Chapter 20
Third Person’s POV
Madilim ang buong paligid. Nakamamatay ang sobrang katahimikan, at kapag ika’y narinig, buhay ang kapalit. Kahit ang sariling paghinga ay hindi marinig. Isama pa ang puso na hindi makapa kung ito ba ang pumipintig.
“Mabuti pang umpisahan mo na. Ayaw kong magtagal pa rito,” seryosong sabi ni Niall. Tahimik siya na nakasandal sa gilid ng isang malaking transparent na bintana na may mahabang kurtina na kulay asul.
Tanging maliliit na ilaw ang nasa bawat gilid ng kuwarto ang nabibigay ng kaunting liwanag sa buong kwarto kung nasaan sila.
“Pagkatapos ba nito may pupuntahan pa tayo?” tanong naman ni Ruce na napapatingala pa upang ilibot ang paningin sa magandang kuwarto kung nasaan sila.
“Manahimik muna kayo, puwede?” mahinahong sagot ni Frank at tumayo nang maayos. Bahagyang naubo pa ito na tila tiningnan nito kung may plema ito sa lalamunan.
Nasa bahay sila ni Zanchi. Sa mansyon ng pamilya Yco. Maikli na lang ang panahon na mayroon sila; hindi na puwede ang magtagal pa. Malapit na ang kabilugan ng buwan, at hindi nila alam kung kaya pa nilang kalabanin si Lucien na may hawak kay Zanchi.
“Ang anak ko!” sigaw ng isang babae. Marahil ito ang ina ni Zanchi.
Kumapit pa ito sa binti ni Frank. Nakaluhod ito na halos maglupasay na sa marmol na sahig at hindi maawat sa pag-iyak matapos nilang sabihin na buhay si Zanchi.
Napansin din ng tatlo na sobrang seryoso tumingin sa kanila ang papa ni Zanchi. Silang lima lamang ang nasa loob ng madilim at malaki na kuwarto. Ramdam na ramdam ang bigat ng pakiramdam sa bawat salita na binibitawan; tila kayang tumagos sa bawat kalamnan nila.
“Kapag hindi ka tumupad sa usapan, buong bayan mo ang kapalit, maliwanag? Huwag kayong mag-alala, hindi namin kayo isasama sa pagsakop namin sa inyo. Pagbibigyan ko kayo na makaalis ng bayan o bansa para sa kaligtasan ng inyong pamilya,” paliwanag ni Frank sa magulang ni Zanchi.
“Paano niyo maibabalik ang anak namin? Kung ang magiging kalaban niyo ang kamahalan?” tanong ng matandang lalaki.
“Alam ko na ngayon lamang tayo nagkitang muli, pero huwag mo akong maliitin,” kaagad na bato ng sagot ni Niall at lumapit sa kanila. Kanina pa siya tahimik, ngunit naiirita siya dahil ang tagal nila mag-usap.
”Kami na ang bahala roon. Pupunta ba kami rito upang makipagkasundo, kung hindi naman kami sigurado sa gagawin namin? Nakasasakit ng damdamin.” Umarte pa si Ruce na naninikip ang dibdib.
Kahit na puro kasinungalingan lang ang sinasabi nila. Siniko naman ito ni Niall para tumigil sa kaartehan ang kaibigan, kaya napatayo ito nang diretso at sumeryoso.
“Siguraduhin niyo lang. Kung hindi, milyon-milyong mga bala ang tatagos sa mga katawan niyo at sa buong angkan,” babala ng matandang lalaki sa kanilang tatlo.
Gustong matawa ni Niall sa narinig, ngunit pinigilan niya. Napabuga na lamang si Ruce ng hangin dahil naiinip na ito sa drama na nagaganap at napataas naman ng kilay si Frank nang palihim sa narinig.
Mukha ba silang mga walang kuwentang tao? Gusto nitong hampasin ng tabla ang matanda sa pangmamata nito sa kanila. Sabagay, ngayon pa lang sila nagkita kung kaya’t walang tiwala ang lalaki sa kanilang tatlo.
Ang plano ng grupo ay uumpisahan na nila; ang umpisa na hindi alam ng buong grupo. Ang plano lamang ay sa kanila lamang tatlo; ang pagkilos ayon sa pansariling misyon lamang.
“Nangangamba kasi ang ating pinuno. Sa henerasyon ngayon, malamang isang galaw pa lang natin limang bala na ang tataagos sa katawan natin,” sabad ni Ruce.
“Natatakot ka?” tanong ni Frank.
“Hindi, ang akin lang kaunti tayo. Sobrang unti na nating mga aswang at bampira,” paliwanag ni Ruce, sinamahan pa ito ng pagkumpas ng kamay.
“Ruce, lumayo-layo ka sa akin, baka hindi kita matantya,” seryosong sabi ni Niall sa kaibigan na kaharap si Frank upang magpaliwanag ng kaniyang opinyon; opinyon na naglalaman ng mga negatibong mangyayari.
“Kaya nga tayo kikilos nang maaga. Ano’ng mahirap intindihin doon?” sabad naman ni Frank.
“Hahayaan natin na malagasan tayo ng mga ka-grupo? Bakit kasi ang titigas ng mga ano ng mga tukmol na iyon! Mga walang utak! Kalabanin ba naman si Lucien nang hindi nag iisip,” inis na sabad ni Ruce. Tinutukoy nito ang pangyayari sa loob ng gubat at ginawing biktima si Zanchi.
“Tama na iyan. Kay Zanchi lang ang atensyon at maging pokus tayo sa kaniya,” sabi ni Frank.
Lingid sa kaalaman nila na may isang nakamasid sa kanila at sila ay sinusundan. Mahigpit nitong hawak-hawak ang itim na bag na may lamang mga armas at gamit bilang pangdepensa. Mabilis nitong inayos ang gagamitin at ang katawan nito ay inayos ang kundisyon, kahit alam nito na hindi pa maganda ang kalagayan dahil sa aksidente na nangyari noong nakaraan.
May malamig na bagay ang humalik sa leeg ni Ruce. Natigil ito sa pagsasalita at napahinto sa paglalakad, dahilan upang ang dalawang nasa unahan nito ay mapatigil sa paglalakad palabas ng mansyon. Napalingon sila sa likuran. Isang babae na may mahabang samurai na hawak at nakalapit sa leeg ni Ruce.
“Woah! Calm down, pretty lady.” Iniangat pa ni Frank ang magkabilang kamay at umakto na ibaba ang sandata na hawak ng isang babae.
“Pumayag kayong sumama ako sa inyo, kung hindi pugot ang ulo nito,” pagbabanta ng dalaga sa dalawang binata.
Napatikom ng bibig si Niall. Natatawa na talaga siya sa nangyayari, pero pinipigilan lang niya ang sarili. Paano siya natatawa sa sitwasyon na mayroon sila ngayon?
Isang aswang kakalabanin mo? Sana ayos lang ang babae at nasa tamang katinuan pa dahil kung hindi sayang ito.
“Ituloy mo. Pugutan mo na 'yan ng ulo, at sisiguraduhin namin na isusunod ka naming alisan ng ulo gamit ang mga kamay ko,” banta ni Niall at ibinato niya ang pinakaseryoso at malamig niyang tingin sa dalaga.
“Tang-ina! Sumama ka na babae!” sigaw ni Ruce na naiirita na.
“Sino ka ba?” pagtatanong ni Frank na naghikab pa. Kahit madaling araw na kung saan ay dapat maliksi at malakas sila, pero dahil sa pagbiyahe maghapon makapunta lang sa lugar nina Zanchi, ay nakaramdam ito ng pagod.
“Kaibigan ko si Zanchi,” kaagad nitong sagot.
“Ako rin, kaibigan ko iyon! Kaya puwede ba ha, alisin mo 'yang espada mo dahil nanggigigil ako!” naiinis na sabi ni Ruce na gustong-gusto nang makauwi.
“Isama niyo na ako. Gusto kong makita si Zanchi,” sabi ni Aliyah.
*20*
Follow for updates @SiriusLeeOrdinaryVote and Comment!
Thank you!
BINABASA MO ANG
Warning: She is Mine. [COMPLETED]
VampireHe's covering up something, he is hiding things, but you don't know what it is and you have got no thought what it could. A knife? A bomb? A sword? A gun? Anything that will end your life. "No one else will know if I end up killing you." R18 | Nov...