"I think that the power of the art is the power to wake us up, strike us to our depths, and change us." - Jhumpa Lahiri
Kay's POV
Kahit ayaw ni Jeremy, sinabayan ko siyang pumasok sa opisina kinabukasan. Kahit off way sa pinapasukan ko, sinamahan ko siyang makapasok sa opisina niya. Ang aga-aga niyang gumising. Halatang excited sa pagpasok. Hindi na nga kinain ang inihanda kong almusal para sa kanya.
Pagdating sa pinapasukan niya ay humalik lang siya sa pisngi ko at nagmamadali ng pumasok. Ayaw daw niyang mahuli dahil pangalawang araw pa lang niya. Napangiti ako dahil maayos ang damit na suot ni Jer ngayon. Nahabol ko pang bukas ang ukayan na nasa kanto namin kaya ibinili ko siya ng pantalon at ilang polo. Nilabhan ko rin kagabi at plinantsa kaninang umaga. At least presentable siya. Makakasabay siya sa mga kasamahan niyang mga mukhang bigatin dito.
Napahinga na lang ako ng malalim. Feeling ko naghatid ako ng anak sa school. Kitang-kita ang excitement kay Jer. At least bumalik na ang drive niya sa buhay. Hindi katulad noon lagi na lang kaming problemado sa lahat ng bagay.
Tumunog ang telepono ko dinukot ko iyon sa bag. Napangiwi ako dahil ang biyenan ko ang tumatawag sa akin. Ano na naman kaya ang kailangan nito? Siguradong manghihingi na naman ng pera kasi akinse na bukas.
"'Nay," bungad ko sa knaya.
"Akinse na bukas, Kay. Baka makalimutan mo ang pambayad namin sa renta. Baka makalimutan mo rin ang pang-grocery namin. Puwedeng dagdagan mo na dahil nagta-trabaho na naman si Jeremy. Kulang na kulang ang ibinibigay mong pang-grocery sa amin ni Jerika." Parang kasing bilis ng armalite ang pagsasalita ng biyenan ko.
Napalunok ako at napailing.
"'Nay, wala pa hong maidagdag si Jer sa pambigay sa inyo. Kakaumpisa lang niya kahapon."
"Bakit hindi siya mag-advance? Anong klaseng kumpanya iyan? 'Yung anak ni Azon, 'nung pumasok sa trabaho may signing bonus na twenty thousand kaagad. Bakit diyan? Wala man lang paunang bayad?" Lalong tumaas ang boses ng biyenan ko.
"Hindi ho ganoon sa pinapasukan ni Jer. Sa susunod na suweldo pa siya susuweldo. Pagtiisan na muna natin kung ano ang nakukuha natin ngayon. Ibibigay ko ho bukas ang pang-renta 'nyo," napabuga ako ng hangin dahil kami naman ang mawawalan ng pambayad sa renta ni Jer. Sigurado kasing hindi titigil itong biyenan ko kung hindi makakakuha ng pera agad-agad.
"Wala naman palang kuwenta ang kumpanya na iyan. Bakit nagtiyaga diyan si Jeremy? Minsan talaga may pagkatanga 'yang anak ko. Nahawa na sa iyo. Pumunta pala ako sa bahay 'nyo. Kinuha ko na ang lahat ng bigas. Wala kaming maisaing ni Jerika. Huwag mong kalimutan na isama ang pang-grocery. Walang kuwenta," wala na akong narinig mula sa biyenan ko. Pinatayan na ako ng telepono.
Nanginginig ang kamay kong inilagay sa bag ang telepono ko. Hindi ko alam na tumulo na pala ang luha ko kaya mabilis kong pinahid iyon. Gusto ko ng bumigay. Gustong-gusto ko ng bulyawan ang nanay ni Jeremy pero pinigil ko pa rin ang sarili ko. Nanaig pa rin ang pagmamahal ko kay Jer at ayokong mabastos ang nanay niya. Pero sumusobra na siya. Hindi man lang niya naiisip ang hirap ng anak niya. May kapansanan na pero kailangan pang kumayod para lang may maibigay sa kanila.
Napabuga ako ng hangin at ilang beses na huminga ng malalim. Inayos ko ang sarili ko at naglakad na paalis doon. Nagulat ako ng biglang may humarang na bulto sa harap ko.
Si Xavi Costelo.
Tulad ng dati, naka-bun lang ang mahaba at kulot niyang buhok sa ulo niya. Nagsusulputan ang mga balbas at bigote na ilang araw na sigurong hindi pinagkakaabalahang ahitin. Kaiba sa mga empleyado na nakita ko kanina, tanging t-shirt na butas-butas, faded maong at boots ang suot niya. Nagkikislapan ang mga patong-patong na silver necklace sa leeg. Puno ng mga silver rings ang daliri. May nose piercing din at ilang stud earrings sa tenga.
BINABASA MO ANG
Withered Hues (COMPLETE)
RomansaXavier Philip Costelo was looking for the perfect model for his next exhibit. Someone who could turn all his canvas full of hues. Someone who could bring back his drive to paint something special again. Until he found Kaydence Montecillo. The mar...