Part 32

20.8K 609 61
                                    


Mayamaya may narinig silang ingay mula sa labas ng apartment. Mabilis silang naghiwalay. Pareho na silang nakatayo at malayo sa isa't isa nang bumukas ang pinto at pumasok ang kanyang ama. Naka-police uniform pa rin ito at may bitbit na malaking box ng pizza. Halatang nagulat ito nang makita si Maki. Pero agad ding natuwa at napabilis ang pasok sa loob.

"Aba, tama pala ang pag-uwi ko ng maaga at pagdala ng pasalubong. Nag renta ako ng mga bagong pelikula. Huwag ka muna uuwi, Maki. Manood tayo," masigla pang sabi nito sabay akbay sa binata.

Napangiti si Allen at kinuha mula sa kamay ng papa niya ang pizza. Hinalikan siya nito sa ulo bilang pagbati at saka hinila paupo sa sofa si Maki.

"Papa, magpalit ka kaya muna ng damit?"

"Oo nga pala. Sige kayo na muna ang pumili ng pelikula at magbibihis lang ako." Mabilis na pumasok sa kuwarto niya ang kanyang ama.

Nagkatinginan sila ni Maki at parehong napangiti. "Mahal na mahal ka talaga ng tatay ko," pabirong sabi niya.

"Mahal na mahal ko rin siya." Pagkatapos lumapit ito sa kaniya, inabot ang kamay niya at pinisil iyon. "At ikaw rin," bulong nito.

Parang lumobo ang puso niya at uminit ang pakiramdam niya sa sinabi nito. Matamis siyang ngumiti at kusa itong hinalikan sa lips. Smack lang. Pagkatapos magaan niya itong tinulak palayo. "Pumili ka na ng movie. Aayusin ko ang kakainin natin."

Mayamaya pa lumabas na ng kuwarto ang tatay ni Allen na nakapambahay na. Nagsalang sila ng pelikula at magkakatabing umupo sa sofa habang nakapatong sa center table ang pizza, malaking bote ng softdrinks at tatlong baso. Sa sumunod na mga sandali kuntento at komportable lang silang nanonood, tumatawa sa mga part na nakakatawa at napapa-comment sa ilang eksena. Napapagitnaan nilang mag-ama si Maki.

Hindi na niya namalayan kung saang part ng palabas nangyari pero narealize na lang niya na nakahilig na ang katawan niya rito at nakasandal ang ulo sa balikat nito. Paminsan-minsan nararamdaman niyang humihilig din ang pisngi nito sa tuktok ng ulo niya. May mga pagkakataon din, lalo na kapag dumudukwang ang papa niya para kumuha ng pagkain sa center table, na sandaling magtatama ang likod ng kanilang mga kamay at maluwag na naglilingkis ang mga daliri. Pagkatapos magkakatinginan sila at magpapalitan ng makahulugang ngiti.

Patapos na ang pelikula nang biglang magsalita ang kanyang ama. "Kanina pa kayong dalawa ha. Iwan ko na ba kayo at nang kayo na lang ang mag movie date?" Lumingon ito sa kanila, nakaangat ang mga kilay. "Mag syota na ba kayong dalawa ha?"

Na-tense si Allen at kinabahan. Sumulyap siya kay Maki na deretso ang tingin sa mukha ng kanyang ama at walang pagdadalawang isip na sumagot, "Opo."

Napanganga siya at mabilis na nilipat ang tingin sa mukha ng papa niya. Hindi ito mukhang nagulat. Huminga lang ito ng malalim at tumango. "Okay. Pero behave kayong dalawa ha? Mga menor de edad pa kayo. Ayoko ng kung anu-anong kalokohan, maliwanag ba? Hanggang second base lang kayo." Sumenyas pa ito hanggang kalahati ng katawan nang sabihin iyon.

Uminit ang mukha ni Allen. "Papa!" Bakit ba nila pinag-uusapan ang tungkol doon ngayon? Nakakahiya!

"Aba, gusto ko lang na malinaw."

"Don't worry, tito. I will treasure her," sabi ni Maki kaya napatingin na naman siya sa binata. Nilingon din siya nito at masuyong ngumiti. Napangiti na rin tuloy siya.

"Mabuti naman," sabi ng kanyang ama na nakangiti na. Ginulo nito ang buhok nila ni Maki at pareho silang niyakap. "Panatag ang loob ko kapag alam kong magkasama kayong dalawa. Kasi alam ko hindi niyo pababayaan ang isa't isa. May tiwala ako sa inyo." Tinapik nito ang mga likod nila bago kumalas at nakangiti pa ring tumayo. "Maaga ang shift ko bukas. Matutulog na ako. Ubusin niyo ang pizza bago ka umuwi, Maki."

Bago pa sila makapag-react ay naghikab ang kanyang ama at pumasok na sa loob ng kuwarto nito. Nagkatinginan sila ng binata at parehong natawa. "Kelan pa tayo naging mag syota?" pabirong tanong ni Allen.

"Kanina lang. Nag-aminan na tayo 'di ba?" nakangiti pa ring sagot ni Maki. Inabot nito ang kamay niya at pinaglingkis ang mga daliri nila. "May blessing na tayo ng papa mo. Ayaw mo ba?"

"Gusto," mabilis na sagot niya.

Ngumisi ito at inakbayan siya. Tumitig sila sa screen. Tapos na ang palabas kaya ang repleksiyon na nila ang nakikita nila roon. Napatitig si Allen sa mukha ni Maki kaya bigla niyang naalala ang isa pang tsismis na sinabi ni Carla sa kaniya. "Bakit palagi mong tinatakpan ang mukha mo kapag nasa labas ka? Totoo ba na si Shannon ang dahilan?"

Gulat na niyuko siya nito. "Of course not. Wala siyang kinalaman 'don."

Kumunot ang noo niya. "Eh bakit palagi kang nakasuot ng hooded jacket at baseball cap? Bakit tinatago mo ang mukha mo? Sabi ni Carla nagsimula lang daw 'yon noong third year high school kayo. Sa kuwento mo nagsimula rin 'yung sa inyo ni Shannon ng parehong taon. So it fits."

Umiling si Maki at napahawak sa batok. "Iba ang rason. 'Di ba sinabi ko na sa'yo na ang laki ng pinagbago ng hitsura ko over the summer break? Hindi lang si Shannon ang nagpakita ng interes sa akin, okay? When school started I began to catch a lot of attention. Hindi lang from high school but also from college girls. At kasunod ng sobrang atensiyon ng mga babae ay inis at galit naman mula sa mga lalaki, right? I was sexually harassed by older girls while the guys kept on starting a fight with me. It became annoying. So I covered my face to hide my presence. Kasi ayoko ng unnecessary attention."

Kung sa ibang tao narinig ni Allen ang kuwentong iyon baka hindi siya maniwala at mayabangan pa sa nagsabi. Pero si Maki ito. Naiimagine niya kung ano ang pinagdaanan nito. Humarap siya rito at ikinulong sa magkabilang kamay ang mukha nito. "Ang dami talaga nababaliw dito, 'no?"

Tumaas ang mga kilay nito. "Pero ikaw, hindi?"

"Iba ang mga dahilan kung bakit gusto kita. Bonus na lang 'tong mukha mo."

Napangiti ito. "Alam ko. Thank you. You don't know how much that means to me." Hinalikan nito ang noo niya at sandaling nagyakap sila. Pareho pa silang kuntentong bumuntong hininga.

Mayamaya nagpaalam na si Maki na uuwi. Hinatid niya ito hanggang sa pinto ng apartment. Madilim na sa labas pero dahil malapit sa university kaya buhay na buhay pa rin ang mga shop at tambayan ng mga estudyante sa paligid. Ngayong paalis na ito, bumalik na naman sa isip ni Allen ang tungkol sa family situation ng binata. Hindi niya maiwasan mag-alala. "Magiging okay ka ba paguwi mo?"

Tipid itong ngumiti at tinapik ang ulo niya. "I'll be fine. Good night."

"Good night."

Tumalikod ito, itinakip ang hoodie sa ulo at saka naglakad palayo. Sinundan niya ito ng tingin habang bumababa ng hagdan, hanggang sa naglalakad na ito sa kalsada at nag blend in na sa mga tao. Nang mawala si Maki sa kanyang paningin saka lang pumasok sa loob ng apartment si Allen.

Bachelor's Pad series book 13: THE MYSTERIOUS HEIRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon