CHAPTER 19

72 5 4
                                    




"Hintayin na lang kita sa labas, Alei."


Nagpatuloy naman ako sa pag-aayos ng bag ko saka ako tumango kay Primo bago siya lumabas ng apartment ko. Nandito siya ngayon dahil siya ang nagprisinta na maghahatid sa akin sa Arena. Sabay dapat kami ni Ai kaya lang ay kailangan niya nang mauna roon dahil kasabay niya ang mga magulang at ilang kamag-anak nila ni Ash. Sila Isel at Hadley naman ay mga nag-camping pa kagabi roon sa Arena dahil ayaw mahirapang pumasok at pumila.


Bahagya pa akong napangiti nang makita ko 'yung general admission ticket ko para sa debut showcase nila Wind ngayong gabi. Natawa pa ko nang maalala na grabe ang pagpipilit ni Wind sa akin na tanggapin 'yung VIP ticket na ibinibigay niya sa 'kin ilang araw bago ang showcase. Agad akong tumanggi dahil ang sabi ko, gusto ko na sariling pera ko ang gagamitin ko para sa espesyal nilang araw na 'to. Wala na rin naman siyang magagawa dahil nakabili na ko ng ticket.


Bago ako lumabas ay pigil akong napangiti nang makitang tumatawag si Wind. Inabot ko kaagad ang cellphone ko saka ko sinagot ang tawag niya.


"Hello?"


["Ssob! Papunta ka na?"]


Mahina pa akong natawa nang marinig ang pagkasabik sa boses niya. "Hmm. Paalis na. Good luck, galingan niyo mamaya ah? Proud ako sa inyo, sobra."


["Thank you, Alei! Thank you! Kanina pa ngiti nang ngiti 'yan, Alei! Parang tanga--- Do'n na nga kayo! Ash, mukha kang pwet! Ba't ba kayo nakikisali? Do'n na kayo! Parang mga ewan eh!"]


Napasapo ako sa noo ko nang marinig ko pa silang nagtatalo roon sa kabilang linya. Mga tapos na sigurong ayusan 'to at mga wala ng bantay sa dressing room kaya mga nagbabangayan na. Ang mga ito talaga.


["Alei! Alei! Message mo na lang ako kapag nakarating ka na ha? Kapag hindi pa ko nakapag-reply, baka nasa rehearsal na kami o sa backstage pero mararamdaman ko naman agad kapag nandito ka na. Kahit nasa dulong upuan ka pa, kusa kang mahahanap ng mga mata ko."]


Napailing na lang ako saka ako nagpigil ng tawa. "Mga linyahan mo talaga. Oo, magme-message ako agad pagkarating ko. Good luck at mag-iingat ha, iwas sa injuries."


["Yes, boss!"] Natawa naman siya saka muling nagsalita. ["Ingat ka. Mahal kita."]


Nang sabihin 'yon ni Wind ay nakarinig agad ako ng mga murahan at asaran, narinig ko pa ang pagkukunwaring naduduwal ni Ash na mas nagpatawa sa 'kin.


"Hmm, mahal din kita," mahinang sagot ko saka ako muling napangiti bago namin pinatay 'yung tawag.


Pagkabalik ko ng cellphone ko sa bag ko ay mabilis lang akong tumingin sa salamin bago ako nagpasyang lumabas na. Nandoon na si Primo habang nakasandal sa dala niyang sasakyan, mukhang abala pa sa pagte-text dahil may kinakalikot pa sa cellphone niya.


Ikinandado ko muna 'yung gate saka ako naglakad. Agad akong napadaing nang may biglang bumunggo sa balikat ko, dahilan para mahulog 'yung bag ko sa kalsada.


Napaangat naman ako ng tingin doon sa babaeng nakabunggo sa 'kin. Naka-hoodie lang siya at face mask, bahagya siyang yumuko bago niya kinuha 'yung bag ko saka iniabot sa akin.


"Sorry. Ito," tipid na aniya.


Bahagyang kumunot ang noo ko nang marinig ko ang boses niya. Parang... pamilyar sa akin na hindi ko maalala.


Napahawi naman ako ng buhok ko na humarang na sa mukha ko saka ko kinuha 'yung bag ko. "Ayos lang. Nasaktan ka ba?"


Tipid siyang umiling bago nagmadaling maglakad palayo. Nanatili ang tingin ko sa kanya hanggang sa lumiko na siya ng daan.


Every End of the DayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon