Ika-siyam na Kabanata

108 10 1
                                    

Ika-siyam na Kabanata

NANG makabalik na ang dalawa sa kanilang tahanan ay kaagad siyang pumunta sa may kusina upang tingnan doon si Florella. Alam niyang doon madalas namamalagi ang dalaga dahil ang nakaatas dito ay gawaing pang-kusina.

Ngunit laking pagkadismaya niya nang makita niya roon ay si Adelaida.

Nagluluto ito ng pagkain, na sa tingin niya'y para sa kaniya.

"Hindi ba sinabi kong 'wag ka nang babalik dito?" tanong niya kay Adelaida at malamig niya itong tinapunan nang tingin.

Lumapit ito sa kaniya saka humawak sa isa niyang braso. Kaagad naman niyang inalis ang kamay nito roon at lumayo dito.

Mahirap na, baka mamaya ay may makakita sa kanila at muli na naman pag-usapan ang tungkol sa kasal.

Ayaw niyang matali kay Adelaida. . . Oo, mapangahas siya. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon.

May pagkakataon din namang ulo muna sa itaas ang kaniyang pinaiiral bago ang ulo niya sa ibaba.

"Bakit ba ganyan ka makitungo sa 'kin? Henrique, kung tungkol ito sa nagawa ko noong nakaraan. . . humihingi ako nang paumanhin. Hindi ko iyon sinasadya. Kaya sana, ituloy na natin ang ating kasal." Nanunubig ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya.

Matalim niya itong tinitigan. "Ilang beses ko ba kailangang sabihin sa 'yo na hindi na matutuloy ang ating pag-iisang dibdib?"

Hindi naman nagpasindak sa kanyang matalim na titig ang dalaga. "Bigyan mo ako nang malalim na dahilan kung bakit ayaw na ayaw mo nang matuloy ang ating pag-iisang dibdib?!"

Hindi niya inalis ang pagkakatitig niya rito. "Dahil hindi ko kayang makasama habambuhay ang isang babaeng may magaspang na pag-uugali."

May dumaang kalungkutan sa mga mata ni Adelaida pero maya-maya'y napalitan iyon ng galit. "Ang sabihin mo, mayroon ka ng ibang babaeng napupusuan!"

"Oo. Mayroon na ngang ibang babae sa puso ko. Isang babae na may magandang pag-uugali," sabi niya kahit wala naman talaga siyang babae na napupusuan.

Ngunit biglang pumasok sa kaniyang isipan si Florella. At kinilabutan siya nang maisip niya ito.

"Sino ang babaeng 'yan ha?! Maganda ba siya? Marikit? Mahinhin?"

Tumango-tango siya. "Lahat ng katangian na nabanggit mo ay nasa kaniya. . . mga katangiang hindi ko nakita sa 'yo."

Nanubig ang sulok ng mga mata nito. "P-pagsisisihan mo ang ginawa mong ito sa akin. . ."

Naningkit ang kanyang mga mata. "Pinagbabantaan mo ba ako?"

"Hindi 'yan isang banta. Kung 'di isang babala," pagkawika nito ay padaskol itong umalis sa may kusina.

Pagkaalis naman nito ay siya namang pasok ni Florella roon. Kaya nawala sa kaniyang isipan ang binitiwang salita ni Adelaida.

"G-ginoo? Ano po'ng ginagawa niyo rito?" takang tanong nito sa kaniya.

Matamis niya itong nginitian. "Nais kong masulyapan ang iyong ngiti bago tuluyang lamunin nang dilim ang kalangitan. Nais kong makita ang iyong magandang mukha bago kami kumain ng hapunan," sabi niya at nag-iwas nang tingin sa kaniya ang dalaga.

"Ginoo, paumanhin po ngunit hindi ninyo po kailangan na ako'y purihin. Kung may kailangan po kayo, sabihin ninyo lamang po sa 'kin nang maayos hindi po ganitong marami pa po kayong pasikot-sikot."

Kumirot ang puso niya at kasabay noon ay ang kaniyang pagbuntong-hininga. Muli na naman kasi siyang nasopla, e. At hindi iyon matanggap ng kanyang kalooban.

Stellar RemnantsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon