"Art is a harmony parallel to nature." - Paul Cezanne
---------------------
Kay's POV
Ilang araw din kaming walang imikan ni Jeremy sa bahay magmula ng magkatampuhan kami 'nung gabing uminom ako mag-isa. Alam kong nasaktan siya sa nasabi ko tungkol sa nanay niya pero, sobra na kasi. Napupuno din naman ako. Hindi sa lahat ng pagkakataon kaya kong magpasensiya lalo na nga at siya na ang parang dinudurog ng nanay niya.
Ilang araw din na pabalik-balik dito ang nanay niya at nagbububusa dahil sa nanghihingi ng pambili ng bagong damit daw ni Jerika para sa isang party daw na dadaluhan nito. Alam ko, binigyan ni Jeremy ang nanay niya ng pambili ng damit pero kulang daw iyon. Kailangan pa daw magpa-salon at bumili ng bagong sapatos para makasabay daw sa mayayamang kaibigan ng anak niya.
Hindi ako umiimik. Pinapabayaan ko lang na si Jer ang umayos noon sa nanay niya. Ayokong magsalita at talagang iba na ang masasabi ko. Reklamo ng reklamo ang nanay niya sa liit daw ng ibinibigay ni Jer samantalang halos lahat ng suweldo ng asawa ko sa kanila na napupunta. Kaya lang kami medyo hindi kinakapos ngayon dahil hindi na nababawasan ang suweldo ko para sa pamilya namin. Pero ganoon pa rin. Kapag hindi nakuntento ang biyenan ko, hihingi pa rin sa akin at hindi ako puwedeng tumanggi.
Nagsasawa na ako sa ganitong buhay. Minsan iniisip ko kung hanggang kailan ba namin dapat pasanin ang nanay at kapatid ni Jer. Bente na si Jerika. Graduating na nga ng college. Pero sa nakikita kong pinaggagawa nito dahil na rin sa pagiging kunsintidor ng nanay, mukhang pagkatapos din magkolehiyo, pag-aasawa din ang bagsak nito.
Akala naman ng nanay ni Jeremy hindi ko alam ang mga ginagawa nilang mag-ina. Mahilig mag-mahjong ang biyenan ko. Si Jerika, pinapasama niya sa mga mayayaman daw nitong kaibigan. Pinipilit pasabayin kahit hindi naman kayang sumabay. Pagkakataon na raw iyon ni Jerika para magkaroon ng mayayamang koneksiyon para kapag naka-graduate, makakuha ng magandang trabaho dahil na rin sa mga backer.
Painis kong ini-on ang rice cooker at kinuha sa ref ang manok na lulutuin ko para sa hapunan. Tumingin ako sa relo at pasado ala-siyete pa lang naman. Aabot pa ang afritadang gagawin ko sa pagdating ni Jeremy. Kahit naman may tampuhan kaming dalawa, hindi ko naman pinapabayaan ang mga obligasyon ko sa kanya. Saka ilang araw na din siyang okupado ng trabaho. Darating dito na parang robot. Kakain, kakausapin ako saglit tapos ay tututok na sa mga trabaho niya na dinadala niya dito mula sa opisina.
Nami-miss ko na ang asawa ko. Nami-miss ko na 'yung nag-uusap kami. Nagpapalitan ng mga kuro-kuro. Nami-miss ko na 'yung kahit alam kong nahihirapan ako, alam kong nandiyan lang siya sa tabi ko at magtutulungan kaming dalawa.
"Kay! Kaydence!"
Napa-rolyo ako ng mata at pabagsak na binitiwan ang kutsilyo kong pinanghihiwa ng manok. Maya-maya lang ay naramdaman ko ng pumapasok sa loob ng kusina ang biyenan ko.
"Kulang ang ibinigay ni Jeremy para kay Jerika. Kailangan niya ng sapatos ngayong gabi,"
Napakamot ako ng ulo at napahinga ng malalim bago humarap sa kanila. Naroon ang biyenan ko at sa likod nito ay ang kapatid ni Jeremy na nakangiti ng alanganin sa akin. Katulad din naman ito ng nanay niya. Wala ring palya itong humingi ng pera sa kapatid niya.
"'Nay, wala pa hong suweldo. Naibigay na ho lahat ni Jeremy sa inyo."
Agad na lumukot ang mukha ng biyenan ko. "Ano ngayon ang gagawin ni Jerika? Pupunta siya party na iyon ng naka-paa? Mga bigatin ang bisita sa pupuntahan niyang party. Anak ng isang kilalang businessman ang kaibigan niya at sa isang sikat na hotel gagawin kaya kailangan niyang maging presentable."
BINABASA MO ANG
Withered Hues (COMPLETE)
Storie d'amoreXavier Philip Costelo was looking for the perfect model for his next exhibit. Someone who could turn all his canvas full of hues. Someone who could bring back his drive to paint something special again. Until he found Kaydence Montecillo. The mar...