10

19 2 0
                                    


Grumadweyt ang dalawa. Nagtagumpay ang Student council ni Bartolomeo sa kahit na anong proyekto at balakid na dumating dito. Dahil dito'y nagkaroon sya ng tagasuporta at mga kakilala. Mga taong makakapitan sya at makakapitan nya. Ikinatuwa ng buong unibersidad ang pamamalakad nya at pati na rin ng mga taong nakasama nya. Iginawad sa kanya ang plakeng Honorable Mention noong umakyat sya sa entablado, at pati na rin ang iba pang pagkilala. Paniguradong mamimiss sya ng mga nakasalamuha at mga taong mas nakakilala sa kung sino sya sa pamamalagi sa eskwelahan na ito.

Isinabit naman sa leeg ni Precious ang medalyang nagpapatunay na nagtapos syang may pinakamataas na marka sa buong paaralan. Umakyat sya ng entabablado para ipresenta ang huling talumpati.

Sa limang taon nyang pamamalagi sa unibersidad, hindi nya pa rin lubos makilala ang mangilan-ngilang mukhang haharapin nya ngayon mula sa itaas ng entablado. Umakyat syang may kaba. Wala syang kahit na anong papel na dala. Wala syang inensayo na kahit na anong piece ng talumpati, kahit na ipinilit pa sa kanya ito ng adviser sa paggawa ng graduation speech. Mas gusto nyang kusa na lang lumabas ang kahit na anong salitang gustong bigkasin ng bibig sa mga oras at espesyal na okasyong iyon.

Inilapit ni Pres ang bibig sa mikropono, umasa syang magkakaroon ng nakabibinging feedback ito, ngunit ang kabado nyang paghinga lang ang narinig ng mahigit dalawang libong tao na dumalo.

Isang tingin muna ang ibinigay nya sa lahat ng tao—ngunit alam ng puso nya na may iisang tao lang sya na gustong silipin sa mga kumpol nito, saka sya nagsalita, "Para sa may mga gustong sabihin ngunit hindi pa alam kung ano ang salitang ito at kung para kanino."

Katahimikan. 

"Marahil gusto nating sabihin ang salitang 'Salamat', ngunit hindi natin alam kung para kanino. Siguro para sa mga gurong hindi nagsawang magbahagi ng kahit na anong karunungan hanggat sa kung saan ang makakaya nila. Siguro para sa mga kaibigang sinikap na hindi gawing nakakabagot, awkward, at impiyerno ang buhay sa kolehiyo..."

Napailing ang mga kaibigan ni Pres at iba pang estudyante, hindi alam kung pwede bang sabihin ni Precious ang salitang impiyerno sa lahat ng nagtatayugang miyembro ng administrasyon ng eskwelahan.

"At siguro gusto nating sabihin ang salitang 'Pasensya', at siguro para ito sa mga magulang natin. Pasensya kung naging inutil ako paminsan-minsan. Pasensya kung hindi ko sinusunod ang ilan sa mga sinasabi nyo. Pasensya kung ganitong grado lang yung nakayanan ko. Pasensya kung kailangan nyong maghirap. Pasensya kung minsan ko nang kinalimutan na magulang ko kayo."

Sinagot ng tawa ng mga magulang ang pagkarelate sa sinabi ni Pres.

"Baka gusto rin nating sabihin ang mga salitang 'Pinapatawad na kita', Para siguro sa taong hinusgahan ang buong pagkatao mo. Para siguro sa taong nanakit sayo. Para siguro sa taong dumurog sa puso mo," pakulo lang ni Pres, wala talaga syang pinapatamaan. Di naman sya sinaktan. Nagreact ulit ang mga estudyante na tila sinisilaban ang singit kung tungkol na sa pag-ibig o paghugot ang pinag-uusapan.

Nagtagal pa nang mga ilang minuto ang talumpati ni Precious bago nya tuluyang tapusin ito, "Huwag na kayong magsayang ng kahit na anong sandali para sabihin sa mga taong mahahalaga sa inyo ang mga tamang salita na para lang sa kanila, pakiusap lang. Hindi natin alam kung kailangan natin masasabing huli na para marinig nila ito." Saka sya nagpasalamat sa lahat ng nakinig at sa lahat ng estudyanteng nakasurvive sa mapanganib na laro ng kolehiyo.

Nagpalakpakan ang lahat ng graduates. Naghiwayan. Nagbatian at nag-iyakan. Sinabi nila ang lahat ng salitang gusto nilang sabihin sa mga taong hindi pa nila napagsasabihan nito.



***

Natapos ang Commencement Exercise. Naglalakad na papuntang gate ang lahat ng graduates at magulang para umuwi. Niyaya na rin si Precious ng nanay at tatay nyang lumabas ng gate, pero sinabi nyang mauna na muna sila nang makita nya si Bartolomeo. Nakatayo lang, may inaaninag. May mga taong napapadaan at binabati si Meo. Nang umalis ang mga ito'y naiwan pa ring nakatayo si Bartolomeo.

Hiniling ni Precious na bumaling ng tingin si Meo sa kinatatayuan nya, at iyon nga ang nangyari. Kumabog ang dibdib ni Precious. Gwapong-gwapo sya kay Bartolomeo ngayong maayos ang pagkakahawi ng waving buhok at bagay na bagay sa tangkad nito ang barong na suot.

Walang nagtanong sa mga sarili nila kung lalapitan ba nila ang isa't isa. Dyan ka lang sa malayo, iyan ang hiling nila. Wag kang magsasalita. Hindi na nila ninais na sabihan din sila ng isa't isa ng mga salitang para lang sa kanila. Tuluyan na nilang kinalimutan ang salitang gustong buuin ng mga bibig nila. Nawala na rin naman ang sensasyong ito nang tuluyan. Nawala na ang kapansanan.

At hindi ko na siguro puwedeng pahabain pa ang mga salita sa kuwentong ito, dahil ang mga tauhan mismo'y nawalan na ng mga salitang gustong sabihin sa isa't isa.

Isang tango ang binigay nila sa isa't isa bago tuluyang umalis si Bartolomeo. Naiwang nakatayo si Precious, dinaraanan ng ilang graduates. Nakita nyang unti-unting lumayo si Meo at unti-unting nilamon ng mga taong papalabas ng gate hanggang sa hindi nya na ito makita.

Sinabihan sya ng konsensya na maglakad sya, na habulin nya, na magsabi sya ng sorry sa mga nagawa nya, na patawarin nya rin ito sa mga nagawa sa kanya at unawain pa nila ng lubusan ang hindi na nila nagawa para sa isa't isa--pero hindi nya sinunod. Hanggang sa tuluyan na ngang maglaho si Bartolomeo. Hindi lang sa buhay ni Precious kundi pati na rin sa mga social media na pangkaraniwang ginagamit nito. Wala ka nang kahit na anong Bartolomeong masesearch sa Facebook o sa Instagram o sa Twitter man.

Marahil hindi na natin kailangang tanungin ang mga sarili natin sa kung ano nga bang nangyari sa kanilang dalawa. Kahit akong sumusulat nito ay ayoko na ring tanungin si Precious. Nangangamba akong baka ikagalit nya. Kahit ako, hindi ko na rin makita si Bartolomeo. Mga matatandang tao na lang sa facebook ang nakikita kong may pangalan na ganito kapag nagsesearch ako. Pasensya at hindi nyo ako mapipilit na alamin kung ano nga bang nangyari sa relasyon nila. Pasensya. Ang tangi ko na lang magagawa ay ang tapusin itong kwento.

 Ang tangi ko na lang magagawa ay ang tapusin itong kwento

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
TALAHAMIKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon