Ika-dalawampu't anim na Kabanata

170 9 3
                                    

Ika-dalawampu't anim na Kabanata

"BAKIT hindi mo ginagalaw ang pagkain mo, Storm?"

Napaangat siya ng tingin nang marinig niya ang isang tinig na pakiramdam niya'y matagal ding panahong hindi niya narinig. Nagising siya sa kwarto niya dahil sa isang masamang panaginip, isang bangungot.

Hindi niya maunawaan ang pakiramdam niya pagkagising. Ang bigat ng kan'yang pakiramdam, ang sakit ng kaniyang dibdib at hindi niya maunawaan kung bakit may mga luha siya sa sulok ng kan'yang mga mata.

Tila ba may pinagdaanan siyang isang pagsubok, tila may masamang nangyari na hindi niya kayang ipaliwanag.

"May lakad ka ba ngayon, Storm?" Tanong ng ama niya at noon lamang nito napukaw ang kaniyang atensyon.

"M-mayroon dad. Pupunta akong Taal mamaya, titingin ako ng balisong doon." Sagot niya at hindi niya alam kung bakit iyon ang lumabas sa kan'yang bibig, tila ba nangyari na ang lahat ng ito sa kaniya.

"F-florella, aking binibini..." usal niya at hindi na siya kumain pa nang namutawi sa kan'yang bibig ang pangalang iyon.

Kaagad siyang umalis sa may kusina at tinakbo ang kaniyang sasakyang nasa may garahe. Narinig niya pang tinatawag siya ng kan'yang ama, ngunit hindi na niya iyon pinansin. Ang tanging nasa isip niya lamang ay ang pangalan ng babaeng kan'yang binanggit.

"Florella! Florella!" Usal niya habang tinatahak ang daan patungo sa may Buli, Taal kung saan siya bibili ng balisong.

Naaalala niya ang lahat, napagtanto niyang hindi iyon isang bangungot. Kundi isang totoong pangyayari na nangyari sa kaniya noong panahon 1941 at ngayon kailangan niya ulit ang medalyon, kailangan niyang makausap ang matandang nagbigay sa kan'ya noon at higit sa lahat, kailangan niyang makita ang babaeng nagmamay-ari ng puso niya.

Si Florella.

Nag-uunahan ang pagbagsak ng kaniyang luha sa kan'yang pisngi. Sobrang nasasaktan siya habang unti-unti niyang napapagtagpi-tagpi ang lahat ng pangyayari. Mula sa pag-suot niya sa medalyon, ang nais niyang paibigin si Florella, kung paano niya ito napaibig at ang kahulihan niyang naaalala ay silang dalawa ng dalaga sa may ilog, duguan ito habang hawak niya ito sa kan'yang mga bisig.

"Salamat aking binibini at naniniwala ka sa muling buhay, naniniwala akong magkikita tayong muli, naniniwala ako... hintayin mo ako mahal ko, hahanapin kita." Bulong niya sa hangin at isang oras lang ang lumipas ay nakarating na siya sa may Buli, Taal, sa tindahan ng matanda.

Kaagad niyang itinabi ang sasakyan niya sa tabing daan. Tsaka nagmamadaling pinuntahan ang Balisong Store ng matanda.

"Bumalik ka, hijo." Nakangiting bungad sa kan'ya ng matandang lalaki. "Halika ka dine sa loob, kape ka muna."

Umiiling-iling siya. "Hindi na rin ho ako magtatagal dito Ginoong Juanito, nais ko lamang po malaman kung nasaan na ang medalyon? At nasaan si Florella?" Dire-diretsyo niyang tanong sa matanda.

Mapait siya nitong nginitian. "Hindi ko alam hijo kung nasaan na ngayon ang medalyon... ngunit alam ko kung nasaan si Florella, nandoon pa rin siya sa Escolta, Barangay 291, hinihintay ka niya, matagal na..."

Hindi na siya nagsalita pa, agad siyang naglakad pabalik sa kan'yang sasakyan at kahit hindi nito sabihin, alam niya kung saang bahagi sa Escolta naroroon ang babae niyang iniibig.

Ang puso niya ang magbibigay ng tamang direksyon patungo sa kinaroroonan ng babaeng iniibig niya.

"Hintayin mo ako, aking binibini." Pagkausap niya sa sarili at agad siyang sumakay sa kaniyang sasakyan at pinaharurot iyon pabalik sa Maynila, patungo sa Escolta.

Stellar RemnantsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon