopted son nito pero wala pang masyadong impormasyon ang nagsulat ng artikulo tungkol sa binata. Ang sigurado lang daw ay pormal na ipapakilala ang St. Clair heirs sa birthday party ni Matilda next month.

"So? Bakit hindi mo sinabi sa amin na isa palang St. Clair si pogi?" tanong na naman ni Donna.

Dahil hindi ko rin alam. Pero imbes na sabihin iyon ay nagkibit balikat na lang siya at ibinalik ang cellphone sa co-teacher niya. Sana nga lang hindi nito napansin na nanginginig ang kamay niya. Ibinalik niya ang tingin sa screen ng computer pero hindi na niya nakikita ang mga nakasulat sa job searching website na tinitingnan niya kanina.

Aware si Allen na maraming hindi sinasabi sa kaniya si Maki. Kahit naman siya may hindi pa rin sinasabi rito. Pero hindi pala maganda sa pakiramdam na malaman niya sa ibang paraan ang itinatago nito kaysa marinig iyon mula rito. She feels... betrayed.

"Ahm, okay ka lang?" worried na tanong ni Donna.

Napakurap siya at lumingon sa co-teacher niya. "Oo naman. Bakit mo natanong?"

"Namumutla ka kasi. Kailan ba kayo huling nagkita ni Maki?"

Noong sinundo ito ng limousine. Iyon ang huling beses na nakita niya ang binata. Tumatawag ito sa kaniya para sabihing may inaasikaso lang itong trabaho at hindi naman siya masyado nagtanong. Nagkibit balikat na lang siya at pinilit ngumiti. Ibinalik niya ang tingin sa computer at isinara ang website na tinitingnan niya. "Mag aayos na ako para sa klase."

Bumuntong hininga si Donna. "Sorry kung usyusera ako. Alam ko naman na hindi ka mahilig magkuwento tungkol sa sarili mo. Basta kung kailangan mo ng kausap, puwede mo akong lapitan okay?"

She felt guilty for pushing her kindness away. Tipid na lang tuloy siyang ngumiti at tumango. Gumanti ito ng ngiti at saka naglakad palayo. Huminga ng malalim si Allen at wala sa loob na inilabas ang cellphone. Nagpadala siya ng text kay Maki, nangungumusta lang. Pagkatapos matagal siyang naghintay para sa reply. Pero oras na ng klase niya ay wala pa ring dumating na sagot.

PAGKATAPOS ng taekwondo session nagdesisyon si Allen na umuwi na lang. Ang bigat kasi ng pakiramdam niya at parang gustong magkulong lang sa apartment niya. Na lowbat ang cellphone niya kaya ni hindi niya alam kung nag reply ba si Maki sa text niya o hindi.

Alas kuwatro pa lang ng hapon kaya maliwanag pa sa labas nang makarating siya sa lugar nila. Hindi tuloy nakaligtas sa atensiyon niya ang asul na pickup na huminto sa gilid ng apartment complex kung saan siya nakatira. Paakyat na siya sa hagdan nang biglang bumukas ang pinto sa driver's seat ng sasakyan. Sumikdo ang puso niya nang bumaba mula roon si Maki. Lalo siyang nabigla kasi nakasuot ito ng business suit, katulad sa larawan nitong kumakalat sa internet. Nanibago siya sa porma nito kaya natulala siya.

Mabilis itong lumapit sa kaniya at tinitigan ang mukha niya. Nagulat siya nang bumuntong hininga ito na parang nakahinga ng maluwag at biglang isinubsob ang noo sa balikat niya. "You're fine. Mabuti naman. Akala ko may nangyari kasi tinatawagan kita pero out of coverage area ang cellphone mo kahit kaka-text mo lang sa akin. Tapos nang kumatok ako sa martial arts studio nakaalis ka na raw."

Umawang ang bibig ni Allen kasi ngayong nakadikit ito sa kaniya napansin niyang mainit ang katawan nito, may butil ng pawis sa noo at leeg at mabilis ang tibok ng puso. Para bang taranta itong umalis sa kung saan man ito galing para puntahan siya. Nawala tuloy na parang bula ang bigat ng pakiramdam niya. Napangiti siya at tinapik ang likod nito kahit ang totoo gustong gusto na niya ito yakapin ng mahigpit. Kaso masyado pa maaga at may mga tao pa sa labas. Katunayan curious na nakatingin sa kanila ang pamilya na nakatira sa first floor ng apartment complex.

Tumikhim siya. "Okay lang ako, Maki. Doon na tayo sa apartment ko mag-usap." Hinawakan niya ang kamay nito at hinila paakyat sa second floor. Bumitaw lang siya nang buksan niya ang pinto. Nauna siya pumasok. "Gusto mo ng maiinom? Tubig at kape nga lang ang meron ako," hindi lumilingon na sabi niya.

"It's fine." Naglakad si Maki palapit sa kama. Nang sulyapan niya ito ay natulala siya at kumabog ang dibdib. Hinuhubad kasi nito ang black suit nito at saka hinagis sa kama. Sunod nitong niluwagan ang necktie hanggang mahubad na rin nito iyon. Pagkatapos kinalag nito ang unang tatlong butones ng puting long sleeved polo nito.

Nanuyo ang lalamunan ni Allen at uminit ang kanyang pakiramdam. Bakit parang nag slow motion sa paningin niya ang paghuhubad nito?

Nakatulala pa rin siya nang biglang mapasulyap sa kaniya si Maki. Nagtama ang mga paningin nila at sa isang iglap alam niyang napansin nito ang epekto sa kaniya ng paghuhubad nito. Kasi uminit ang titig nito sa kaniya.

Bigla niyang naalala ang isang umaga noong college sila, nang turuan niya ito ng basic aikido technique na nauwi sa pagkakahiga nito sa sahig habang nakapatong naman siya rito. Ang kuryente at awareness na kumalat sa buong katawan niya nang maramdaman ang reaksiyon ng katawan nito sa sandaling iyon, ganoon ang nararamdaman niya ngayon.

Kaya nang pumihit paharap sa kaniya si Maki at nagsimulang maglakad palapit, halos kapusin na siya ng paghinga. She suddenly realized that all these years, she was subconsciously waiting for this moment to happen.

Bachelor's Pad series book 13: THE MYSTERIOUS HEIRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon