21

18 0 0
                                    

*Approaching Shaw Boulevard station. Shaw Boulevard station*

Naibsan ng mabilis na pagtakbo ng tren ang pagkainip ni Precious. Pakiramdam nya'y nakikiramay din ang MRT sa paghabol nya kay Bartolomeo. Hindi pa rin sya mapakali, inaani-aninag din nya ang loob ng tren at baka naririto rin si Meo. Napraning na ang loka.

At nakarating na nga sila sa Shaw Boulevard Station. May mga pasaherong bumaba at mayroon ding pumasok. Tiningnan nya ang mga tao sa labas, pero wala syang Bartolomeo na nakita. Hindi nya alam kung mananatili ba sya o lalabas ng bagon, pero huli na, nagsara na ulit ang sliding door at papunta na sila sa susunod na estasyon.

Nainip ulit si Precious. Hindi na naging sapat ang bilis ng MRT. Nag-aalala nanaman sya. Kinakabahan. Bawat minutong itinatagal nya sa loob ng tren ay unti-unting lumalamlam ang pag-asang maabutan pa nya si Meo. Please lang, please lang, pakibilisan.

Dumaan na sa estasyon ng Boni, Guadalupe, at Buendia pero wala pa ring Bartolomeong nagpakita. Labas-masok ang mga pasahero, pero ni isa sa kanila ay hindi si Bartolomeo. Sinuyod nila ang estasyon ng Ayala at maya-maya'y nakarating na sa Magallanes. Siksikan na, amoy pawis na ang tren, halos nakasandal na si Precious sa sliding door na bawal naman talagang sandalan. Buti'y tuyong-tuyo na ang damit nya sa pagkakabasa sa ulan at hindi na sya nahihiyang dumikit sa ibang tao.

*Last station, Taft station. Paki double-check ang inyong mga ticket at gamit. Last station Taft station*

Hindi sigurado si Precious kung sa Taft nga rin ba bababa si Meo. Hindi rin sya sigurado kung sa mga estasyong nadaanan nila kanina. Hindi sya sigurado sa lahat. Wala na, napaglaruan na nga talaga ako ng tadhana, dismaya nya sa sarili.

Unti-unting tumigil ang tren. Bumukas ang pintong pinagsandalan ni Pres. Nagsilabasan ang lahat ng taong nasa loob ng bagon at natanghay sya ng mga ito papalabas. Nang makalabas ay tumigil sya sandali. Tumingin-tingin sa paligid. 6:50 p.m. na. Nakakalunod ang dami ng tao. Hindi maproseso ng utak nya kung sino si Bartolomeo sa mga ito.

Naubos ang laman ng bagon. Bumalik sya sa loob, luminga-linga sya sa paligid at may nakitang lalaking nakaupo sa kadulu-duluhan. Naka-slacks itong itim at black shoes. Itim din ang medyas. Nasa harapan nya ang bag at parang may kinakalikot sa cellphone. Tumayo ang lalaki at nadismaya lang si Precious nang makitang matandang lalaking panot ito. May kaliitan din. Doon na tuluyang lumabas si Precious.

Gabundok ang dami ng tao, mga taong ngayon nya lang nakita. Ni isa ay wala syang kakilala sa mga ito. Lumingon-lingon sya sa paligid, mga taong pagod lang sa trabaho ang nakita nya. Mga batang gustong magpakarga sa magulang. Mga magkasintahang magkaholding-hands, Sana all. Mga taong galing pa ata sa malayong lugar sa dami ng dala. Mga estudyante. Mga nag-aapply ng trabaho. Samo't saring tao talaga ang makikita mo sa MRT. Mga taong iisa lang ang layunin, ang makauwi o ang makarating sa paroroonan.

Kasabay ng pagkahilo ni Precious sa dami ng tao ay ang pagsakit ng tenga nito sa ingay. Mga taong nag-uusap, nagtatawanan, mga barker ng jeep sa labas ng estasyon, mga jeep, mga busina ng bus at kung ano-ano pa.

Naglakad si Precious papunta sa malaking hagdanan ng Taft Station, kung saan ka pwedeng umakyat para makalabas sa estasyon na ito. Tumigil si Precious sandali. Nag-isip-isip sya bago tuluyang umakyat ng hagdanan. Sinabi nya sa sarili—kapag lumingon sya sa likod nya, si Bartolomeo ang una nyang makikita. Nagbilang sya ng isa...dalawa...tatlo, sabay lingon, walang Bartolomeo. Inaninag nya sa isa pang pagkakataon ang kapaligiran. Sa bawat segundong itinatagal nya sa pagtitig sa mga mukha ng taong hindi nya kilala ay sya ring pagkawala ng pag-asa nyang makita ulit si Meo. Wala na. Hindi na mauulit. Tinanggap nya na ang kapalaran. Nanalo ang tadhana sa laro. Unti-unting natunaw ang puso nya. Hindi sya iiyak, hindi. Wala nang Bartolomeo. Tuluyan nang naglaho. Wala na...

TALAHAMIKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon