Part 11

21.7K 603 29
                                    


DUMATING ang buwan ng Pebrero, ang pinakahihintay ni Allen at ng iba pang atleta na nakapasok sa regional sports meet. Sa Visayas ang venue ng competition kaya isang linggo siyang mawawala sa school. Para naman sa mga top students ng grade six, sa linggo na iyon ang exam period para sa mga science at laboratory high schools. Kaya pareho silang magiging abala ni Maki.

Sa gabi bago ang alis nila pinag empake siya ng kanyang ina kahit sinabi niyang kaya naman niyang gawin iyon. "Hayaan mong gawin ko 'to. Hindi ka namin masasamahan at masusuportahan ng papa mo habang lumalaban ka roon kaya ito man lang gusto kong gawin," reklamo ng kanyang ina.

Bumuntong hininga si Allen at walang nagawa na pinanood na lang ang mama niya. Sa totoo lang nag-aalala siyang iwan itong mag-isa sa bahay. Kahit ang papa niya na mayamaya tumatawag araw-araw para mangumusta alam niyang nag-aalala. Walong buwan na kasi ang tiyan nito at nitong nakaraang mga araw ay palagi itong namumutla at mabilis mapagod.

"Mama, wala po bang puwedeng sumama sa'yo rito habang wala po ako? Si papa po kaya hindi puwedeng mag leave muna sa duty niya at umuwi?"

"Hindi puwede. Alam mo naman na hindi basta-basta ang trabaho ng papa mo. Kailangan siya sa police station. At kaya ko naman mag-isa rito. Noong pinagbubuntis nga kita palagi rin wala ang papa mo. Hindi mo ako dapat alalahanin kasi ikaw ang anak at ako ang ina. Ako lang dapat ang umaalala at nagpoprotekta sa'yo, anak."

Pero kahit sinabi iyon ng mama niya, hindi pa rin nawala ang pag-aalala ni Allen. Pilit na lang niya iyong kinalimutan kinabukasan nang umalis na sila. Kasi kailangan niya mag focus sa competition. Gusto niyang manalo at makabalik sa national competition. Gusto niya na trophy ang maging pasalubong niya sa kanyang mga magulang pag-uwi niya.

"CONGRATULATIONS, Allen!"

Ngiting ngiti siya at paulit-ulit na nagpapasalamat sa mga teacher at estudyante na sumalubong sa kanilang mga atleta nang bumalk sila sa school pagdating ng lunes. Dahil service bus ang sumundo sa kanila sa airport kaya sa school campus sila dumeretso. Hapon na nga lang sila nakarating kaya wala na ang classmates ni Allen.

Para pa ring lumulutang ang pakiramdam niya. Hindi siya makatulog ng maayos pagkatapos ng awarding ceremony nang sa pangalawang taon ay siya ang idineklarang overall champion sa girl's division ng taekwondo tournament. Balik nationals siya sa darating na summer. Bitbit ang malaking trophy, nagpunta sila sa principal's office para ireport ang nangyari sa regional meet. Pagkatapos saka lang sila pinayagan magsipag-uwi.

Hindi na napigilan pa ni Allen ang tumakbo pauwi. Gusto na kasi niya ibalita agad sa kanyang ina ang pagkapanalo niya. Nakangisi na siya nang lumiko sa kanto kung nasaan ang bahay nila. Pero bigla siyang napahinto at kumabog ang kanyang dibdib nang makitang maraming tao sa labas ng bahay nila – mga kapitbahay na maingay na nag-uusap. At sa gitna ng mga nakatatanda, nakita niya sina Potpot at Maki na pareho pang nakasuot ng school uniform. Maputla ang mga ito at may kung ano sa ekspresyon na nagpakabog sa dibdib niya. Anong nangyayari?

Si Maki ang unang napasulyap sa direksiyon niya. Nagtama ang kanilang mga paningin at lalo siyang kinabahan. Napalunok siya at patakbong lumapit sa mga ito.

"Naku, nandito na si Allen. Allen! Alam mo ba ang telephone number ng police station ng tatay mo?" sabi ng isang kapitbahay. "Kailangan siya matawagan para makauwi."

"Bakit po? Anong nangyari?" nalilito at kinakabahang tanong niya.

Hinawakan ni Potpot ang braso niya. "Tinakbo sa ospital ang mama mo, mukhang manganganak na. Si nanay ang sumama sa kaniya."

Bachelor's Pad series book 13: THE MYSTERIOUS HEIRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon