Part 10

23.1K 628 16
                                    

NAPANGIWI si Allen at nanginig ang mga tuhod nang kumirot ang ibabang bahagi ng tiyan niya. Hindi naman siya nagugutom at hindi rin naman na-si-cr. Dahil ba tinakbo niya mula classroom hanggang sa club room nila?

"Allen, ayos ka lang ba?" tanong ng taekwondo member din na katulad niya. Nagbibihis sila ng training clothes nila at nasa pinto na ito, mukhang lalabas na pero hindi natuloy. Worried kasi itong nakatingin sa kaniya. "Namumutla ka. May masakit ba sa'yo?"

Huminga siya ng malalim at dahan-dahang dumeretso ng tayo. Pinakiramdaman niya ang sarili. Hindi na kumikirot ang tiyan niya. Nginitian niya ito. "Ayos lang ako. Kaya ko mag training."

"Okay. Pero kung hindi mo kaya sabihin mo kay coach ha. Next month na ang regional tournament at ikaw lang ang nakapasok sa girls kaya kailangan ingatan mo ang katawan mo."

Tumango siya. Nang lumabas ito ng room ay bumuntong hininga si Allen at lumabas na rin.

Nakita agad niya si Maki sa di kalayuan nang magpunta siya sa quadrangle para sumali sa warm-up. Nakaupo ito ilalim ng waiting shed na tambayan ng mga magulang kapag oras ng sunduan ng mga grade one to three. Uminit ang mukha niya at tumalikod sa direksiyon nito. Kasi ngayong alam na niya ang sikreto nito ay hindi na niya ito matingnan na hindi iyon naiisip. Nahihiya siya rito at naiinis naman sa sarili na napaka-usyusera niya.

Sa kalagitnaan ng training ay kumirot na naman ang tiyan ni Allen pero pinilit niyang balewalain iyon. Kaso dahil nakakapanlambot ng tuhod ang sakit, nang magpakawala siya ng roundhouse kick ay nawalan siya ng balanse sa paglapag kaya natumba siya paupo sa sahig. Nataranta ang coach niya at sa takot na magkaroon siya ng major injury bago ang nalalapit na regional tournament ay hindi na nito pinatapos ang practice niya. Inutusan na siya umuwi at magpahinga. Hindi na siya nagprotesta at bumalik sa club room nila. Ni hindi na siya nagpalit ng damit, kinuha na lang niya ang backpack niya. Dumadalas at tumitindi na kasi ang kirot na nararamdaman niya.

Paglabas niya naabutan niya si Maki na naghihintay. Halata rin ang pagaalala sa mukha nito. "May sakit ka ba?"

Pinilit niyang ngumiti na naging ngiwi nang kumirot na naman ang tiyan niya. Nanlaki ang mga mata nito at agad lumapit sa kaniya. "Kumapit ka sa balikat ko. Ihahatid na kita pauwi."

Tumango siya kasi wala na siya lakas magsalita. Pumaikot ang braso nito sa baywang niya at hindi na siya nahiyang humilig sa katawan nito. "Gusto mo mag tricycle na lang tayo pauwi sa inyo?"

Umiling siya. "Kaya ko pa. Malapit lang naman eh."

Humigpit ang hawak nito sa kaniya. "Okay."

Malapit lang naman talaga ang bahay nila sa school. Pero matagal bago sila nakarating kasi mabagal ang lakad nila. Nasa tapat na sila ng gate nang sumakit na naman ang tiyan niya, mas matindi kaysa kanina. Napatalungko siya sa sahig at hindi na napigilan ang pag-aray at pag hikbi. "Allen? Sobrang sakit talaga? Sa ospital ka na yata dapat magpunta," tarantang sabi ni Maki na tumalungko sa tabi niya, nanginginig ang mga kamay, hindi alam kung anong gagawin. Lalo lang tuloy siya naiyak kasi nata-touch siya sa concern nito. Pagkatapos nanlaki ang mga mata niya at nanlamig siya nang humiwa ang sakit mula sa tiyan niya pababa at biglang may mainit na likidong lumabas sa –

"Allen? Ikaw na bata ka, anong ginagawa mo sa anak ko ha?"

Pareho silang nagulat ni Maki at napalingon sa nakabukas na palang pinto ng bahay nila. Mabilis na naglakad palapit sa kanila ang kanyang ina kahit na halatang nahihirapan dahil sa malaking tiyan. "Bakit mo pinapaiyak ang anak ko, ha? Sinasabi ko na nga ba na hindi ka mapagkakatiwalaan –"

Bachelor's Pad series book 13: THE MYSTERIOUS HEIRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon