Five months later
Karylle
Halos lahat ng nakakasalubong niya ay tila sabik na sabik na pumasok sa unibersidad na parang unang araw ng pasukan kahit pa isang buwan na ang lumipas simula noong araw na iyon. Pero hayan siya at tinatamad pumasok dahil medyo masama ang pakiramdam niya. Kahit na ganoon ay pumasok pa rin siya sa lahat ng klase niya. Kaya naman niyang pumasok. At hindi nga niya namalayan na patapos na pala ang huling klase niya.
Akala niya ay makaka-uwi na siya pero naalala niya na may ensayo pa pala sila ng badminton. Varsity kasi siya ng unibersidad kaya halos araw-araw ay nag-eensayo sila. Pagkatapos nga ng huling klase niya ay pumunta na siya sa gym kahit hindi maganda ang pakiramdam niya. Pakiramdam naman niya ay kaya pa ng kanyang katawan.
Pagdating niya sa dressing room ay agad siyang nagbihis ng damit na panlaro. Pagkatapos ay pumunta na sa court. Nakita niya na nandoon na ang mga kasamahan niyang players pati si Pepper at Ginger na naglalaro. Kaya nag-unat-unat muna siya bago sumali sa mga ito.
Wala siyang ganang maglaro kaya pagkatapos ng isang laro ay umupo na siya sa bleachers ng gym. Maya-maya ay umupo ang kaibigan niyang si Ginger sa kanyang tabi. Kababata niya ito. Parang magkapatid na nga ang turing nila sa isa't-isa. Kaya nagdesisyon sila na sa parehong unibersidad sila mag-aral. Nagkataon pa na pareho silang magaling sa badminton kaya sumali rin sila. Doon nila nakilala si Pepper na dumagdag sa kanila. Kaya tatlo na silang malapit na magkakaibigan.
"May problema ba, K?" tanong ni Ginger sa kanya. Napansin siguro nito na parang matamlay siyang maglaro kanina.
"Medyo masama lang ang pakiramdam ko," sagot niya.
"Ha? Eh, bakit naglaro ka pa kanina? Ano ka, robot?" kunot-noong saad nito sa kanya. "Huwag ka ng bumalik sa court. Magpahinga ka lang dito."
Tumango siya. Wala naman siyang balak bumalik sa court. Magpapahinga nga lang siya roon at hihintayin ang mga ito na matapos.
Maya-maya ay linapitan sila ni Jhong Christian o JC. Isa ito sa mga kasamahan nilang manlalaro ng badminton na naging kaibigan rin nila.
"Okay ka lang, K?" bungad na tanong ni JC sa kanya.
"Okay lang ako," tipid na sagot niya.
"Sigurado ka bang okay ka lang?" Bakas ang pag-alala sa mukha ni JC. Hinawakan pa nito ang noo niya.
Umiwas naman siya ng bahagya. "Okay nga lang ako. Ang kulit ng lahi mo!" medyo naiinis niyang sabi.
"Okay! Okay!" pakli nito. Tinaas pa nito ang dalawang kamay nito na parang sumusuko. "Balik na nga ako do'n. Pinapasakit mo na naman kasi ang puso ko na tumitibok para sa'yo."
Pagkatapos sabihin iyon ni JC ay hinawakan nito ang puso nito sabay kindat sa kanya. Hindi niya pinansin iyon at inirapan pa niya ito. Pero ngumiti lang ito sa kanya bago siya nito talikuran.
"Mabait at maalaga naman si JC, bigyan mo kaya siya ng pagkakataon," kapagkuwan ay suhestyon ni Ginger sa kanya na halatang nanghihinayang ito para sa lalaki.
Matagal nang may gusto si JC sa kanya pero hindi niya lang ito pinapansin. Wala kasi siyang maramdaman dito na kakaiba kundi pagmamahal lang bilang kaibigan. Walang koneksyon kumbaga kapag kasama niya ang lalaki. Naniniwala kasi siya sa mga simpleng senyales gaya niyon.
"Wala, eh. Kaibigan lang talaga ang turing ko sa kanya," sabi na lang niya.
Ang totoo ay wala pa siyang naging kasintahan. NBSB siya, kumbaga. Pinili niya iyon dahil may mga nagkakagusto naman sa kanya. Pero gaya ni JC ay hanggang kaibigan lang ang maibibigay niya sa mga ito. May mga prayoridad na kasi siya kaya ayaw pa niyang may maidagdag doon na kasintahan. Naniniwala siya na darating ito sa tamang sitwasyon pero hindi pa sa ngayon.
BINABASA MO ANG
I BET YOU
RomanceNabansagang "gay converter" si Karylle dahil sa dami na niyang natuwid na bakla. May kakaiba siguro siyang charm kaya bumabalik ang nawawalang pagkalalaki ng mga ito. Halos tumatalab ang charm na iyon sa lahat ng baklang nakakasalamuha niya maliban...