"Art enables us to find ourselves and lose ourselves at the same time." - Thomas Merton
Kay's POV
"Nakakalula dito."
Mahinang-mahina ang boses na sabi ko kay Jeremy habang papasok kami sa Makati Shangri-La Hotel. Nakakapasok na naman ako sa mga hotel noon pero ewan ko ba, sa sobrang tagal na namin na hindi iniintindi ang mga ganitong bagay ni Jer, parang nakakaramdam ako ng panliliit kahit pa nga mukha naman kaming presentable ngayon. Ilang mga tao na nga ang tumitingin sa akin at naasiwa ako. Pakiramdam ko ay tinitingnan kami ni Jer dahil may kapansanan ang asawa ko.
"Bakit? Naasiwa ka ba?" Kahit nakasaklay at paika-ika ang lakad ni Jer ay taas noo siyang lumalakad sa loob ng hotel. Naninibago ako sa asawa ko. Ang dating depressed at walang confidence na lalaki ay napalitan ng matapang na tao. Hindi siya nahihiya kahit tinitingnan siya ng mga tao. Taas noo siyang naglalakad at itsurang proud pa dahil ako ang kasama niya.
"Medyo. Hindi ako sanay sa ganito," sagot ko sa kanya. Humawak ako sa braso niya at natawa si Jer.
"Ang lamig ng kamay mo," puna niya.
"Parang gusto ko ng umuwi." Kinakabahan talaga ako.
"Kay, nandito na tayo. Sabi ko naman sa iyo, treat natin ito sa sarili natin. Kinakabahan ka ba kasi tingin mo wala akong pambayad dito?" Natatawa siya.
Ngumiti ako ng maasim at tumango. "Walang laman ang wallet ko. Pang-taxi lang natin pauwi kung saka-sakali. Ayokong makulong, Jer dahil lang sa nagpilit tayong sumabay sa may perang tao."
Napahinga siya ng malalim at umiling.
"Settled na nga ito lahat. Na-confirm ko na. Huwag ka ng mag-isip ng kung ano-ano. I-enjoy na lang natin 'to." Naglakad kami at tinanong ni Jer kung saan ang Sage Bespoke Grill at itinuro naman iyon sa amin ng napagtanungan naming attendant ng hotel. Papalapit sa restaurant ay lalong lumalakas ang kaba ko. Karamihan kasi sa mga nakikita kong narito ay mga foreigners at alam kong mayayaman na tao.
Pagdating namin doon ay sinabi ni Jer ang reservation namin. Agad kaming ini-assist ng staff at dinala sa isang nakahandang mesa sa bandang gitna ng restaurant. Naka-set up ang table ng maganda. May isang slice pa ng cake at may naka-lagay na Happy Anniversary sa ibabaw.
Ngumiti lang ako sa staff na tumulong para makaupo si Jer. Kinuha nito ang crutches na gamit ng asawa ko at inilagay sa isang gilid. Inabutan kami ng menu at nagtingin doon. Nakatitig lang ako sa mga nakalagay na pagkain sa menu. Hindi ko alam kung anong oorderin ko. Ang totoo, hindi ko alam kung makakain ako dahil sa kabang nararamdaman ko lalo na ng makita ko ang presyo ng mga pagkain. Napapalunok akong tumingin kay Jer. Abala lang siya sa pagtingin doon.
Siguro ay napansin niyang hindi naman ako gumagalaw kaya tumingin siya sa akin.
"May napili ka na?"
Umiling ako. "Jer, baka kahit maghugas tayo ng plato dito hindi pa rin natin kayang bayaran ang pagkain. Isang piraso ng rib eye four thousand pesos na. Jer, umuwi na lang tayo."
Natatawang napapailing ang asawa ko sa akin.
"Ano ka ba? Basta umorder ka lang. Ang ganda-ganda mo ngayong gabi kaya hindi puwedeng sa karinderya lang kita pakainin." Hinawakan ni Jer ang kamay ko. "Orderin mo kung ano ang gusto mo. Huwag kang mag-alala dito. Ako ang bahala."
BINABASA MO ANG
Withered Hues (COMPLETE)
RomanceXavier Philip Costelo was looking for the perfect model for his next exhibit. Someone who could turn all his canvas full of hues. Someone who could bring back his drive to paint something special again. Until he found Kaydence Montecillo. The mar...