"Ulap maayos bang tingnan?"
Hindi ko mapigilang hindi kalabitin si Cloud habang papasok kami sa loob ng hotel kung saan gaganapin ang salo salo. Si Klea ay nauna na sa loob kasama ang ibang faculty at hinihintay kami. Hindi ako mapakali dahil pakiramdam ko ay ang pangit kong tingnan.
"Jusko po, ika-ilang tanong mo na ba 'yan sakin Elisa? Nakakaasar!" Tila naiinis na sabi nito. Napabuga tuloy ako ng hininga.
"E kasi naman parang ang baduy kong tingnan." Nakalabing sabi ko kaya inirapan lamang ako nito.
"Maganda ka, okay? Jusko kung ako lang ang nasa pwesto mo ngayon....." Sabi nito tsaka nagpatuloy sa paglalakad.
"Ulap naman e." Pagmamaktol ko dito.
"Totoo kasi, ang ganda ganda mo kaya dapat ayusin mo 'yang lakad mo." Asik nito. Napanguso nalang muli ako.
Tuluyan na kaming pumasok sa loob at nagtutugtog ng banda ang naabutan namin. Dumaragsa na rin ang ibang tao sa loob at halos taga ibang departamento ay kasali rin dahil inanyayahan ito ni Mrs. Cordovan.
"Binibining Elisa...." Salubong sa amin ni Klea.
Ang ganda nito sa suot niyang asul na dress. Kasama naman niya ang mga kapwa naming guro na halos lahat ay nakabestida.
"Magandang gabi." Bati ko sa lahat bago maupo sa upuan katabi ni Klea.
Hindi ko naman na mahagip ang bulto ni Ulap dahil tiyak akong nakikichismisan na naman ito sa ibang tao dito sa loob ng hotel.
Napakabongga ng mga disenyo sa paligid at alam kong pinaghandaan at pinagplanuhan ito. May mga barista rin sa likod at mga inumin. Unti unti na rin naman akong nasasanay sa mga ganitong okasyon ngunit minsan ay maaasiwa pa rin ako.
"Miss Ramonte, mabuti naman at dumalo kayo." Napalingon ako sa aking likod ng marinig ko ang boses ng isang lalaki. Base sa itsura nito ay nasa bente anyos palang ito.
"Ah-oo." Naisambit ko nalang atsaka ngumiti.
Maya maya rin ay nagsidatingan na ang ilan pang bisita at mga faculty ng unibersidad. Kitang kita ko naman ang bulto ni Ulap na papalapit sa amin habang may ngiti sa kanyang mga labi.
"Good evening ladies and gentlemen. Please welcome our new appointed Dean of College of Health Care Education, Mrs. Margareth Cordovan."
Halos lahat ng atensiyon namin ay napako sa gitna. Lumabas naman sa gilid si Mrs. Cordovan na sa ngayon ay napakapormal ng suot. Talaga namang napakaayos nitong tingnan at isang sulyap mo lang ay malalaman na kaagad na galing ito sa marangyang pamilya.
"Thank you for the warmth welcome to those teachers and faculty who gathered here tonight. I am so glad and excited to meet you....."
Iilan pa lamang ito sa kanyang mga sinabi at nadugtungan pa iyon. Ngunit hindi na ako nag abala 'pang pakinggan ito.
"Balita ko pupunta raw si Mr. President!" Anunsyo pa sa amin ni Ulap na ikinabahala ko.
Bigla ko namang naalala ang nangyari kaninang umaga sa opisina nito.
"Talaga ba, Cloud? Baka nagbibiro ka na naman." Asik ni Klea. Nagbulong bulungan pa ang mga kapwa ko guro na kasama ko sa mesa.
"Seryoso nga, jusko naman. Tsaka 'di ba palagi namang pumupunta 'yon kapag may ganitong salo salo." Sagot pa ni Ulap.
Habang tumatagal ang bangayan nito ay lalong bumibilis ang tibok ng dibdib ko. Kinakabahan ako sa paraang hindi ko alam. Hindi na ako mapakali mula sa kinauupuan ko at sa ngayon palang ay gusto ko ng umalis sa lugar na ito.
