Ika-pitong Kabanata

149 10 4
                                    

Ika-pitong Kabanata

NAGWAWALIS sa harapan ng maliit nilang bakuran si Florella nang humahangos na lumapit sa kanya ang ama niya kasama ang kanyang nakatatandang kapatid na babae.

"Ama, kapatid, anong mayroon?" nagtataka niyang tanong sa mga ito.

Kinuha ng ama niya ang hawak niyang walis tingting. "Anak, kailangan mong magmadali. Kailangan ng pamilya Buenaventura ng bagong taga-pagsilbi —  ngayong araw mismo at ikaw anak, gusto kong mamasukan ka sa kanila," hinihingal nitong saad.

Kumunot ang kanyang noo at tumulis ang kanyang mga labi. "Ngunit ama, hindi ko nais na maging isang katulong. . . mas nanaisin ko pa ang magkudkod ng lupa sa bukid!" protesta niya.

Alam niyang malaki ang kikitain niya kapag nagsilbi siya roon. Ngunit hindi naman iyon ang ikaliligaya ng kanyang puso, sapagka't ang nais niya ay malapit lang siya sa kanyang ina. 'Yung palagi niya itong makikita. At kapag nagsilbi siya sa mga Buenaventura ay doon siya pansamantalang titira. . . at hindi niya gusto ang isiping iyon.

"Florella, maaari ka namang umuwi rito sa ating kubo t'wing linggo. Iyon ay araw ng iyong pahinga," mahina ngunit mariing wika ng kanyang ama.

"Ngunit ama!" tutol niya.

"Anak, ngayon lang anak, ngayon lang. . . sundin mo naman ang aking utos," pakiusap nito.

Labag sa kanyang kaloobang sumang-ayon sa nais nito. Ngunit bilang isang anak, hindi niya kayang suwayin ang utos na iyon na makatutulong nga naman sa kaniyang pamilya.

"Maglagay ka nang kaunting gamit sa bayong, at ihahatid kita sa tahanan ng mga Buenaventura."

Bagsak ang kanyang balikat. "Sige po, ama."

"Aalagaan mo ang iyong sarili roon." Paalala ng kanyang kapatid na si Justa.

"Salamat, ate," tamad niyang sagot dito. Pagkatapos ay naglakad na siya patungo sa kanilang maliit na tahanan.

Habang nasa loob ng silid at inilalagay ni Florella ang kanyang mga gamit sa bayong ay pumasok doon ang kanyang ina na malamlam na nakatingin sa kanya.

"Ina." Kaagad niya itong niyakap.

"Magsisilbi ka na pala anak sa mga Buenaventura. Kung 'di pa sinabi sa akin ng iyong kapatid, hindi ko pa malalaman," paghihinampo nito.

Humiwalay siya mula sa pagkakayakap dito. "Ina, maaari ninyo bang sabihin kay ama na h'wag na akong pagsilbihin sa mga Buenaventura? Ina, hindi ko kayang malayo sa inyo."

Bumuntong-hininga ito. "Gustuhin ko man anak, ngunit hindi ko magagawa. . . hindi natin maaaring suwayin ang utos ng iyong ama."

Ipinadyak niya ang kanyang mga paa. "Ina, ngunit ayaw ko roon. Hindi ko kayang pakisamahan ang mataas na ugali ng mga nasa alta sociedad, ng Buenaventura!" protesta niya.

Hinawakan nito ang kanyang magkabilang-balikat. "Anak, makakaya mo 'yan. Matapang ka at matatag ang iyong kalooban. Kaya naniniwala ako na kakayanin mo lahat ng pagsubok na maaaring dumating sa 'yo."

Nangilid ang luha sa kanyang mga mata. "Ngunit ina. . ."

"Anak, kakayanin mo 'yan," pagpapalakas nito sa kanyang kalooban.

Napahinga siya nang malalim at nang matapos na niyang ilagay ang kanyang mga gamit sa bayong ay lumabas na siya sa kanilang kubo habang nakasunod naman sa kanya ang ina niya.

"Halika na, anak," ika ng ama niya na nakaabang sa labas habang nakasakay sa kalesa.

Yumakap lang siya sa kanyang ina at kapatid. Pagkatapos ay sumakay na siya sa kalesa.

Stellar RemnantsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon