CHAPTER 9

102 10 12
                                    




"Gusto kong malaman kung anong problema dahil gusto kong maayos natin kaagad, Alei."


Napatingin ako sa kanya nang magsalita siya pagkatapos nang matagal na katahimikan kanina. Nakaupo na kami ngayon at nakasandal sa likod ng pinto nitong bakanteng room. Ang tagal din naming nanatiling tahimik kanina.


"Gusto kong malaman kung may nagagawa na ba kong mali, para maitatama ko kaagad," dagdag pa niya. Nakatingin lang siya roon sa sintas ng sapatos niya, pinaglalaruan 'yon. "Gusto kong malaman kung bakit ka biglang lumalayo, para alam ko kung paano kita susunduin ulit pabalik."


Mahina akong napabuntong-hininga. Nag-isip muna ako nang mabuti bago ako nagdesisyong magsalita.


"Kung merong isang bagay kang naaalala sa akin, ano 'yon?"


Nagtataka siyang tumingin sa akin. Kahit naguguluhan ay nagawa niya pa ring sumagot. "Libro."


Tipid akong ngumiti saka ko inilipat ang tingin ko. "Kung tatanungin mo ko, libro din ang isasagot ko sa 'yo."


"Sa akin?" tanong niya. Tumango naman ako. "Bakit libro?"


"Hindi ko alam... kung magtutuloy ba akong basahin ka o hindi," sagot ko saka ako tipid na ngumiti. "Nakakatakot kasi. Parang sobrang ganda. Parang sobrang bilis. Parang sobrang ayos ng daloy ng kwento."


Dahan-dahan siyang napatingin sa akin. Niyakap ko naman ang dalawang tuhod ko saka ako nagpatuloy sa pagsasalita. "Baka sa oras na tumuloy ako ng pahina... doon na tayo masaktang dalawa."


"You're... scared of what will happen."


Napabuntong-hininga naman ako saka ako marahang tumango. "Alam naman natin pareho 'yung industriya na papasukin natin 'di ba? Walang maitatago. Walang permanente. Sa isang iglap lang, pwedeng mawala't gumuho lahat ng pangarap at pinaghirapan mo. Sa industriya na 'to, para kang laging naglalakad sa hibla ng sinulid."


Saglit kong ipinikit ang mga mata ko bago ako humarap kay Wind. "Papunta ka na sa itaas, Wind. Paano kung ako 'yung maging dahilan ng pagbagsak at pagkahulog mo?"


"Why... do you even see yourself as my downfall?" mahinang aniya na nagpatigil sa 'kin. "Paano... paanong magiging ikaw 'yung dahilan ng pagbagsak ko kung ikaw 'yung humihila sa akin pataas? Paano? Kung isa ka sa rason kaya ako nagpapatuloy?"


"Natatakot din ako, Alei. Pero hindi 'yon eh." Mariin niyang ipinikit ang mga mata niya saka siya isinandal ang ulo niya sa pinto. "Mas natatakot akong dahil dito, tuluyan kang hihilahin ng mundo palayo sa 'kin."


Mas humigpit ang yakap ko sa magkabilang tuhod ko. "Bakit kasi ako?"


"At bakit hindi?"


Wala pang ilang segundo nang masabi ko 'yung tanong ay sumagot na siya agad. Seryosong-seryoso ang mukha niya habang nakatingin sa 'kin.


"Kung makikita mo lang ang sarili mo sa kung paano kita nakikita sa bawat araw, sa bawat oras, at sa bawat minutong lumilipas, sigurado akong maiintindihan mo kung bakit, Alei."


Nang tumagal ang pagtingin ko sa kanya ay doon ko na pinitik ang sarili ko sa isip ko. Kinlaro ko agad ang lalamunan ko. Natanaw ko pa ang bahagyang pag-angat ng labi ni Wind na nagpailing na lang sa 'kin.


"It's scary that you have no idea how much power you hold within me. Grabe, Alei. Kung alam mo lang. Kahit nga utusan mo kong tumahol, tatahol ako," seryosong sabi pa niya.


Every End of the DayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon