"BRO, ang sabi ng mga maids, dumating ka na raw? Nasa'n ka ba ngayon? Let's talk, ang tagal din nating hindi nagkita."
"Bakit gano'n? Ang sakit pa rin?" Imbes ay isinagot ni Alaric sa kapatid na si Caleb na ilang segundo lang ang tanda sa kanya. Inisang-lagok niya lang ang natitirang alak sa bote bago niya ibinalik ang nahihilong paningin sa grocery kung saan kasalukuyang namimili si Erin. Muling umantak ang kalooban niya kasabay ng paghigpit nang pagkakahawak niya sa cell phone.
"Sinubukan ko namang lumayo pero mahal ko talaga siya, Caleb. 'Tapos, isang araw, malalaman ko na lang na ikakasal na kayo? Dumoble ang sakit, bro. I've never loved a woman this way, you know that."
"Umiinom ka ba?" Mapait siyang napangiti nang mabosesan ang pag-aalala sa boses ng kakambal. "Nasa'n ka? Pupuntahan kita."
Hindi siya nakasagot. Alam niyang wala siyang karapatang magtanim ng sama ng loob dahil sumingit lang naman siya kung tutuusin sa papaganda nang eksena ni Erin at ng kapatid niya. Dahil si Caleb talaga ang unang nakakita sa dalaga nang mataong parehong nagbakasyon ang mga ito sa Palawan kung saan nagkakilala ang dalawa. Caleb was already courting Erin when Alaric first met her in a hospital where he was working. He was instantly smitten by her morena beauty. May dinalaw itong estudyante nito roon na naaksidente kung saan siya mismo ang nag-asikaso. Napagkamalan pa nga siya ni Erin na si Caleb, noon niya lang nalamang nililigawan na pala ito ng kakambal niya.
Sa kabila niyon, nanligaw pa rin si Alaric sa dalaga sa pangakong hindi sila magkakasamaan ng loob ng kakambal sino man sa kanila ang piliin nito. But between them, Caleb was the real charmer; the latter had a string of girlfriends back in their college days while Alaric had none. Nagseryoso siya sa Med school noon samantalang nilaro lang nito ang pag-aaral ng Business Management. Nagpursige pa rin siya sa panliligaw kay Erin pero sa huli, ang kakambal niya ang pinili nito.
Tinanggap niya iyon kasabay ng pag-alis niya papuntang Spain para makalimot. Ginawa niyang umaga ang gabi sa pagtatrabaho. Halos isang taon rin siya doon at sa loob niyon, hindi nagkulang sa kanya ang kapatid. Palagi siya nitong tinatawagan at kung minsan ay binibisita. Hanggang sa isang araw, nakatanggap siya ng email rito na hinihiling na bumalik na muna siya sa sariling bansa dahil ikakasal na ito sa noon ay sineryoso na nitong si Erin.
Sa pagbabalik ni Alaric sa Pilipinas, nilamon siya ng selos at inggit sa mga naka-frame na litrato sa bahay na ipinamana ng ama sa kanila ng kapatid. Kumuha lang siya ng ilang bote ng alak doon at kahit wala pang pahinga, umalis siya uli at nagrenta ng sasakyan para lang masilip si Erin kahit mula sa malayo. Matiyaga siyang nag-abang sa tapat ng apartment nito. Muli niyang naramdaman ang pagkabuhay ng puso niya nang lumabas ang dalaga at nagtungo sa grocery kung saan siya muling nag-aabang habang nagpapakalunod sa alak.
He heard Caleb sighed. "I'm sorry, bro. I knew it was selfish of me to ask you to come home but you're the only family I have left, Ric. Kailangan ko ng presence mo sa kasal ko. Pag-usapan natin 'to nang maayos."
Gaya kanina, hindi niya nakuhang sumagot. Pinindot niya na ang end button nang masilip niyang lumabas na si Erin at lumapit sa kotse nito. Muli siyang nagbukas ng bote ng alak. Nang paandarin na nito ang sasakyan, sumunod siya habang ang isang kamay ay hawak ang alak at tinutungga.
Hindi niya alam kung anong klase ng masamang ispiritu ang sumapi sa kanya para mag-overtake at harangin ang kotse ni Erin nang makarating na sila pareho sa madilim na bahagi ng kalsada kung saan wala halos nagdaraang sasakyan. Sa kabila ng kalasingan ay malinaw niyang narinig ang sunud-sunod na pagbusina nito hanggang sa tila mapagod na at bumaba ng sasakyan. Bumaba rin siya. Tanging headlights lang ng mga kotse nila ang nagmistulang liwanag nila. Sinalubong niya ito sa gitna. Bakas ang pagkabiglang rumehistro sa magandang mukha nito nang sa wakas ay makilala siya.
"Ric, ikaw pala. Hindi ko alam na nakabalik ka na pala." Bahagyang nanginginig ang boses na sinabi ni Erin. "Matagal na rin kitang gustong makausap. Caleb's so worried about you. Pero kung mag-uusap tayo, 'wag dito saka 'wag ngayon. Bukas na lang." Tumalikod na ito sa kanya pero napatili ito nang bigla niyang hatakin sa braso at kabigin sa baywang dahilan para humagis sa kung saan ang susi ng kotseng hawak nito. "Ric, ano bang problema mo?"
BINABASA MO ANG
Trapped in a Vengeful Heart
Romance(Finalist for PHR Novel of the Year 2015) "In this cruel world, you've managed to introduce me gentleness." Caleb came back to the Philippines with an epic plan, to ruin Alaric, his twin brother. Kaya naman ilang araw bago ang kasal ni Alaric ay din...