"Time of death, 9:30 pm"Nabalot ng saglit na katahamikan ang isang pasilyo ng ospital bago kumawala ang hagulgol ng isang ina, ama, mga kakilala, at kamag-anak ng namatayang pamilya.
Iyan lang ang natatandaan ko at wala na akong ibang maalala bago ako bawian ng buhay.
Basta ang alam ko patay na ako.
Wala na ako sa mundo.
Tinanggap ko ang kapalaran ko bago ako mamaalam dito. Ang huling pagkakatanda ko ay nakita ko pa kung paano magmakaawa si mama sa doktor habang pinapakiramdaman nito ang pulso ko. Kitang kita ko ang paghihinagpis nila bago ko ipikit ang mga mata ko kasabay ng biglaang pagdilim ng paligid.
Wala akong ibang nakikita kundi kadiliman.
Wala akong ibang naririnig kundi katahimikan.
Nakaramdam ako ng sakit ng ulo at bigat ng katawan nang idilat ko ang mata ko at bumungad ang nakasisilaw na liwanag sa akin.
Nasa langit na yata ako.
Hinarang ko ang palad ko sa nakasisilaw na liwanag nang mapagtanto na isa lamang itong florescent light. Inikot ko ang aking paningin at laking gulat ko nang makita ang paligid. Nakita ko ang isang cabinet na nakabukas at may nakasabit na mga damit sa bandang kanan. Nakita ko naman ang isang study table na may patong-patong na libro sa bandang kaliwa. Kinusot ko ang mata ko sa pagkataranta sa nangyayari.
Ang alam ko patay na ako.
Bakit nasa loob ako ng makalat na kwarto?
Anong ginagawa ko dito?
Nagmamadali kong hinawakan ang aking pisngi, braso, kamay, at paa. Wala akong maintindihan sa nangyayari. Tumakbo ako sa bintana upang silipin ang mga tao sa labas.
Wala nga ako sa langit, nasa lupa pa 'ko.
Pero baka nananaginip lang ako. Sinubukan kong ituntong ang isa kong paa sa bintana at nagbabalak na tumalon sa baba mula rito. Nakakapit na ang kamay ko sa malapad na haligi nito upang mag-ipon ng pwersa nang magulat ako sa biglaang pagbukas ng pinto sa kwarto dahilan upang sa sahig ako mahulog.
Nagulat ako nang bumungad sa akin ang isang lalaking bakas ang pagkagulat at kyuryosidad sa mukha. Kitang-kita ko kung paano manlaki ang mata niya sa pagtataka.
"Sino ka? anong ginagawa mo rito?!" ramdam ko ang pag-angat ng kaniyang boses.
"Nakikita mo 'ko?" tanong ko.
"Paano ka nakapasok dito? Magnanakaw ka 'no? magnanak—"
Dali-dali akong lumapit at tinakpan ang bibig nito upang pigilan siya sa pagsigaw. Agad akong napabitaw nang mapagtantong nakakahawak din ako ng tao. Nanginginig akong tumingin sa kamay ko kasabay ng unti-unting pagpatak ng luha sa aking mga mata.
"Buhay pa nga 'ko," nanginginig kong sambit sa sarili.
Biglang nagbago ang atmospera ng paligid. Nag-angat ako ng tingin sa mukha ng lalaking nasa harapan ko ngayon. Kitang kita ko na naguguluhan na rin siya sa akin.
"May nagtangka ba sa buhay mo?" napalitan ng awa ang tono ng kaniyang boses.
Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Kapag sinabi ko ang totoong nangyari sa'kin ay siguradong hindi siya maniniwala, baka nga tawanan niya pa 'ko. Hindi ko rin pwedeng sabihin na bigla na lang akong napunta dito. Mas lalong hindi ko pwedeng sabihing patay na 'ko.
Hindi ko pa alam kung ano talagang nangyayari. Hindi ko rin alam kung anong lugar 'to o kung nasaan man ako. Kailangan ko ng sagot. Kailangan ko ng tulong. Sana matulungan niya 'ko.
"Ah— oo," hindi ko na mapigilan ang panginginig ng labi ko.
"Kanina pa kasi may naghahanap sa'kin sa labas," naiiyak na tugon ko. Naguguluhan na talaga ako sa nangyayari.
"Dadaan ako sa grocery store ngayon, ihahatid na kita sa inyo. Taga saan ka ba?"
"Sa Biñan Laguna. Sa may Jed San Genesis Village," sagot ko habang nagpipigil ng luha.
"Ang haba naman ng sinagot mo. Nandito ka naman talaga sa Biñan," nagulat ako sa sinabi niya.
"Nasa Biñan pa rin ako?" tanong ko.
"Yes, pero walang Jed San Genesis na village dito dahil hindi naman yun village," sagot niya habang natatawa pa. Naguluhan ako bigla sa sinabi niya.
"Anong ibig mong sabihin?" nagtataka kong tanong.
"Hindi 'yon village. Sementeryo 'yon," sagot niya habang natatawa pa.
"Jed San Genesis Cemetery," pagdidiin nito.
Bigla akong binalutan ng kaba. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa'kin. Kailan pa naging sementeryo 'yung village namin. Doon na 'ko pinanganak, lupa na nga namin yung parte namin do'n eh. Nabayaran na namin nang buo dahil na kami do'n. At hindi 'yon sementeryo.
Nakaramdam ako ng nerbyos kasabay ng pagtayo ng mga balahibo sa balat ko.
"Baka katabi lang ng bahay niyo yung sementeryo, ginulo mo pa 'ko. Alam mo wala akong panahon makipagbiro, kailangan kong magreview para sa final exam namin bukas. Ihahatid kita mismo sa Jed San Genesis Cemetery tapos ikaw na bahalang magpunta sa inyo, okay? sumunod ka na lang sa'kin sa baba,"
Kahit naguguluhan ay wala akong choice kun'di sumunod na lang sa lalaki kanina. Naabutan kong nakasakay na siya sa kulay pula niyang van na medyo luma na.
Bumusina ito at sumenyas na sumakay na ako. Hindi naman na ako nagdalawang-isip na sumakay dahil wala naman sa itsura niya ang mukha ng pagiging kriminal. Nagtungo ako sa kabilang bahagi ng van at saka sumakay.
Tahimik lang itong magmaneho at hindi man lang umiimik. Ilang minuto ang lumipas nang bigla niyang ihinto ang sasakyan at tumingin sa'kin.
"Nandito ka na," tugon nito.
Sinilip ko ang bintana at napagtantong walang katao-tao sa labas. Hindi ko rin maaninag kung nasaan ang village namin. Hindi ko alam kung anong lugar 'to.
Maya-maya pa ay may nakita akong puno ng saging. Iyon ang naging palatandaan ko gawa ng madilim na ang paligid. Mayroon kasing puno ng saging sa tabi ng village dalawang bahay bago sa'min.
"Pwede ka nang bumaba," tugon nito sa mahinahon na boses
"Salamat," sagot ko at tuluyan nang binuksan ang pinto ng van.
Maya-maya pa ay muli na niyang pinaandar ang van hanggang sa maglaho na ito sa paningin ko. Lakad-takbo akong nagtungo sa may puno ng saging hanggang sa mapagtanto kong hindi nga village ang lugar na kinatatayuan ko. Marami akong lapidang nakikita.
Nandito nga 'ko sa loob ng sementeryo.
"Megan.." nagulat ako sa boses na narinig ko.
Hinanap ko ang pinanggalingan ng boses hanggang sa dalhin ako nito sa mahabang kahoy ng puno na nakatumba. Nakita ko ang isang matandang nakabelo na maamo ang mukha. Nakasuot ito ng itim na balabal at nakatingin nang diretso sa akin.
BINABASA MO ANG
Love, Megan
Teen FictionA cruel destiny is a mysterious concept no one could ever understand. Buong akala ni Megan ay wala na siya sa mundo. Siya mismo ang tumapos sa sarili niyang buhay sa araw mismo ng kaniyang graduation kasabay ng kaniyang 18th birthday. Ngunit pagsapi...