I: Tatay

10 0 0
                                    

Tatay,

   Tay, kumusta na po? Tagal na din po ano? Siguro mga 8 years na din ang nagdaan simula ng umalis kayo at mapaassign sa ibang lugar.

   Naalala nyo pa po ba? Halos dalawang taon na kayong nakaassign sa may lugar namin at sa huling taon nyo lang tayo nagkakilala talaga. Pumunta kayo ng school namin para sa isang misa, halata sa mukha nyo noon ang gulat ng nakita nyo ko doon. Kami ang nakaassign noon para mag-ayos ng gagamitan sa mass. Sakto ding nasa unahan kami. Tinitigan nyo ko at matapos ng misa, nilapitan. Hindi ko inaasahan na matatandaan nyo ko dahil hindi nyo naman ako kilala talaga. Marahil pamilyar lang ang mukha ko sa inyo.

   At doon nagsimula na maging malapit ako sa inyo. Palagi ko ng inaabangan ang pagpunta sa simbahan para makita at makakwentuhan kayo. May isang beses pa ngang nagprusisyon at saktong nasa unahan namin kayo. Dinig na dinig ko ang kwento nyo. Tungkol sa sarili nyo at sa bokasyon na pinili nyo. Doon ko napagtanto na kahit ang mga katulad nyo, may mga hindi din magagandang Karanasan. May mga dinadamdam at nasasaktan din.

  Naalala ko din ng umalis na kayo at mapaassign sa ibang lugar. Sobrang lungkot ko nun. Hindi ako sanay na hindi na kayo makikita. Pero kahit ganun, patuloy nyo pa din naman ako kinausap gamit ang text at chat. Doon nyo din sinabi na anak na ang turing nyo sa akin at maaari ko kayong tawaging tatay. Iba. Iba yung saya ko nun. Kasi nakatagpo ako ng taong ang turing sakin ay mahalaga at isang espesyal na anak. Hindi nyo ko binigo noon Tay. Dahil kahit malayo ka, dama ko pa din na may isang tao akong matatakbuhan. Tandang tanda ko pa nga noon ang sinabi nyo na sa oras na bumisita kayong muli sa lugar namin, pupuntahan mo ko. Kukuwentuhan mo ulit ako. At sobra Kong inaabangan ang araw na yun.

  Kaso, marahil nakalimutan mo na. Sa dami mong ginagawa, nakalimutan mo na may naghihintay sa pagbisita mo. Ilang beses kang dumalaw sa dating simbahan, inabangan ko ang pagdating mo subalit hindi mo ko napansin. Hindi mo ko nakita. Inabangan ko ang pagtupad mo sa sinabi mo subalit wala akong nahintay. Ang sama ng loob ko noon. Kasi nawala sa isip mo ang mga sinabi mo. Gusto Kong magtanong kung bakit. Pero hindi ko magawa. Dahil alam Kong maaaring isa lamang ako sa mga nakilala nyo noon.

   Tay, ang tagal na panahon na din. Sa bawat balitang maririnig ko patungkol sayo, hindi ko maiwasang mag-alala. Mag-alala about sa kalagayan mo. Sa kalusugan mo. Kasi kahit may tampo akong nararamdaman, alam ko sa puso ko na mahalaga ka pa din. Maliban sa tunay Kong Ama, ikaw ang tinuring Kong Tatay. Ikaw ang nagsilbing haligi ko noon. Hindi mo man marahil alam, pero naging malaking bahagi ka ng buhay ko.

  Tay, Sana dumating ang panahon na magkita tayong muli. Sana dumating ang oras na muli tayong makapag-usap. Dahil sa panahong 'yon, hindi ko sasayangin ang pagkakataon para pasalamatan ka at sabihin lahat ng mga bagay na gusto kong malaman mo.

   Hanggang sa muli Tay. 🙂

                                                        Ang iyong anak,
                                                                 CJ 🖤

For You 🖤Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon