Chapter 03: Grounded

81 7 7
                                    

/Chapter 03: Grounded/

Buong oras akong walang imik habang nagmamaneho si Dad ng sasakyan pabalik ng bahay. Nararamdaman ko ang pabalik-balik na tingin ni Dad sa akin gamit ang rear mirror ngunit hindi ko iyon pinagtuunan ng pansin at hinintay na lamang na tumigil ang kotse.

Nang malapit na sa bahay ay natanaw ko ang ilang kasambahay kasama na iyong nakakita sa akin na naghihintay sa may labas ng gate. Agad silang tumalima at binuksan ang garahe na siyang tuloy-tuloy naman na pinasukan ni Dad.

Hindi pa man niya napapatay ang makina ng sasakyan ay mabilis ko ng binuksan ang pinto nito at agad na lumabas papasok ng bahay. Narinig ko pa ang magkasunod na pagbukas at pagsara ng kotse tanda na lumabas ang dalawa.

"Cosette!" Rinig kong sigaw ni Dad ngunit hindi ko iyon pinansin. Nang madaanan ko sa may hamba ng pintuan ang maid na nakakita sa akin kanina ay malamig ko itong tinapunan ng tingin. Mabilis naman niyang iniiwas ang mata sa akin kaya napaismid ako. Ipinagpatuloy ko na lamang ang paglalakad papasok ngunit napatigil ako nang may humila sa aking braso. Pagtingin ko rito ay ang nanggagalaiting si Dad ang sumalubong sa akin.

"What?" I asked, a bit annoyed. Nakita ko ang pag-igting ng panga nito na tila pinipigilan ang sarili sa kung ano.

"What you did is immature!" He said, restraining himself.

Marahas kong hinablot ang aking braso sa pagkakahawak ng ama bago ito sinagot.

"Immature? Tinatawag mong immature ang pag-alis ko sa puder ninyo?" Nagpakawala ako ng isang mapaklang tawa bago sila muling tiningnan ng seryoso. "Magaling lang kayo sa business, pero hindi kayo magaling mag-buo ng isang pamilya," mariing sabi ko. Mabilis na nakalapit sa akin si Mom at akmang sasampalin ako ngunit agad kong napigilan ang kaniyang kamay. Mabibilis ang paghingang ginagawa niya na tila hindi nagustuhan ang lumabas sa bibig ko kanina.

Nakakatawa. Nakakatawa kung paanong ang mas nakakatanda ay ayaw na ayaw na hindi mairespeto ng mas nakakabata sa kanila, pero sila itong hindi alam ang salitang respeto. For them, voicing out your opinion about what is right that opposes their beliefs is a kind of disrespect.

"Sasampalin n'yo na naman ako? Masakit pa 'yong isa, eh. Bukas na lang ang sa'yo," malamig na sabi ko sa kaniya bago binitawan ang kaniyang kamay.

Napaawang ang labi niya at hindi na nakaimik kaya naman tinalikuran ko sila at ipinagpatuloy ang naudlot na paglalakad. Akmang ihahakbang ko na ang aking isang paa sa hagdan nang magsalita na naman si Dad.

"You're turning twenty and you still act like an immature kid!" His voice thundered, the thread of his patience were already cut off.

Napangisi ako sa sinabi nito ngunit hindi ko na sila hinarap.

"Yeah, right. Whatever," I said and continued walking upstairs. Pero mukhang hindi pa ito tapos sa sinasabi dahil muli na naman siyang sumigaw.

"You're grounded, Cosette Skye Marfori! And this time, you can't run away like that! Sisiguraduhin kong hindi ka makakaalis ng bahay kahit pa anong pagmamakaawa ang sabihin mo sa akin!"

Muli akong napatigil sa paglalakad. Naikuyom ko ang aking mga kamao at umigting ang aking mga panga.

"Gawin n'yo na lahat ng gusto ninyo. Wala na akong pakialam," huling sabi ko sa mga ito at naglakad na nang dire-diretso patungo sa aking kwarto.

Nang makarating ay mabilis kong ibinagsak ang mga bag na dala habang pinipigilan ang sariling hindi umiyak. Nanginginig ang aking mga labi kaya agad ko iyong kinagat. Dahan-dahan akong naglakad patungo sa aking kama at nang makarating ay padapa kong ibinagsak ang aking sarili. Ngunit tila hindi sapat ang mariin kong pagkagat sa aking labi kaya naman hinayaan ko na lamang iyon, kasabay ng pagtulo ng aking mga luha na naging dahilan ng pagkakabasa ng kobre kama.

Lost in the Kingdom of Gaoul (ON-GOING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon