Part 54

20.1K 636 18
                                    


"TINATANONG mo kung bakit kailangan ko ng malaking halaga 'di ba? Kailangan ko kasi 'yon para mabili ko uli ang bahay kung saan ako lumaki. Tanda mo 'yong bahay namin sa probinsiya? Bukod sa insurance ni papa na nagamit ko para matuloy ko ang pag-aaral ko at maka graduate ng college, ang bahay na 'yon lang ang tanging naiwan sa akin ng mga magulang ko. Hindi 'yon sobrang laki pero lahat ng childhood memories ko na kasama sila ay naroon."

Nakaupo na sila sa isang bench sa park. Nagpunta sila roon nang mahimasmasan si Allen. Halatang nagulat si Maki sa sinabi niya. "Paano nangyari 'yan?"

Kumirot ang puso niya nang maalala ang naging katangahan niya noon. "Dahil gusto ko maka-graduate kahit anong mangyari, nag dorm ako malapit sa campus at ibinuhos lahat ng atensiyon ko sa pag-aaral. Ni hindi ako nakakauwi sa amin kapag sembreak. Ayoko aminin noon pero siguro hindi ko pa lang kaya harapin noon ang bahay namin na wala na ang parents ko. So ipinagkatiwala ko sa malayong kamag-anak ang pagbabantay sa bahay. Nang mamatay kasi si papa, nagpaalam na rin ang rumerenta sa'min. Parang natakot yata madamay sa kamalasan ng buhay ko. So imbes na maiwang bakante, pinatirhan ko na lang."

"Sa matandang babae na 'yon mo pinagkatiwala ang bahay? What was her name? Tita Babes?"

Mapait na tumango siya. "Sa totoo lang, nakilala ko lang siya sa burol ni papa. Malayong pinsan daw siya. Umiyak pa siya nang makita sa kabaong si papa. Pagkatapos dahil tulala ako noon at hindi alam ang gagawin, siya ang halos umasikaso ng lahat katulong ang mama ni Francis. Mabait siya sa akin kaya nagtiwala ako sa kaniya. Saka hindi ako nagduda na may gagawin siyang hindi maganda kasi umattend pa nga siya sa college graduation ko. Tapos okay naman ang relasyon namin kahit nang bumalik na ako sa bahay kasi sa local company sa probinsya ako nagtrabaho. Pero almost four years ago, bigla na lang siya nag-iba. Parang palaging balisa si tita Babes. Palaging may kausap at ka-text sa cellphone. Hindi ko masyadong inisip ang pagbabago sa kaniya kasi..."

Kasi may mas malaki pa akong problema noon. Pero hindi pa kaya ni Allen sabihin ang tungkol doon kaya ipinilig niya ang ulo at nagpatuloy sa pagsasalita. "Anyway, nagulat na lang ako isang araw, wala na siya sa bahay. Nag alsabalutan. Tapos one week later, nang umuwi ako marami nang mga tao sa bahay. Kailangan ko na raw umalis kasi ipaparenovate na raw ng bagong may-ari. Saka ko lang nalaman na ibinenta pala ni tita Babes ang bahay at lupa namin. Pinakita sa akin ng attorney ang mga papeles at may pirma ko nga ang deed of sales. Naalala ko na lang na may pinapirma sa akin si tita Babes na hindi ko masyado binasa kasi antok na atok na ako. Nag demand ako sa abogado na gusto ko kausapin ang napagbentahan pero nangibang bansa raw ang buong pamilya na 'yon. Na balak nilang gawing vacation house ang bahay namin."

"Then we should catch her. Narinig ko na sinabi mong hindi ka magdedemanda pero hindi tama 'yon, Allen. What she did to you was unforgivable," galit na sabi ni Maki.

"Alam ko pero kapag nagsampa ako ng kaso... 'di ba dapat sa lugar namin ako magsasampa since tagaroon kami pareho nang mangyari ang ginawa niya? Sa tingin ko hindi sila maniniwala sa akin na hindi ko alam na pumirma ako. Saka ayoko ng masyadong gulo. Gusto ko lang mabawi ang bahay. Kaso ayaw pumayag ng abogado ibigay sa akin ang address ng pinagbentahan. Confidential daw. Sa sobrang panic ko rin hindi ko na matandaan ang pangalan na nakasulat sa mga papeles na pinakita sa akin ng abogado. Kaya gusto kong sabihin sa akin ni tita Babes kung kanino niya binenta ang bahay. Gagawin ko ang lahat para mabili ko uli 'yon. Iyon lang ang natitirang alaala ng parents ko sa akin. I don't want to lose it."

Matagal na natahimik sila pareho. Si Maki ang naunang nagsalita, "At ngayon? Ano ang hitsura ng bahay?"

Uminit ang mga mata niya nang maalala ang hitsura niyon three years ago. Mula kasi nang sumama siya kay Mr. Kim hindi pa siya bumabalik sa lugar nila. "Noong umalis ako ng probinsiya, hindi pa tapos ang renovation. Kaya malamang ibang iba na 'yon ngayon. Pero kahit na. Gusto ko pa rin mabawi 'yon. Nakaipon naman na ako sa nakaraang tatlong taon pero sobrang kulang pa rin. Naisip ko na kung makakausap ko lang ng maayos ang bagong may-ari, baka makumbinsi ko siyang ibenta sa akin ng hulugan. Pero... imposible 'no?" malungkot na tanong ni Allen.

Inabot ni Maki ang mga kamay niya at pinisil ang mga iyon. "I'll do something to help you. Hindi ako sangayon na hayaang malaya ang nagbenta ng bahay mo kahit pa sabihing kamag-anak mo siya. She must pay for her crime. At ako na ang bahala na hanapin kung sino ang bagong may-ari ng bahay. I will also arrange a meeting so that we can negotiate."

"Pero sobra namang tulong ang gusto mo ibigay sa'kin."

Umiling ito, itinaas ang mga kamay niyang hawak pa rin nito at magaan na hinalikan ang mga iyon. Pagkatapos masuyo itong ngumiti. "I also love that house, Allen. That was the first home I ever had in this country, remember? Lahat din ng masasayang childhood memories ko, naroon. I don't want to lose it, too."

Uminit ang mga mata ni Allen pero pinigilan maiyak. Ngumiti na lang siya at mahinang nagpasalamat. Manginginig kasi ang boses niya kung lalakasan niya. Kahit kailan talaga, ito lang ang nagpapawala sa depensa niya. Kahit kailan, ito lang ang may kakayahang paiyakin siya.

Mayamaya tumayo na sila. May lakad daw kasi si Maki sa araw na 'yon at siya naman kailangan na rin magpunta sa martial arts studio. Naglalakad na sila nang biglang may bumusinang sasakyan mula sa likuran nila. Nagkatinginan sila ng binata at sabay na lumingon kasi nasa sidewalk naman sila at wala sa gitna ng kalsada. Nagulat si Allen kasi itim na BMW ang bumubusina sa kanila. Mas mahaba rin iyon kaysa karaniwang sasakyan. Tama ba siya ng hinala na limousine iyon?

Bumagal ang takbo niyon hanggang huminto sa mismong tabi nila. Napalingon siya kay Maki nang maramdaman niyang inabot nito ang kamay niya, pinisil iyon bago mabilis ding binitawan. Saka lang niya napansin na nag-iba na ang facial expression nito, sumeryoso na parang nainis.

Bumukas ang pinto sa passenger seat at may lalaking nakasuot ng purong itim ang lumabas mula roon. Kahit nakasuot ng suit, halatang maskulado ito. Naging alerto si Allen, handa lumaban kung sakaling may mangyari. Pero nagulat siya nang medyo yumuko ito sa direksiyon ni Maki na para bang nagbibigay galang.

"You don't have to come and get me," malamig na sabi ng binata.

Manghang napatitig siya sa mukha nito. "Kilala mo siya, Maki?"

Sinulyapan siya nito at tipid na ngumiti na halatang pilit. "Yes. I'll see you again soon, okay? Kailangan ko na umalis."

Binuksan ng maskuladong lalaki ang pinto sa backseat. Napanganga siya, marami pa gusto sabihin. Pero yumuko na si Maki at magaan siyang hinalikan sa pisngi. "I'll explain later," bulong nito sa tainga niya. Pagkatapos lumayo na ito sa kaniya, ngumiti sa huling pagkakataon at saka pumasok sa loob ng limousine. Ang maskuladong lalaki naman, bumalik na sa passenger's seat.

Tulala pa rin na napaatras si Allen nang umandar ang sasakyan. Napasunod siya ng tingin, litong lito. System Engineer si Maki. At least iyon ang sabi nito sa kaniya. Kaya bakit sinundo ito ng limousine?

Bachelor's Pad series book 13: THE MYSTERIOUS HEIRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon