Ikalabing-isang Kabanata

102 6 0
                                    

Ikalabing-isang Kabanata

ISANG napakagandang ngiti ang nakaguhit sa labi ni Storm habang nakaupo sa lilim ng punong mangga. Kaniyang inaalala ang masasayang nangyari kahapon habang sila'y nasa pulang bato. Hindi lang kasi paglalaba ang nangyari roon, naglangoy din silang apat at nagkakuwentuhan.

Napuno nang kasiyahan ang ilog na iyon kahapon at lubos talaga siyang nagagalak dahil natututunan na rin ni Florella na pakisamahan siya bilang isang kaibigan, hindi na bilang isang amo nito.

"Mukhang kay saya nang iyong inaalala. . . ang iyong ngiti'y halos umabot na hanggang sa iyong tainga." Napapiksi siya nang marinig ang boses ni Julio sa kaniyang likuran.

Pinalis niya ang ngiti sa kanyang labi saka ito tiningnan. "Basta-basta ka na lamang sumusulpot kuya, may balak ka yatang patayin ako sa gulat."

Mahinang tumawa si Julio. "Nagulat ka dahil ang iyong isipa'y naglalakbay sa alapaap. Sino bang iniisip mo? Si Binibining Florella ba?" sunud-sunod nitong tanong sa kanya tsaka naupo sa kanyang tabi.

"Bakit ko naman siya iisipin?"

"Kapatid, tayo lang naman ang naririto, itatanggi mo pa rin ba na ika'y may pagtingin sa binibini?"

Inarkuhan niya ito ng kilay. "Hindi ko alam ang iyong sinasabi."

Nagkibit-balikat na lamang si Julio tsaka inilabas ang isang kuwaderno mula sa likuran nito. May dala rin itong uling at tingting na may bulak sa dulo niyon.

"Anong gagawin mo riyan?" Taka niyang tanong dito.

"Guguhit. Susubukan kong iguhit ang magiging hitsura ng magiging supling namin ni Fermina kung sakaling kami'y pagpapalain na ng Diyos."

"May angking galing ka pala sa pagguhit?"

"Hindi naman sa pagmamayabang ay, oo. Bukod sa pag-aasikaso ko rito sa ating lupain ay ito pa ang aking isang gawain, karaniwang mukha ng mga tao na aking nakakasalamuha at kapaligiran ang aking iginuguhit."

"Maaari ko bang makita ang ilan sa mga likha mo?"

"Oo naman aking kapatid." Nakangiti nitong wika at iniabot sa kanya ang makapal na kuwaderno. Kaagad niya naman 'yung tinanggap.

Binuklat niya ang unang pahina ng kwaderat isang napakagandang larawan ng ilog na maraming puno at hayop ang bumungad sa kanya.

"Ang ganda naman nito kuya." Usal niya.

"Salamat sa iyong papuri, kapatid. Nawa'y sa paglipas ng panahon ay hindi magbago ang hitsura ng ilog na iyan."

"Anong ngalan ba ng ilog na ito?" Puno ng kyuryusidad ang kanyang tinig.

"Iyan ay ang Ilog Pasig, napakaganda hindi ba?"

"Ilog Pasig..." Bulalas niya at napailing-iling siya habang nakatingin sa magandang likha ni Julio.

Ang Ilog Pasig na iginuhit ni Julio ay talagang napakaganda. Luntian ang paligid, walang bahay sa gilid-gilid, maraming mga ibon at kahit isa lang 'yung guhit ay masasabi niyang malinis pa ang tubig. Hindi kagaya ngayon, na sa ibabaw ay mukhang malinis ang tubig. Ngunit kung titingnan ang ilalim ay makikitang marumi dahil sa mga basurang sa sobrang katagalan na ay hindi na nakuha.

Kung sana'y hindi lang tinatapunan ng basura ang mga ilog, maaari pa sanang kuhanan iyon ng tubig na maiinom at maaari ring doon na kumuha ng isdang pwedeng ulamin. Naisip niya.

Stellar RemnantsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon