Ika-walong Kabanata
HINDI mawaglit ang paningin ni Storm sa kanilang bagong tagapagsilbi. Kasalukuyan itong naghuhugas ng kanilang pinagkainan sa may lababo habang siya'y nakasandal sa hamba ng pintuan at panakaw itong pinagmamasdan.
"Ang lagkit nang iyong titig kay Florella. Gusto mo ba siya?" Napapiksi siya nang marinig niya ang mapaghinalang boses ni Julio na kanina pa pala siyang pinagmamasdan.
"Kuya, ano bang iyong sinasabi? Tinitingnan ko lamang kung karapat-dapat talaga siyang magsilbi rito sa ating tahanan."
"Hindi ka magaling magtago ng iyong emosyon, Henrique."
Kumunot ang kanyang noo. "Sinasabi mo."
Ngumisi ito pagkatapos ay tinapik-tapik nito ang kanyang balikat. "Tingin ko, mahihirapan kang mapa-amo si Florella. Mukha siyang mailap," ika nito pagkatapos ay naglakad na ito papalayo sa kanya.
Tumaas ang sulok ng kanyang labi. Hindi pa niya nararanasan ang manligaw, at kung totoo ang hinuha ni Julio na mailap si Florella ay dito niya susubukan ang kanyang kamandag.
Dahil noong nasa taong 2020 pa siya, hindi pa siya umiimik ay naghuhubad na agad ang babaeng nasa kanyang harapan.
Ganoon katindi ang kanyang karisma.
"G-ginoo? Ano po'ng ginagawa niyo rito?" pukaw sa kanya ni Florella.
Mataman niya itong tiningnan. "Pinagmamasdan ko ang iyong mga kilos, napakapino mong gumalaw. Nakakabighani," papuri niya rito.
Yumuko ang dalaga kaya hindi niya nakita ang pamumula ng mukha nito.
"S-salamat ginoo. Ngunit dapat po ay wala kayo rito."
"Ngunit gusto kong nakikita ka Florella, nakawawala ng lungkot ang iyong kagandahan." Muntik na siyang matawa sa matalinhagang salitang kanyang binitiwan.
Tumunghay ito. "Ginoo, marami pa pong dalaga dito sa kabisera. . . at natitiyak ko na mas maganda sila at higit na kagalang-galang kaysa akin," pangsosopla nito sa kanya.
"Maaaring marami nga ang maganda rito. Ngunit ang iyong kagandahan ay natatangi, binibini."
Tumitig sa kanyang mga mata ang dalaga ngunit kaagad din itong umiwas. "Pakiusap ginoo, wag ninyo akong purihin," pagkawika nito'y yumuko ito saka naglakad patungo sa silid na tinutuluyan ng kanilang mga tagapagsilbi.
Napailing-iling siya pagkaalis nito dahil naisip niya na mailap nga si Florella. At ang kanyang karisma ay hindi rito umuubra.
Nang wala na ang dalaga sa kanyang paningin ay umalis na siya sa kusina at pumunta naman sa may hardin. Naabutan naman niya roon si Julio na nakaupo sa damuhan habang nagbabasa ng isang aklat.
Tumabi siya rito. "Mahilig ka palang magbasa?" agaw niya sa atensyon nito.
Tumingin ito sa kanya. "Oo kapatid," tipid nitong sagot bago muling tumingin sa aklat nitong hawak.
"Ano naman 'yang binabasa mo?"
"Isang kuwentong bayan."
"Ahh," aniya at bahagya siyang tumango-tango.
Maya-maya lang, ay tiniklop na ni Julio ang hawak nitong aklat pagkatapos ay nahiga ito sa damuhan at ginawang unan ang aklat na iyon.
"Ano'ng nangyari sa inyo kanina ni Florella? Nabihag mo ba agad ang kanyang puso?" panimula nito sa kanya.
Umiling siya. "Tama ka, mailap siya masyado."
"Sinabi ko na sa iyo Henrique mailap siya. . . iba ang pag-uugali ng mga kababaihan dito sa ating bansa, ibang-iba."
BINABASA MO ANG
Stellar Remnants
Historical FictionCan love be a way to stay together despite of difference in time? Storm Desiderio is a man who loves to collect things that is older than his age. Ngunit kahit mahilig siya sa mga gano'ng bagay ay hindi niya namana ang katangian ng mga kalalakihan d...