PAGKATAPOS ng insidenteng iyon ay hindi na muling bumalik pa ng bahay si Daeus. Nawalan lalo ako ng sigla at tila parang gusto ko nalang matulog buong maghapon.
Ayokong palaging naiisip iyon dahil mas lalo lamang akong nasasaktan.
Minsan naiisip ko kung pumayag ba si Daeus sa kagustuhan ni Itang na tuluyan kaming maghiwalay. Na tuluyan na niya akong layuan at hindi na muling magpakita pa sa akin.
Parang ang bigat yata sa aking pakiramdam at hindi ko matanggap sa aking sarili.
Bakit ba nasasaktan ako? Masyadong masakit! Bakit parang kay dali lang ng lahat na nangyari.
Halos parang kahapon lang ay masaya pa kami, na nagawa pa naming gawin ang bagay na alam naming hindi dapat magawa ngunit dahil sa lubos na pagmamahalan naming dalawa ay walang pagsisisi at buong puso naming ginawa iyon.
Pero bakit ngayon? Talaga bang kalakip ng kasiyahan ang nasasaktan?
Gusto kong manumbat. Gusto kong ilabas kung ano ang nararamdaman ko. Gusto kong gumaan ang pakiramdam ko ngayon. Dahil napag isip isip ko na dapat hindi ko hinayaang mangyari ang bagay na iyon. Mas lalo lamang lumala ang nasa pagitan namin ni Daeus.
Dapat alam ko na ang dapat kong gawin. Pero bakit hindi ko iyon nagawa? Bakit hindi ko naipagtanggol ang nararamdaman ko? Bakit hindi ko naipagtanggol ang karapatan ko? Hindi naman na ako bata at may sarili na akong pag iisip ngayon pero bakit sunod sunuran pa rin ako kila Itang?
Nagagalit ako sa sarili ko. Galit na galit ako dahil sa edad kong ito ay napaka inosente kong mag isip at nakasalalay pa rin ako sa mga desisyon at sinasabi ng magulang ko.
WALANG buhay akong nagpaalam sa kanila na pupunta ako sa sapa kung saan nawawala ang lungkot na nararamdaman ko dahil sa taglay nitong angking ganda.
Naglakad ako patungo doon hanggang sa makarating ako.
Katulad ng dati ay malinis at malamig pa rin ang tubig na umaagos doon. Napaka-presko dulot ng hangin. At mga huni ng ibon na mas lalong nakakagaan sa aking pandinig.
Napapikit ako at nagpakawala ng malalim na buntong hininga.
May mali ba sa akin?
Paano kaya kung itinuloy ko ang pagpunta ko sa ibang bansa upang magtrabaho doon bilang nars at hindi nagtrabaho bilang guro sa Unibersidad na pag aari ng Dela Fuego. Siguro hindi ito mangyayari ag hindi ko sana makikilala si Daeus.
Siguro kung itinuloy ko iyon ay maraming akong natutulungang pasyente, marami akong naalagaang may karamdaman. Atsaka siguro nakapag ipon na rin ako at naipagawa na ng maayos ang bahay namin.
Halos lahat ng iyon imahinasyon ko lamang. Na sana kung itinuloy ko iyon ay maayos ang buhay nila Itang. Na sana masaya akong natutulungan ko ang ibang tao.
"Ate...."
Hindi ko alam na may tumakas na palang luha sa mga mata ko kaya kaagad ko iyong pinunasan lalo na ng marinig ko ang boses ng kambal.
"Ice?" Nagtatakang tanong ko na maaninag ko ito.
"Ate naman, hindi naman ako si Ice. Si Eli ako." Tila nagtatampong sabi nito sa akin. "Siguro po andami niyo ng iniisip tsaka nanlalabo na yang mata niyo dahil sa kakaiyak." Dagdag nito na bahagya kong ikinatawa.
"Ikaw talaga, kahit kailan napaka-pilosopo mo. Halika nga rito." Pag aaya ko sa kanya at pinaupo sa tabi ko.
"Ate ano po bang nangyayari sayo?" Pag iiba ng usapan nito. "Ba—bakit parang nag iba kayo? Palagi ka nalang pong tulala o kaya naman nag iisang umiyak. Ate nag aalala na ho kami ni Ice sa inyo. Ano ho ba talagang problema niyo? Maaari ka naming tulungan." May bahid na pag aalala nito habang nakakunot ang noo.
