Chapter 15: Drunk and Confession

76 12 12
                                    


Hirap na hirap kaming pagtulungan nina Vince at Red para alalayan 'yung mga nalasing.

Nawawalan na kasi sila ng balanse habang paakyat kami ng room. Akay-akay ni Vince si Jenny. Inaalalayan naman ni Red sina Celeb at Geya habang hirap na hirap akong akayin si Noah.

Nakarating kami sa room nang kapos na kapos sa hininga. Ang bibigat nila masyado. Naka-ilang laglag kami ni Noah sa sahig pero tawa lang ito nang tawa.

Naihatid nina Vince at Red sila Jenny, Celeb, at Geya habang kaming dalawa ni Noah ay naiwan naman sa sala. Nasa pinto pa lang kasi kami ay bumigay nanaman ang katawan ni Noah kaya sa malaking sofa ko na lang muna siya inihiga.

Kumuha ako ng maligamgam na tubig at pinaupo siya saglit. Gising pa rin ito pero parang nawala na yata sa tamang pag-iisip. Kung anu-anong lumalabas sa bibig kanina at panay puri sa'kin habang pinipisil pa ang pisngi ko.

"Noah,"

"Noah, uminom ka muna saglit," tugon ko sa kanya habang tinatapik tapik ang braso nito upang magising.

"Kakainom ko lang. Tama na," sagot nito sa'kin habang tumatawa-tawa pa. Kitang kita ko ang pamumula ng mukha niya dahil sa sobrang kalasingan.

"Tubig 'to," saad ko at inabot sa kanya ang baso. Inalalayan ko siya at dahan-dahang pinaupo. Nang makainom ay huminga ito nang malalim bago magsalita.

"Megan," Tumingin lang ako sa kanya at hinintay siyang magsalita.

"Mahal kita."

Napahinto ako saglit dahil sa sinambit ni Noah na nagpawala sa kaloob-looban ko. Gustong sumaya ng puso pero pinipigilan ako ng isip ko na bawal. Sa halip na saya, mas sumakit lang ang dibdib ko dahil sa mga salitang binitiwan niya. Hindi ko alam kung bakit kabaligtaran ang epekto nito sa'kin na sa halip na matuwa ako ay mas nalungkot ako lalo.

"Lasing ka na," tanging sagot ko at agad nang tumalikod para umalis ngunit naramdaman ko ang palad niyang kumapit sa kamay ko para pigilan ako.

"Please, sumagot ka naman sa mga sinasabi ko," ramdam ko ang sakit sa boses niya. Medyo garalgal na ito at malapit nang bumigay.

"Noah, lasing ka lang. Magpahinga ka na," muli kong sambit at hindi ko na mapigilan pang maluha.

"Hindi ako lasing Megan at alam ko yung sinasabi ko. Nakainom ako pero alam mong totoo yung mga binibitiwan kong salita sayo. Mahal na mahal na mahal kita. Hindi mo ba kayang ibalik-"

"Kaya ko!" pagpuputol ko sa sinabi niya at hindi ko na nakontrol ang sariling pagtaasan siya ng boses.

"Kaya kong suklian Noah. Mahal din naman kita eh. Ang kaso, mali nga kasi talaga. Bawal. Hindi p'wede. Umpisa pa lang alam ko nang hindi dapat. Ang tanga ko lang kasi tinuloy ko pa at hinayaan yung sarili kong mahulog pa lalo sayo kahit alam ko naman 'yung mangyayari."

"Sorry," dagdag ko at nagsimula nang maglakad palabas ng pinto ngunit nagulat ako nang bigla siyang yumakap habang natalikod ako.

"Hindi naman ako nagmamadali eh. Kaya kitang hintayin kung hindi ka pa handa," pabulong na sambit nito sa tainga ko habang nakayakap sa'kin. Mas lalo akong nanghina nang maramdamang basa ang mga balikat ko dahil sa luha ni Noah.

"Hindi naman yun yung punto ko. Ang punto ko, hindi talaga p'wede, Noah. Hindi mo 'ko makukuha eh. Mahirap ipaliwanag. Hindi ko maexplain," pagpupumilit ko sa kanya dahil alam kong hindi naman talaga niya ako maiintindihan.

"Bakit ba ayaw mong sabihin sa'kin, Megan? Pinagmumukha mo 'kong tanga kapag ganito eh. Iintindihin naman kita," kitang-kita ko kung paano mag-unahan ang mga luha niya sa pagtulo na mas nagpadagdag pa ng sakit sa loob ko.

"Hindi mo maiintindihan. Mahirap Noah, sobrang hirap. Mahal kita at alam ko sa sarili ko yun. Pero ako yung tanga dito dahil hinayaan ko lang yung sarili kong mahulog sa'yo. Napakatanga ko dahil ako mismo yung lumalagpas sa sarili kong linya," sigaw ko at tuluyan nang kumawala ang mga luhang kanina pa naiipon sa mata ko.

"Mahal mo 'ko pero ayaw mong sumugal?"

"Mahal kita kaso hindi pwedeng sumugal," tanging sagot ko at tuluyan nang lumabas ng pinto nang walang pumipigil sa'kin.

Hinarap ko ang dagat at doon ako sumigaw at naglabas ng mga hinanakit sa mga oras na 'to.

Ito yung pinaka kinatatakutan ko sa lahat.

Umpisa pa lang, alam ko na.

Sinabi ko na sa sarili ko na aalis ako sa mundong 'to nang hindi nasasaktan at walang nasasaktang ibang tao.

Ang dami ko nang nilabag dahil sa kapabayaan ko. Totoo pala yung sinasabi nilang lahat ng saya may kapalit. Kung inisip ko lang 'yon no'ng una, sana pala hindi na lang ako nagpakasaya kung ganito lang din naman yung igaganti sa'kin.

Alam kong sa mga oras na 'to ay umiiyak pa rin si Noah. Ayokong isipin kasi mas bumibigat yung loob ko, pero hindi ko maiwasan. Tuwing nakikita ko siyang umiiyak at nahihirapan ay gano'n din ang nararamdaman ko. Mas doble pa nga kung tutuusin.

"Megan"

Napahinto ako sa pag-iyak nang may tumawag sa pangalan ko.

Paglingon ko ay nakita ko ang babaeng matandang naka-itim at may suot na belo sa di kalayuan ngunit para akong nabuhusan ng malamig na tubig nang mapagtanto ko yung itsura ng matanda.

"Manang Tanya?" naguguluhan kong tanong at halo halong emosyon na ang nararamdaman ko.

"Ako nga, Megan" saad niya at hindi ko na napigilang yumakap sa kanya at muli nanamang tumulo ang mga luha ko kahit pa naguguluhan ako sa nangyayari.

Naupo kami saglit sa buhangin bago magpaliwanag si Manang Tanya.

"Halos lahat ng itinakda, pare-pareho lang ang naging kapalaran," sambit nito sa akin habang nakatingin lamang ito nang diretso sa dagat.

"Lahat kayo, nagmahal sa ikalawa niyong buhay," dagdag ni Manang Tanya.

"Hindi ko kayo masisisi. Alam ko namang pinigilan niyo. Pero alam ko ring walang magagawang pumigil sa tunay na umiibig," payo sa akin ni Manang Tanya sabay patong ng kamay niya sa ulo ko sabay himas dito.

"M-matagal na po ba kayong ganito?" tanong ko sa kanya.

"Ano po ba talagang nangyayari sa'kin?"

Love, Megan Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon