SIMULA NANG MAMATAY ang mga magulang ko sa isang hindi inaasahang aksidente, nagbago ang takbo ng aking buhay. Akala ko noong una ay panaginip lang ang lahat, ngunit nang lumipas ang ilang araw, nakumpirma kong totoo ang mga nakikita ko sa paligid.
Kahit saan ako magpunta, palagi silang nakasunod.
Kahit anong gawin ko, palagi silang nakamasid.
Nakakainis. Nakakairita. Para bang wala akong karapatang mamuhay ng normal. Ipinagkait na nga sa akin ng Maykapal ang isang masayang buhay, ipinagkait pa nito sa akin ang isang normal na buhay. Ang malas ko yata, 'no? Sana pala hindi na lang ako nagising, para makaranas naman ako ng buhay na walang mga asungot. Na walang nanggugulo—kasi nakakakita ako ng mga multo.
Kagaya ng batang palaging nakasunod sa akin tuwing uwian. Hindi ko siya pinapansin at hinahayaan ko na lang siyang sundan ako. Ang nakapagtataka lang ay kung bakit nawawala siya tuwing malapit na ako sa inuupahan kong bahay.
O kaya naman, ang mga multo sa hagdanan ng bahay ni Aling Shana. Tatlo sila at palaging naglalaro ng tagu-taguan. Isang taon na ang lumipas at hindi pa rin sila nagsasawa sa nilalaro nila. Pero ako? Sawang-sawa na.
May multo rin sa kusina ng bahay ni Aling Shana. Siguro namatay siya habang nagluluto. Gusto ko siyang paalisin dahil nawawalan ako ng gana tuwing nahuhulog ang kanyang mga mata sa ibabaw ng lamesa.
Buwesit na buhay ito.
Mapalagay sana ang buhay ko kung maayos lang ang mukha ng mga nakikita kong multo. Nagkamali ako sa paniniwalang hindi magbabago ang anyo ng isang tao kapag sila'y naging multo. Sarili ko lang pala ang niloloko ko. Ang mga pelikula ang may kasalanan nito, eh.
Kagaya ng multo sa sala na pabalik-balik ang lakad sa harap ng telebisyon. Wala akong ideya kung paano siya namatay, pero bali-bali ang kanyang katawan habang sabog ang ulo. Isang beses, tumingin siya sa aking gawi—isinuka ko lang naman ang kinain kong hapunan. Sayang, adobo pa naman 'yon.
Sino ba ang hindi masusuka kung utak mismo ng multo ang makikita ko? Jusko. Walang araw na naging payapa ang buhay ko. Pwede na yata akong sumali sa isang Paranormal Organization.
"Mawala sana ang sumpang ito," bulong ko sa sarili ko bago humarap sa kisame.
Agad kong ipinikit ang aking mga mata nang makita ang babaeng multo sa tinutulugan kong silid. Nakatingin siya sa akin at abot-tainga ang kanyang ngiti. Hanep. Alam ko namang habulin ako ng mga babae, pero pati ba naman mga babaeng multo?
Tweet your thoughts and use #ESouls on Instagram, Facebook, or X.
BINABASA MO ANG
Entangled Souls (Boys' Love)
RomanceJermaine Samonte was a college student living a relatively ordinary life until he stumbled upon an extraordinary problem: an annoying ghost named Tucker. The loss of his parents in a tragic accident had already left a deep scar on his heart, but he...