Ika-sampung Kabanata

128 6 0
                                    

Ika-sampung Kabanata

ALAS-SIETE na ng umaga ngunit nananatili pa ring nakahiga sa malambot na kutson si Storm. Wala siyang balak na lumabas sa kuwarto dahil nasisiguro niyang tutuksuhin na naman siya ni Julio kapag nakita siya nito.

Nang may kumatok sa pinto ng kanyang kwarto ay itinalukbong niya sa buo niyang katawan ang kumot saka nagtulug-tulugan.

"Ginoo, tirik na po ang araw, bumangon na po kayo."

Pabalikwas siyang bumangon nang mapagsino niya ang nagsalita. "F-florella?"

"A-ako nga po, bumangon na po kayo. Ipinaghanda ko po kayo ng mainit na sabaw," saabi nito at bago pa ito makaalis sa tapat ng pintuan ng kanyang silid ay bumangon na siya sa kama saka ito nilapitan.

Patalikod na ito sa kanya pero agad niyang hinagilap ang pulsuhan nito saka niya ito pinaharap sa kanya.

"G-ginoo, bakit po?" kunot-noong tanong nito sa kanya.

"Gusto ko lang humingi ng paumanhin sa 'yo, sa mga ginawa ko nitong nagdaang araw. . . sa mga pinagsasabi ko."

"G-ginoo, tapos na po iyon," malumanay nitong tugon.

Bumilis ang pintig ng puso niya habang nakatingin sa mukha nito. Agad siyang umiwas nang tingin dito bago pa man siya matukso na ilapat ang labi niya sa labi nito.

"Ah, ginoo may kailangan pa po ba kayo?"

Humarap na siya rito ngunit ang kanyang mga mata'y itinutok niya sa ibabaw ng buhok nito. "Wala na, ngunit may isa pa akong katanungan sa iyo, binibini."

"Ano po 'yon, ginoo?"

"Maaari ba tayong maging magkaibigan?"

"Ngunit ginoo. . . isa lamang po akong hamak na tagapagsilbi."

"Masama bang maging kaibigan ang isang tulad mo?"

"Ngunit ginoo - "

"Pakiusap Florella, nais lamang talaga kitang maging kaibigan," pagsusumamamo niya rito.

Nagpakawala nang isang buntong-hininga ang dalaga. "Sige po, ginoo."

Napangiti siya sa tugon nito. "Mabuti kung ganoon."

"M-maaari na po ba akong umalis, ginoo? Marami pa pong gawain ang naghihintay sa akin sa ibaba."

Binitiwan na niya ang kamay nito. "Oo, binibini. . . ." pagkawika niya'y tinalikuran na siya nito saka nagmamadaling bumaba sa may hagdanan.

Nakapaskil pa rin sa kanyang labi ang ngiti na dulot nito sa kanya. "Ako'y hindi isang alitaptap. Kung 'di isang lobo na naghihintay lamang ng tamang tiyempo upang kumagat ka sa bitag ko, " usal niya saka bumaba na rin siya sa hagdanan upang dumiretsyo sa may hapag-kainan.

Pagdating niya sa may komedor ay naabutan niya roon si Julio, Fermina at ang kanilang ina.

Ngingiti-ngiti na naman si Julio at tingin niya'y aasarin na naman siya nito.

"Akala ko ba'y masama ang iyong pakiramdam? Nakita mo lang si Florella gumaling ka na agad?" tukso sa kanya ni Julio at hindi nga siya nagkamali tungkol sa iniisip niya rito.

Nilapitan niya ito saka mahina itong binatukan pagkatapos ay naupo na siya sa bakanteng upuan sa tabi nito.

"Maayos na ba talaga ang iyong pakiramdam, anak?" nag-aalalang tanong sa kanya ng matanda.

Tumango-tango siya at noong kukuha na siya ng kanin ay hinampas ni Julio ang kanyang kamay.

"Panalangin muna, kapatid."

Stellar RemnantsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon