Mga ilang buwan matapos akong magpahinga sa pagsusulat ng kwentong ito ay may balitang dumating sa akin.
Gusto nyo pa rin bang makinig?
Nandyan pa rin ba kayo?
***
Ilang buwan pagkatapos ng graduation, sa Maynila nahanap ni Precious ang unang trabaho. Sa Maynila nya rin natagpuan si Juan Carlos, officemate nya.
Marahil sa napaka-swabe, malamig at mababang tono ng boses nito, o marahil sa angking kabaitan at pagiging gentle man, o baka nakatagpo na lang talaga ulit si Precious ng taong iibigin, ng taong handa na ulit syang magbigay o mag-invest ng nararamdaman.
Nandyan pa rin ba kayo?
Hindi pa sila, crush lang ni Precious. Pero sa kasamaang palad, unti-unting lalalim ang pagsasamahan nila sa mga susunod na araw.
***
Minsan, isang araw, uwian. Malakas ang ulang winisik ng bagyong Jolina. Sa kapalpakan ata ng drainage system sa lugar ng pinagtatrabahuhan ni Precious kaya nag-baha kaagad na hanggang bukong-bukong dito. Tamang-tama, walang payong si Precious, lulusong sya sa ulan para lang maglakad papuntang Ortigas station. May pagkamalapit lang kasi ito sa building na pinagtatrabahuhan nya kaya naglalakad lang sya. Wala rin naman syang masasakyang jeep o tricycle man lang dahil wala rin naman talagang jeep o tricycle sa lugar na iyon.
Aapak na sa baha si Precious nang may tumawag sa kanya, "Oy! Teka!"
Lumingon si Pres sa pinanggalingan ng tinig, si Crush ang naroon. "Uy! Cru-...Juan Carlos!"
Maayos ang pananamit ni Carlos. Naka slacks, nakatuck-in ang longsleeves na kulay berde, may dalang backpack, nawawala na sa ayos ang buhok dahil sa wisik ng ulan, "Magpatila ka na lang muna."
"May alam ka bang lugar na puwedeng silungan muna?" tanong ni Pres na nababasa na rin ng tubig ulan ang mukha
***
Sa isang Coffee shop dinala ni Juan Carlos si Pres. Tipikal na Coffee shop lang sa may Ortigas na may pakulong iba't ibang klaseng board games at post-its—kung saan isusulat mo kung ano yung nararamdaman mo o kung ano man yung gusto mong sabihin, sabay ididikit mo ito sa isang board. Mura lang din ang mga kape at frappe, kaya dito minsan naglalagi si Carlos kapag may palihim na tinake-home na job order.
"Libre ko na muna 'yan," sabi ni Carlos nang inilapag ang mainit na kapeng binili para sa kanilang dalawa ni Precious.
"Nakakahiya naman," alma ni Pres pero may kilig sa mukha.
Humigop si Carlos sa tasa. Nanlabo kaagad ang salamin nito sa mata dahil sa usok ng kape. Muntik nang masamid. "Edi, ikaw naman manlibre sakin next time," sabay ngiti, unti-unti.
Isa pa ito sa nagustuhan ni Precious sa kanya, yung ngiti nya. Yung may sasabihin sya tapos pagkatapos nyang sabihin yung sasabihin nya e unti-unti na lang syang ngingiti. Di alam ni Precious kung ano ang dahilan pero ang attractive nito para sa kanya. Ngayon lang sya nakakita ng taong ganoon ngumiti.
BINABASA MO ANG
TALAHAMIK
Romance[ with ILLUSTRATIONS ] "Dinapuan ng kakaibang kapansanan si Pres. May kakaibang sensasyon s'yang nararamdaman sa labi n'ya. 'Yung para bang may gusto s'yang sabihing salita na bigla na lang n'yang nakalimutan at nasa kadulu-duluhan na ng dila niya. ...