GINAW na ginaw ako ng magkaroon ako ng malay at nasilaw pa ako ng magawa kong magmulat ng mata kaya minabuti ko na lamang pumikit muna sandali.
Kasabay ng pagpikit ng aking mata ay ang pagkirot naman ng aking ulo kaya napahawak ako doon. Nanginginig naman ang aking katawan dulot ng lamig kaya sinalat ko ang aking leeg.
Ito na ba ang mga sintomas ng sakit ko? Habang tumatagal ay mas lalo lamang na nadagdagan ang hirap na nararanasan ko.
Kulay puting kisame ang unang nakita ko. Nagawa ko namang ilibot ang mga mata ko at tila nanlalabo pa ang mga iyon dahil hindi ko mawari kung sino ang mga tao sa loob.
Mas lalo akong napaigik ng maramdaman kong sumakit ang aking likod at kumirot ang aking ulo. Muli akong pumikit at tahimik na ininda ang panghihina ng aking katawan.
"A—nak?" Alam kong boses iyon ni Inang ngunit nahihirapan akong gumalaw. Nanghihina ang katawan ko. "Kumusta ka na? May nararamdaman ka bang masakit? Saan, anak!" Tuloy tuloy na sabi nito na tila'y alalang alala.
Sinubukan kong muling dumilat upang tingnan ang emosyon nito. Pipikit pikit man ngunit nagawa kong matingnan ang mapupula at maga nitong mata na kagagaling lamang sa iyak.
Nanghihina kong iniabot ang mukha nito. "Na—ng?" Nauutal na sabi ko sa pangalan nito dahilan upang maluha ito. "A—ayos lang ho ako. Huwag na ho kayong mag alala." Nagawa kong isagot kahit na hirap na hirap akong magsalita.
May kung anong bagay na nakalagay sa aking ilong kaya hinawakan ko iyon. Mula naman sa aking gilid ay nakita ko ang oxygen na nakakabit sa akin. Sunod sunod lamang itong umiling sa akin.
"Ha—nggang kai—lan mo itatago sa amin ang nararamdaman mo, Anak. Ba—kit? Ba—kit kailangan mong gawin ito. Bakit kailangan mong itago ang sakit mo?" Mariin akong napapikit ng magsimula itong umiyak sa harapan.
Nanubig ang magkabilang mata ko dahil alam na nila ang kondisyon ko. Mas lalo tuloy akong nanghihina sa tuwing naririnig ko ang mga iyak nito.
"Ba—kit, Anak?" Humahagulhol na sabi nito sa akin na ikinayuko ko na lamang at ikinailing.
"Nang huwag na ho ka—yong umiyak." Pilit kong sabi dito. "Ayokong nakikita ka—yong nasasaktan."
"Anak naman—paano ako hindi iiyak kung ganyan ang kalagayan mo. Pa—ano ako hindi masasaktan kapag bigla ko na lang nalaman na may sakit ka. Anak, hindi mo naman kaila—ngan itago sa amin ito pero bakit nagawa mo pa rin." Sumbat nito sa akin na ikinaluha ko.
Hindi ko rin naman ito masisisi kung ganito na lamang ang kanilang reaksyon. Ginusto ko ito at ito ang plano ko.
"Nang ma—matay na rin ho—ako kalaunan....." Napayuko naman ako at hinayaang tumulo ang aking luha.
"ATE/ELISA!" Halos lahat ng tao sa loob ay sabay sabay na nagsalita at sinaway ang sinabi ko.
Ngunit mapait ko lamang silang nginitian.
"Huwag na kayong mag alala sa akin. Mahal na mahal ko kayo—sobra." Sunod sunod akong napalunok habang sinasabi ko iyon sa kanila.
Alam ng diyos kung hanggang saan ang kaya kong isakrispiyo upang mapunan lamang ang makakapagpasaya sa kanila.
"Elisa anak—hindi. Hindi ka mawawala ha. Hindi ka mamatay. Naiintindihan mo ba iyon?" Giit ng Nanay ko na ikinailing ko na lamang.
"Naiintindihan ho kita, Nang. Ngunit—masaya na akong makita ko kayong masaya at sa tingin ko po ay hanggang dito na lang ang buhay ko. Nang, sa katunayan ho ay pagod na ho ako. Gusto ko na hong magpahinga, Nang."
