Ika-dalawampung Kabanata
"ANONG sinasabi mo ginoo?" Nagtatakang tanong sa kaniya ni Florella.
Mataman niya itong tinitigan at kitang-kita niya sa mukha nito na hindi ito naniniwala sa kan'yang sinasabi. "Maniniwala ka ba sa'kin kung sasabihin ko sa iyo na ako at si Henrique ay magka-iba?"
Umiling-iling ito at bakas pa rin sa mukha nito ang pagtataka. "Ginoo, pinaglalaruan mo ba ako?"
Bumuntong-hininga siya. "Kailanman ay hindi kita paglalaruan... totoo ang aking sinasabi, dahil hindi ako si Henrique, ako si Storm Desiderio at nagmula ako sa hinaharap, sa taong dalawang libo't dalawampu."
"Pagod ka lang siguro, ginoo. Kaya kung anu-ano ang lumalabas sa bibig mo." Wika ni Florella at sa tono ng pananalita nito ay hindi ito naniniwala sa ipinagtapat niya.
"Totoo ang sinasabi ko sa'yo, aking irog... hindi ba't mahal mo ako? Ngunit bakit hindi mo magawang paniwalaan ang aking sinasabi?"
Hinawakan ni Florella ang kan'yang kamay at marahang pinisil ang palad niyon. "Sapagkat malayo sa katotohanan ang iyong sinasabi. Magpahinga ka muna."
"Ngunit totoo talaga ang aking mga binitiwang kataga. At makakabalik lang ako sa hinaharap kapag napasakamay ko na muli ang... medalyon."
"Medalyon?"
"Wala iyon aking binibini, marahil nga ay kailangan ko ng pahinga." Aniya at bagsak ang kan'yang balikat ng talikuran ang dalaga saka sumandal sa pader ng kweba at umidlip muna.
Hindi pa lumalalim ang kan'yang paghinga ay naramdaman niyang may tumabi sa kaniya at sinuklay pa ang kan'yang buhok. Iminulat niya ang kaniyang mga mata at sumalubong sa kan'yang paningin ang magandang mukha ng kaniyang kasintahan.
"Naabala ba kita? Nais ko lamang humingi ng paumanhin sa'yo sa mga nasabi ko kanina."
"Wala iyon, binibini." Sagot niya at muling ipinikit ang kaniyang mga mata.
" At saka, nais ko ring tanungin kung nais mo bang kumain ng saging aking irog? Natitiyak ko kasing wala pang laman ang iyong kalamnan."
Muli niyang iminulat ang kan'yang mga mata at kasabay niyon ay ang pagbilis nang pintig ng kan'yang puso dahil sa itinawag sa kaniya ng dalaga. "T-tama ba ako sa aking narinig? Tinawag mo akong, i-irog?"
Mayuming tumawa ang dalaga. "Bakit ginoo? Hindi mo ba nais na tawagin kitang, aking irog?"
"Gusto ko, sobrang gusto ko!" Eksaherado niyang wika sabay tingin sa ina't kapatid nito. "Ngunit nais kong ipaalam na sa iyong magulang at sa aking ina ang tungkol sa ating relasyon. Upang pagkatapos ng giyerang ito, ay makapamanhikan na ako sa inyo."
"Irog ko, hindi ba napapadalos ka lang sa iyong nais mangyari? Tsaka, baka hindi ako magustuhan ng iyong ina, higit lalo na ng iyong ama..." puno ng agam-agam ang tinig nito.
"Bakit naman hindi nila magugustuhan ang isang tulad mo? Bukod sa maganda ka, malinis rin ang iyong kalooban na natitiyak kong kahit sino'y hindi makakaayaw sa iyo."
Yumuko ang dalaga. "Ngunit ginoo..."
Hinaplos niya ang pisngi nito. Hindi naman napapansin ng kanilang mga kasama ang lambingan na kanilang ginagawa. "Wala kang dahilan upang magkaroon ng agam-agam at saka, nahawakan ko na ang iyong kamay, isang beses ay nahalikan ko na ang iyong malambot na labi... alam kong sagrado sa panahong ito ang ginawa kong iyon, kaya paninindigan kita, binibini. Handa akong iwanan ang nakasanayan kong mundo, alang-alang sa'yo."
Nag-angat ito nang tingin sa kan'ya. "Kung gayon ay isa kang hangal, aking irog. Sapagkat handa mong iwanan ang lahat para sa pag-ibig."
"Kailanman ay hindi magiging kahangalan ang pagpili sa kaligayahan. Tandaan mo 'yan aking binibini."
![](https://img.wattpad.com/cover/210735565-288-k567119.jpg)
BINABASA MO ANG
Stellar Remnants
Tarihi KurguCan love be a way to stay together despite of difference in time? Storm Desiderio is a man who loves to collect things that is older than his age. Ngunit kahit mahilig siya sa mga gano'ng bagay ay hindi niya namana ang katangian ng mga kalalakihan d...