LUNES ng umaga at nagmamadali akong sumakay ng bus papunta sa unibersidad. Tinanghali ako ng gising at mag aalas sais na ng magmulat ako ng mata kaya naman sa ngayon ay nagkukumahog ako.
Halos hindi ko pa tuluyang naayos ang sarili ko dahil may mga tatapusin pa akong gawain na kailangan kong maipasa kinabukasan. Magbibigay rin ako ng pagsusulit sa mga estudyante ko dahil simula na ng Midterm ng mga ito.
"I'm sorry I can't fetch you. Marami pa kong kailangang asikasuhin. I love you and take care." — Eros
Basa ko sa mensahe niyang ipinaabot sa akin.
Naiintindihan ko naman siya. Nitong mga nagdaang araw ay halos subsob na siya sa kanyang trabaho at sunod sunod na ang mga ginagawa niya lalo na sa unibersidad.
Kabi–kabilang meeting ang pinupuntahan nito tungkol sa kanyang mga proyekto at balak pang gawin sa pagpapalago ng kanilang negosyo bukod sa unibersidad.
Minsan ay namamangha ako sa kanyang kakayahan dahil hindi ko akalaing napagsasabay niya ang paghawak ng negosyo at pamamahala nitong unibersidad.
Maswerte ba ako dahil nakatagpo ako ng isang katulad niya? O sadyang ginusto lang ng diyos na mangyari na magkakilala kami.
Inihilig ko na lamang ang aking ulo. Katulad ng nakagawian ko ay pumikit ako at sandaling umidlip para kahit papaano ay makabawi ako sa antok nitong nagdaang araw.
"Magandang umaga ho Ma'am. Ah–tulungan ko na ho kayo." Napaangat ako ng tingin sa isang estudyante ng makarating ako sa hallway ng unibersidad.
"Salamat pero kaya ko naman." Sabi ko dito at inayos ang bitbit kong mga papeles.
"Sige na, Ma'am. Akin na po." Pagpupumilit niya pa at marahang kinuha ang mga gamit na dala dala ko.
Napakunot noo nalang ako dahil sa tinuran niya.
"Estudyante ba kita?" Pagtatanong ko sa kanya at naglakad. Ngumiti lang ito atsaka umiling sa akin.
"Hindi po!" Sagot niya. "Tapos na po akong mag aral." Dugtong nito.
"Anong ginagawa mo dito? Mabuti naman at pinapasok ka." Sa pagkakaalam ko ay mahigpit ang bantay ng unibersidad at estudyante't guro lang ang mga pinapapasok dito bukod sa mga iba pang opisyal.
"Kilala naman na po ako ng guard kaya madali akong makapasok. Dati na po akong mag aaral nais ko lang na bumisita ulit dito." Sagot nito habang patuloy lamang sa paglalakad.
"Ganon ba?" Naisiwalat ko nalang. "Sandali, ilang taon ka na ba?" Nagtataka kasi ako dahil ang bata pa ng itsura niya at halos kaedad lamang ito ng kapatid kong kambal.
"Bente tres ho!" Turan niya. "At gumraduate ako sa edad na bente." Dagdag niya.
"Huwag mo na nga akong i–po. Hindi naman pala kita estudyante at hindi ka naman estudyante dito."
Naisip kong sabihin dito dahil magkalapit lang naman ang edad namin at nagmumukha pa akong matanda kapag iginagalang ako. Maayos namang pakisamahan ang taong ito.
"Sige ba, Ma'am. Ako nga pala si Ram." Pagpapakilala niya. Ngiti nalang ang iginawad ko dito.
"Salamat sa pagbitbit." Tukoy ko ng makarating kami malapit sa opisina.
"Walang anuman, Ma'am." Tapos ngumiti pa siya. Nagpaalam na ako sa kanya at naglakad papunta sa loob ng opisina.
"Binibining Elisa!" Napahawak pa ako sa aking dibdib ng bumulaga sa akin si Ulap at nasa tabi nito si Klea na tahimik lamang.